ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Saturday, November 26, 2011

Ang Pagbalik-loob sa Allah


Ang Pagbalik-loob sa Allah


Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin


Ang katagang "Tawbah" sa salitang arabik ay may literal na kahulugan na pagbabalik, mabalik o tumalikod. Kapag ang tao ay nakagawa ng kasalanan, sadyang siya ay tumalikod sa Allah at lumihis sa tuwid na landas. Datapwa't ang pagbalik loob sa Allah ay nangangahulugan ng pagbalik sa tuwid na landas - ang pagbabalik - ay ang pagharap sa Allah.

Ang isang masugid ba alagad ng Allah ay hindi nangangahulugan ng walang nagawang kasalanan. Ni minsan walang ipinahayag ang Allah sa ganitong uri ng naniniwal sa Qur'an. Sapagkat ang isang naniniwala ay isa pa ring tao, likas lamang na siya ay mayroong pagkukulang sa pang-araw araw na gawain.


Sinabi ng Allah sa Qur’an:

Kaya’t huwag mong sundin (O Muhammad) ang mga nagtatatwa (sa Kaisahan ng Allah at nagpapabulaan sa Kanyang mga Talata, sa Kanyang Tagapagbalitang si Muhammad, atbp.). [Surah Al-Tahrim - 66:8]

Sa talatang ito, kinakausap ng Allah ang 'mga naniniwala' at sinasabihan Niya silang magbalik-loob sa Allah. Pinapatunayan lamang nito na ang mga naniniwala ay pangkaraniwang tao pa rin na nakakagawa ng pagkakamali.

Ang pagkakaiba ng isang naniniwala ay ang kaaga-agad na pagbalik-loob sa Allah at bumalik sa tuwid na landas sa sandaling nagkamalay sa kanyang pagkakasala, at higit sa lahat dama diya ang pagsisisi sa kanyang nagawang kasalanan.

Kadalasan, nakakagawa tayo ng pagkukulang ngunit nakakaligtaan nating humingi ng kapatawaran sa Allah. Maari tayong makadama ng panandaliang pagsisisi sa ating kasalanan ngunit hindi ito nagtatagal at patuloy tayo sa pang-araw-araw na gawain na tila baga walang nagawang pagkakasala. Ito ay hindi masasabing pagbabalik-loob sa Allah.

Ang Propeta ng Islam (Nawa’y pagpapalain at biyayaan siya ng Allah), na ang ugali at asal ay siyang huwaran at malaya sa pagtutuligsa ay magbalik loob sa Allah at humingi ng kapatawaran sa Allah ng higit na madalas kaysa sa ating ginagawa.

Ang Propeta (Nawa’y pagpalain at biyayaan siya ng Allah) ang nagsabi:

“Isinusumpa ko sa Allah na Aking hihingan ng kapatawaran mula sa Allah at magbalik loob sa Kanya ng 70 ulit sa isang araw.” (Riyad As-Salihin)

Ang Allah ay handang magpatawad sa Kanyang mga alipin kapag humiling sila ng kapatawaran.

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

At kung ang mga sumasampalataya sa Aming Ayat (mga kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.) ay lumapit sa iyo, ipagbadya: “Assalamu alaykum (ang kapayapaan ay sumainyo); ang inyong Panginoon ay sumulat ng Habag mula sa Kanyang Sarili, upang kung sinuman sa inyo ang gumawa ng kasamaan dahil sa kawalang kaalaman, at pagkatapos ay nagtika at gumawa ng matutuwid at mabubuting bagay (sa pagsunod sa Allah), kung gayon, katotohanang Siya ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain." [Surah Al-Anam - 6:54]

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

At Siya ang tumatanggap sa pagtitika ng Kanyang mga alipin, at nagpapatawad ng mga kasalanan, at batid Niya ang inyong ginagawa. [Surah Ash-Shura - 42:25)

Sinabi ng Propeta (Nawa’y biyayaan at pagpalain siya ng Allah):

Kahahabagan ng Allah ang sinumang nakakaramdam ng pagsisisi. (Riyad As-Salihin)

Higit na kinaluluguran ng Allah ang pagbabalik loob sa Kanya ng Kanyang alipin kaysa ang taong nawala ang kanyang Kamelyo sa desyerto at muli niya itong natagpuan. (Riyad As-Salihin)

Ang pagbabalik loob sa Allah ay may mga kondisyon. Ang damdaming pagsisisi ay hindi nabibilang na pagbalik loob sa Allah. Kapag ang kasalanan ay kinasasangkutan ng Allah at ng Kanyang Kautusan, ang mga sumusunod na kondisyon ay kinakailangang tuparin upang ang pagbabalik loob sa Allah ay Kanyang tatanggapin.

