ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Friday, December 2, 2011

Ang Pag-uutos ng Kabutihan ng ating Propeta at ang mga Nauna sa Kanya

 


Sa Ngalan ng AllahU, ang Mapagpala, ang Mahabagin


Ang Pag-uutos ng Kabutihan ng ating Propeta at ang mga Nauna sa Kanya



Sinabi ng AllahU sa paglalarawan ng Propeta Muhammadr:

Sila na sumusunod sa Tagapagbalita, ang Propeta na hindi nakakabasa at hindi nakakasulat (Muhammad) na kanilang matatagpuan na nasusulat sa Torah (mga Batas) at sa Ebanghelyo, - siya ay nagtatagubilin sa kanila ng Al-Ma’ruf (ang Kaisahan ng Allah at lahat ng Kanyang mga ipinag-uutos) at nagbabawal sa kanila sa Al-Munkar (kawalan ng paniniwala, pagsamba sa diyus-diyosan at lahat ng masasama na ipinagbabawal sa Islam); kanyang pinahihintulutan sila sa At-Tayyibat ([lahat ng mabuti at pinapayagan], tungkol sa mga bagay-bagay, mga gawa, mga paniniwala, mga tao, mga pagkain, atbp.), at nagbabawal sa kanila sa mga hindi pinahihintulutan, bilang Al-Khabaith (ang lahat ng kasamaan at hindi pinahihintulutan tungkol sa mga bagay-bagay, mga gawa, mga paniniwala, mga tao, mga pagkain, atbp.), kanyang niluluwagan sila sa mabibigat na pasanin (ng Kasunduan sa Allah), at sa mga tanikala (ng pananagutan) na nakaatang sa kanila. Kaya’t sa kanila na nananalig sa kanya (Muhammad), inyong parangalan siya, tulungan siya at sundin ang Liwanag (ang Qur’an) na ipinanaog sa kanya, (at) sila ang magiging matatagumpay. [Qur'an, 7:157]

Inilalarawan nito ang pagiging ganap ng mensahe ng Propeta Muhammadr. Siya ay ang siyang sinasabi ng AllahU na nag-uutos ng lahat ng kabutihan, nagbabawal ng lahat ng kasamaan. Sinabi ng Propetar:

‘Ako’y ipinadala upang gawing ganap ang katangian ng mabuting pag-uugali.’

At kanyang sinabi sa isang napagkasunduang hadith:

‘Ang paghahambing sa ugnayan ng ibang propeta ng Allah ay tulad ng paghahambing sa isang tao na nagtayo ng isang bahay. Kanyang tinapos at ginawang ganap ang lahat ng bagay hinggil sa kanyang bahay maliban sa lugar na puwang ng isang ladrilyo. Ang mga tao ay madalas daanan ang bahay at ipinapahayag ang papuri sa ganda nito, nguni’t kanilang sasabihin: ‘Kung hindi lamang sa puwang ng nawawalang ladrilyo.’ Ako ang brick na iyon, at ako ang Huling Propeta.

Sa pamamagitan ni Muhammadr, ginawang ganap ng AllahU ang deen na kinabibilangan ng pag-uutos ng kabutihan at pagbabawal ng kasamaan, ang pagpapahintulot ng lahat ng bagay na malinis, at ang pagbabawal ng lahat ng marumi. Tulad ng mga propeta na dumating pagkatapos niya, ang kanilang mensahe ay minsan naglalaman ng pagbabawal ng ilang kabutihan. Sinabi ng AllahU:

At dahil sa katampalasanan ng mga Hudyo ay Aming ginawa na bawal sa kanila (hindi nararapat) ang ilang piling pagkain (na mabuti), na noon ay hindi bawal (pinapayagan) sa kanila, at sa kanilang paghadlang sa marami sa Landas ng Allah; [Qur'an, 4:160]

Ganoon din sa kanyang mga mensahe ay hindi ipinagbawal ang lahat ng madumi. Sinabi ng AllahU:

Ang lahat ng pagkain ay pinapayagan sa Angkan ng Israel, maliban kung ano ang ipinagbawal ni Israel sa kanyang sarili, bago pa ang Torah (mga Batas) ay ipinahayag. Ipagbadya (O Muhammad): “Dalhin ninyo rito ang Torah (mga Batas) at dalitin ito, kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.” [Qur'an, 3:93]

