ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Monday, November 28, 2011

Ano ang Pananaw ng mga Muslim kay Hesus?






Ang mga Muslim ay iginagalang at nagbibigay pitagan kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Hinihintay din nila ang kanyang pagbabalik. Siya ay ibinibilang na isa sa mga bantog na Sugo ng Allah. Hindi sapat sa isang Muslim na tawagin lamang siya sa kanyang pangalang Hesus, bagkus dinadagdagan ito ng mga katagang ’sumakanya nawa ang kapayapaan’(bilang pagmamahal at paggalang sa kanya). Ang banal na Qur’an ay nagpapatotoo sa kanyang pagsilang sa isang birhen (isang kabanata sa banal na Qur’an ay may pamagat na ’Maria’). Si Maria ay itinuturing na pinakadalisay na babae sa lahat ng kababaihan. Ang banal na Qur’an ay nagsasabi tungkol sa pagbibigay ng magandang balita:



“At masdan! Ang Anghel ay nagsabi: ’Ang Allah ay itinangi ka sa lahat ng kababaihan sa lahat ng bansa. O Maria, ang Allah ay nagbibigay sa iyo ng isang magandang balita - isang Salita mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay Messiya Hesus, anak ni Maria, pararangalan dito sa lupa at sa kabilang buhay, at siya ay isa sa mga malalapit sa Allah. Siya ay mangungusap sa tao mula sa kanyang duyan at sa kanyang pagtanda, at siya ay mabibilang sa mga maka-diyos.’



“Siya (Maria) ay nagsabi: ’O aking Panginoon! Paano ako magkakaroon ng anak samantalang wala pang lalaking sumaling sa akin?’ Siya ay nagsabi: ’Kahit na! Ang Allah ay lumilikha ng bawa’t naisin Niya. Kapag itinakda Niya ang isang bagay, sasabihin lamang Niya: ’Maging’ at ito’y mangyayari na.’” [Qur’an 3:42-47]



Si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay isinilang ng mahimala sa pamamagitan ng kapangyarihan na nagbigay buhay din kay Adam (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nilikha na walang ama:



“Katotohanan, ang katulad ni Hesus sa paningin ng Allah ay kagaya ni Adam. Nilikha siya mula sa alabok, at sinabi sa kanya, ’Maging’ at siya’y naroon na.’ [Qur’an, 3:59]



Sa panahon ng kanyang misyon, si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay gumawa ng maraming milagro. Ang banal na Qur’an ay nagsasaad na siya ay nagsabi:



“Ako ay dumating sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon: Gagawa ako mula sa luwad na ito ng isang hugis ibon, aking hihipan at ito’y magiging ibon sa pahintulot ng Allah. At pagagalingin ko ang mga bulag at ketongin, at aking bubuhayin ang patay sa pahintulot ng Allah. [Qur’an, 3:49]



Maging si Muhammad o si Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay hindi nagbigay pagbabago sa pangunahing doktrina sa paniniwala sa iisang Diyos (Allah) na itinuro ng mga nauang Propeta. Bagkus, pinagtibay at ibinalik nila ang doktrinang ito. Sa banal na Qur’an, si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na siya ay dumating:



“Upang pagtibayin ang mga batas na nauna sa akin. At pahihintulutan sa inyo ang bahagi ng mga bagay na ipinagbawal sa inyo. Ako ay dumating sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon, kaya’t maging matakot sa Allah at sumunod sa akin.” [Qur’an, 3:50]



No comments:

Post a Comment