1.   Kinakailangang iwasan niya ang paggawa ng karagdagang mga kasalanan.
2.   Kinakailangang maramdam niya ang kahihiyan sa kanyang nagawa.
3.   Kinakailangang magkaroon ng pagpapasya na hindi muling ulitin ang pagkakasala.

At kapag ang nagawang pagkakasala ay siyang naging sanhi upang masaktan ang ibang tao, ito’y may karagdagang kondisyon maliban sa tatlong nabangit sa una. Ang nagkasala ay kinakailangang humingi ng kapatawaran sa taong nasaktan.

Ang pagbabalik-loob sa Allah ay hindi upang pawalang saysay ang batas ng hustisya. Kapag ang ibang tao ay nasugatan, ang parusa ay igagawad ang batas ng hustisya.

Ayon kay Ali (Nawa’y biyayaan at pagpalain siya ng Allah), may (6) anim na pangunahing gawain ng tunay na pagbabalik-loob sa Allah.

1.   Kinakailangan niyang magsisi sa nangyari.
2.   Kinakailangan niyang muling gampanan ang tungkuling kanyang kinaligtaan.
3.   Kinakailangan niyang ibalik sa dati o palitan/isauli ang kanyang sinira o kinuha.
4.   Kinakailangan niyang humingi ng kapatawaran sa taong kanyang sinaktan o sinugatan.
5.   Kinakailangan niyang magpasya na hindi na muling gagawin ito.
6.   Kinakailangan niyang ihandog ang buo niyang pagkatao sa paglilingkod sa Allah, upang kanyang maranasan ang tunay na pagsunod at ang pagwaksi sa pang-aapi at kaplaluan.

Tungkol sa ibang aspeto ng Tawbah, sinulat ni Maududi:

Una, ang pagbabalik-loob sa Allah ay dapat nababatay sa pagkamalay sa nagawang pagkakasala na labag sa kagustuhan ng Allah;”

Pangalawa, ang pagbabalik-loob sa Allah ay nararapat naaayon sa pagkamalay upang ang pagbabago ay magagawa ng walang antala;”

Pangatlo, ang pagbabalik-loob sa Allah ay hindi isang bagay na binabaliwa lamang. Hindi ka maaring magbigay lamang ng pangako upang maiwasan ito. Ang pagbabalik-loob sa Allah ay ang ay ang bunga ng pagsisisi at kapag ito ay hindi naramdaman pagkatos ng pagbabalik-loob sa Allah, ang bahaging pagsisisi ay nawawala.”

"Pang-apat, kapag may pagkukulang dahil sa pantaong kahinaan, ang pagkakasala any hindi nawawala o napatawad, at ang pagpapasya sa hinaharap ay kinakailangan.

Pang-lima, ang alaala sa pagkakasala ay nagbibigay ng hiya at takot sa Allah sa pamamagitan ng walang tigil na pagbabalik-loob sa Allah.”

(Maududi - Tafheemul Qur’an - Vol. VI)

Ang pagbabalik-loob sa Allah ay nangangahulugan ng pagsisisi sa kasalanang nagawa, kasama rin dito ang pagpapasya na hindi na muli itong gagawin.

Ang gantimpala sa taong nagbalik-Islam (kapag ito ay ginawa ng taus-puso) ay sadyang malaki; hindi lamang nilinisan ang lahat mga nakaraang kasalanan, subalit siya rin ay pagkakalooban ng habag at kabaitan ng Allah at gawing mabuting gawain ang lahat ng kanyang nagawang kasalanan.

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

Hangga’t magbalik-loob siya sa Allah, maniwala at gumawa ng mabuti, na ang Allah ay papalitan ang kanyang kasalanan ng kabutihan, sapagka’t ang Allah ay ang Mapagpatawad, ang Mahabagin. [Surah al-Furqan - 250:70]

At kung sinuman ang nagsisi at gumawa ng kabutihan, sadyang tunay siyang nagbalik loob sa Allah. [Surah al-Furqan - 250:71]
  
Katatotohanan, ang pagbabalik-loob sa Allah kasabay ng habag ng Allah ay nagbigay ng bagong pag-asa sa mga taong may kahapong puno ng mga kasalanan. Kapag ang tao ay hindi maiwanan ang nakaraan at tuloyang maparusahan sa kanyang nakaraang mga kasalanan, sana’y napuno sila ng kawalan ng pag-asa.

Kapag ang isang tao ay nawalan ng pag-asa, hindi na siya nagtataglay ng hangaring baguhin ang kanyang sarili.