Ang pagbabawal ng mga maduming bagay ay kasama sa kahulugan ng pagbabawal ng kasamaan, katulad ng pagpapahintulot ng lahat ng malinis na mga bagay ay bahagi ng mga pag-uutos ng kabutihan. Sapagka’t ang pagbabawal ng malinis at mga kabutihan ay bahagi ng pagbabawal ng lahat ng masama ay hindi naabot ang pagtatapos maliban sa pagkapropeta ni Muhammadr sa pamamagitan ng mga pinaging ganap na mga katangian ng kabutihan, na kinabibilangan ng lahat ng mabuti. Sinabi ng AllahU:

Sa araw na ito pinaging ganap ko ang iyong deen, at tinapos ko ang aking favor sa inyo, at aking tinanggap para sa inyo ang Islam bilang paraan ng inyong pamumuhay (deen).

Pinaging ganap ng AllahU para sa atin ang pamamaraan, at tinapos ang Kanyang kabutihang-loob para sa atin, at tinanggap para sa atin ang Islam bilang paraan ng ating buhay

Ang Talambuhay ng Propeta





Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin


Ang Talambuhay ng Propeta


Panimula


Ang papuri ay ukol sa Allah na nagwikang: “At hindi ka Namin isinugo (O Muhammad!) kundi bilang habag sa lahat ng nilikha.” At “Matatagpuan ninyo sa Sugo ng Allah ang magandang huwaraan.” Ang Kapayapaan at pagpapala ay matamo ng Propeta na matapos niya ay wala ng iba pang propeta na darating.


Ang Aklat na ito na pinamagatang “Ang Talambuhay ng Propeta” Sumakanya nawa ang kapayapaan, ay inihahandog namin sa iyo sa layuning bigyan ka ng isang dagliang sulyap sa kanyang talambuhay, mga katangian, at mga himala. Hindi namin hinangad na magbigay ng maraming detalye, sa halip ay nagkasya na lamang kaming ilahad ang mga mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Marami na ang sumulat ng kanyang talambuhay kaya marahil ay naisulat na ito sa lahat ng pangunahing wila ng daigdig. May isa pa ngang hindi Muslim na nagsabing isang malaking karangalan ang sumulat ng talambuhay ni Muhammad, Sumakanya nawa ang kapayapaan. Bilang mga Muslim, ang aming hangad sa pagsulat nito ay hindi lamang para sa karangalang sumulat ng kauna-unahang aklat ng talambuhay ni Propeta Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa wikang Tagalog kundi ang makapaglingkod sa sambayanang Muslim. Dalangin namin sa Allah na nawa’y maging kapaki-pakinabang ang aklat na ito. Tunay na siya ang dumidinig at tumutugon sa mga panalangin.


Ang Arabia Bago Dumating ang Islam

Paganismo ang siyang umiiral na relihiyon sa mga Arabiano noon. Ang pagkakayakap nila sa Paganismo na salungat sa matuwid na pananampalataya ang dahilan kung kaya binansagan ang kapanahunan nila na Al-Jaahiliyah – ang Panahon ng Kamangmangan. Ang pinakabantog sa mga diyus-diyosan  na kanilang sinasamba  maliban pa sa  Allah  na tunay na Diyos ay sina Al-Lat, Al’Uzza , at Hubal. Ngunit mayroon ding mga Arabiano na yumakap sa Judaismo, Kristiyanismo at Zoroasterismo. At mayroon din na iilang mga indibiduwal sa kanila na yumayakap sa Al-Hanafeeyah, ang sistema sa pananampalataya batay sa paniniwala ni Abraham, Kahabagan nawa siya ng Allah.

Ang saligan ng buhay pang-ekonomiya ng mga Badawee - ang mga Arabiano na pagala-gala at walang pirmihang tirahan – ay ang yamang panghayupan na nababatay sa pagpapastol. At ang saligan naman ng buhay pang-ekonomiya ng mga Hadir – ang mga Arabiano na nakatira sa isang nayon o bayan at may pirmihang tahanan – ay ang pagsasaka at pangangalakal. Bago dumating ang Islam, ang Makkah ang siyang pinakamalaking lunsod pangkalakalan sa Arabia. Mayroon na ring mga mauunlad na mga pamayanan sa iba’t-ibang dako ng Arabia noong panahong iyon.