Pumunta ang isang matandang lalaki sa Propeta:

“Walang uri ng kasalanan ang hindi ko nagawa. Ang aking maybahay ay namuhay ng kasaganaan. Kung maari lamang na aking ipamigay ang aking mga kasalanan sa ibang tao, sila sana’y babagsak sa bigat nito. Mayroon pa bang pag-asa sa akin?”


Sinabi ng Propeta (Nawa’y biyayaan at pagpalain siya ng Allah):

“Ikaw ba ay naniniwala sa Diyos?” “Ako’y nananiniwala,” ang sagot niya, “Walang ibang Diyos maliban sa Kanya at si Muhammad ay ang Kanyang Propeta.”

“Alalahanin,” sinabi ng Propeta, ‘Ang Allah ang lubos na mahabagin at mapagpatawad. Maari Niyang baguhin ang iyong buhay ng higit na mahusay. Kaya’t huwag malungkot.”

Ang kaparusahan sa nagawang kasalanan ay kalahati lamang ng sagot sa sulirananin. Sa ganitong pagkakataon, ang masamang gawain ay hinarap natin, ngunit kailangan nating ipadama sa nasasakdal ang pagsisisi, sapagkat ang pagsisi ay binibigyang diin ang kasamaan ng kasalanan. 

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

At katotohanan! Ang iyong Panginoon, - sa mga gumagawa ng kasamaan (mga nagugumon sa kasalanan at palasuway sa Allah) sa kawalan ng kaalaman, at matapos ay nagtika at gumawa ng mga kabutihan, katotohanan, ang iyong Panginoon, makaraan (ang gayong bagay), ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain. [Surah an-Nahl - 16:119]

May tatlong kondisyon upang ang habag at pagpapala ng Allah ay kanyang ipagkakaloob:

1.    Na ang mga lumihis sa tuwid na landas ay nagawa ito na dulot ng kawalan ng kaalaman.

2.    Pagkatapos napag-alaman ang kasamaan ng nagawang kasalanan, ang mga nagkasala ay kinakailangang magbalik-loob at humingi ng kapatawaran sa Allah.

3.    Ang kanilang pagbabalik-loob sa Allah ay nararapat sundan ng mabubuting gawain.

Ang kawalan ng kaalaman sa paksang ito ay kinabibilangan ng kakulanggan ng kaalaman at ang hindi tamang pagkaintindi sa nakamit na kaalaman. Kapag napag-alaman ang pagkakasalang nagawa hindi maaring sabihin ng salarin ang kawalan ng kaalaman hinggil dito. Kapag sadyang ginawa ang pagkakasala, ito as isang malinaw na kasalanan. 

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya matapos na sila ay manampalataya at sa kalaunan ay nagpatuloy na tumitindi ang kanilang kawalan ng paniniwala (alalaong baga, hindi paniniwala sa Qur’an at kay Propeta Muhammad) – kailanman ang kanilang pagsisisi ay hindi tatanggapin (sapagkat nagsisisi lamang sila sa kanilang dila, ngunit hindi mula sa kanilang puso). At sila ang mga naliligaw. [Surah Al-Imran - 3:90]

Sinabi ng Allah sa Qur’an:

Ang Allah ay tumatanggap ng pagsisisi ng mga nakagawa ng kasamaan sa kawalan ng muwang (pagiging inosente) at karaka-raka’y nagsisisi matapos ito; sa kanila ay ibabaling ng Allah ang Kanyang habag; sapagkat ang Allah ay Tigib ng Kaalaman at Karunungan. [Surah an-Nisaa - 4:17]

Walang katuturan ang pagtitika ng mga nagpapatuloy pa rin sa paggawa ng kasamaan, hanggang ang kamatayan ay dumatal sa isa sa kanila, at siya ay magsabi, “Ngayon, ako ay tunay na nagsisisi”, gayundin naman ang mga dinatnan ng kamatayan habang sila ay nagtatakwil sa Pananampalataya; sa kanila ay Aming inihanda ang kasakit-sakit na kaparusahan. [Surah an-Nisaa - 4:18]

Katotohanan, ang tao ay likas na mahina sa pagpapasya. Datapwa’t kasama ng kahinaan sa pagpapasya ay ang matinding hangarin upang magbago at bumalik sa tuwid na landas.

Ang pintuan ng kapatawaran ay laging bukas upang tanggapin ang mga magsisipagbalik-loob sa Allah. Ang pintuan ay sasara lamang pagdating ng kamatayan.

(Binuksan ng Allah ang pintuan ng pagbalik-loob sa Allah at ang pagpapatawad para sa lahat ng sangkatauhan simula sa panahon nila Adam at Eva, sapagkat kapwa sila ay nagbalik-loob sa Allah at pinatawad.)

No comments:

Post a Comment