Hinggil naman sa kalagayang panlipunan, ang kawalang-katarungan ay laganap, walang karapatan ang mahihina, kanilang inililibing ng buhay ang mga batang babae at pinagkakaitan ng karapatan ang isang mahina. Ang mga alipin ay kaaba-aba at wala ni katiting na karapatan. Ang pag-aasawa ng higit sa isa ay walang hanggan ang bilang. Ang pangangalunya ay laganap sa lahat maliban sa iilan. Ang digmaan ng mga lipi ay laganap na karaniwang nangyayari sanhi ng napakababaw na mga kadahilanan.


Ang Handog

Ipinagmamayabang noon ng mga Quraysh kay ‘Abdulmuttalib na lolo ng Propeta Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang pagkakaroon nila ng maraming supling at ari-arian. Kaya naman gumawa ng panata si Abdulmuttalib na kung siya ay pagkakalooban ng Allah ng sampung anak na lalaki, kanyang iaalay sa mga diyus-diyosan ang isa sa kanila. Natupad ang kanyang ninais, siya ay napagkalooban ng sampung anak na lalaki. Ang bunso sa kanila ay si Abdullah na ama ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nang nais nang isakatuparan ni ‘Abdulmuttalib ang kanyang pangako ay sinalungat siya ng mga tao at pinigilan upang sa gayon ay huwag itong gawin ng mga tao na isang kaugalian. Nagkaisa sila na gumawa ng palabunutan upang pagbunutan si ‘Abdullah at ang sampung kamelyo bilang pantubos a kanya. Magdadagdag sila ng sampung kamelyo sa tuwing si ‘Abdullah ang mabubunot. Isinagawa nila ang pagbunot. Ngunit sa tuwina ay si ‘Abdullah ang siyang nabubunot. Pagsapit ng ikasampung pagbunot ay saka pa lamang nabunot ang kamelyo na umabot na sa isandaan. Inialay nila ang mga kamelyo.

Si Abdullah ang pinakamamahal ni Abdulmuttalib sa lahat ng kanyang mga anak. Lalo na nang matapos ang pag-aalay at nang  nagsimula na itong lumaki at magbinata  ay lumitaw  sa noo nito ang mga luningning na hindi nakikita sa ibang tao. Nang sumapit na sa wastong gulang itong si Abdullah ay pumili ang ama niya para sa kanya ng isang dalagang kaanib ng liping Banu Zuhrah. Ang pangalan ng dalaga ay Aminah bint Wahb. Ipinakasal ni ‘Abdulmuttalib ang kanyang anak na si Abdullah sa dalagang ito. Pagkatapos ng kanilang pag-iisang dibdib ay naglaho ang kislap na noon ay nasa noo ni ‘Abdullah at iyon ay nalipat sa sinapupunan ni Aminah.

Ginampanan ni ‘Abdullah ang kanyang papel sa larangan ng buhay at paghahanapbuhay. Tatlong buwan matapos ipagbuntis ni Aminah ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay lumisan si ‘Abdullah kasama ang karaban ng mga kalakal patungong SHAM.* Nang siya ay nasa daang pauwi, siya ay nagkasakit. Tumigil siya sa Madinah sa piling kanyang mga tiyuhin sa ina na kaanib ng liping Banu An-Najjar. Doon siya nalagutan ng hininga at inilibing.

* Sham ang tawag noon Sa rehiyong nasa hilagang bahagi ng Arabia na binubuo Sa kasalukuyan ng Syria, Palestine, Lebanon, at Jordan.


Ang Kapanganakan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya:

Patapos na ang mga buwan ng pagdadalang-tao ni Aminah at palapit na ang araw ng pagsilang. Nagsimula na ang pananakit ng kanyang tiyan ngunit hindi siya nakadama ng sakit at hirap na karaniwang dinaranas ng mga kababaihan kapag nagsisilang. Taong 570 A.D. nang isilang ni Aminah ang kanyang sanggol. Ang taon ng kapanganakan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay tinatawag din na Taon ng Elepante.


Ang Taon ng Elepante 

Narito ang buod ng kasaysayan ng elepante. Nang malaman ni Abrahah na siyang kinatawan ng hari ng Ethiopia sa Yemen na ang mga Arabiano ay nagsasagawa ng Hajj sa Ka’abah (dumadalaw roon upang sumamba), siya ay nagpatayo ng simbahan sa San’a (ang kabisera ng Yemen sa ngayon). Nais niyang mabaling sa simbahang ito ang isinasagawang Hajj ng mga Arabiano. Ang tungkol dito ay narinig ng isang lalaking kaanib sa liping Banu Kinanah (isa sa mga lipi ng mga Arabiano). Kaya‘t isang gabi ay pinasok niya ang simbahan at nilagyan ng dumi ng tao ang mga dingding nito. Nang malaman ni Abrahah ang nangyari ay sumambulat ang kanyang galit. Kasama ang malaking hukbo na binubuo ng 60,000 mga kawal ay lumisan siya papuntang Ka’abah upang ito ay wasakin. Pinili niya para sa kanyang sarili ang pinakamalaking elepante. Ang hukbo ay may siyam na elepante. Nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay hanggang sa makarating sa isang pook na malapit sa Makkah.


Inihanda niya roon ang hukbo. Nakahanda na ang kanilang pagpasok sa Makkah ngunit ang elepante ay lumuhod at ayaw sumulong papuntang Ka’bah.Tuwing kanilang ibinabaling ang elepante sa ibang dako, tumatayo ito at mabilis na lumalakad. Ngunit kapag ibinabaling nila ito sa dakong kinaroroonan ng Ka’abah, ito ay lumuluhod. Habang sila ay nasa gayong kalagyan ay nagpadala ang Allah laban sa kanila ng mga kawan ng ibon na nagpupukol sa kanila ng mga batong buhat sa natuyong putik. Kaya ginawa Niya (Allah) silang animo’y uhay na kinainan. Ang bawat ibon ay nagdala ng tatong bato: isang baso sa tuka at tig-iisang bato sa bawat paa. Ang mga bato ay kasinlaki ng garbansos. Ang bawat tamaan sa kanila ay nagkakahiwa-hiwalay ang mga bahagi ng katawan at namamatay. Nagsialis sila at nagkandaduwal sa daan.


Si Abraha naman ay pinadalhan ng karamdamang sanhi nito ay unti-unting napuputol ang bawat dulo ng kanyang mga daliri. Nang marating niya ang San’a ay animo siya isang basang sisiw. Doon na siya namatay. Ang mga Quraysh naman ay nagkahiwa-hiwalay. Mayroon sa kanilang nagtago sa mga lambak   at mga bundok dahil sa takot sa hukbo. Nang maganap sa hukbo ang di-inaasahan, ang mga Quraysh ay panatag na nagsibalik sa kani-kanilang tahanan. Ang mga pangyayaring ito ay naganap limampung – araw bago isinilang ang Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.

Nakaugalian na noon ng mga Arabiano na maghanap ng isang babaeng taga-disyerto upang ito ang siyang magpasuso sa kanilang mga supling ay upang mga bata ay lumaki sa disyerto nang mga malusog na pangangatawan. Nang mga panahong iyon ay may dumating sa Makkah na isang pangkat na mga taong buhat sa liping Banu Sa’d upang maghanap ng mga batang mapasuso kapalit ng kabayaran. Nagsimulang mamahay-mahay ang mga kababaihan sa pangkat na ito. Inayawan nilang lahat si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, dahil sa pagiging ulila at mahirap nito. Si Halimah As-Sa’deeyah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay isa sa mga kababaihang ito. Umayaw rin siyang katulad nila. Subalit matapos na magsadya sa maraming bahay ay hindi nakamit ang kanyang hangad.


Hindi siya nakatagpo ng maisasamang batang kanyang pasususuhin kapalit ng kabayarang kahit paano ay makapagpapagaan sa paghihikahos sa pamumuhay at hirap ng buhay lalo pa nga at ng mga taon na iyon ay may tag-tuyot. Binalikan niya ang bahay ni Aminah at nagkasya na siya sa isang sanggol na ulila at sa maliit nakabayaran.

Nang pumunta si Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa Makkah na kasama ang kanyang asawa, siya ay sakay ng isang payat at makupad na inahing asno. Samantalang siya  ay  nasa  daang  pauwi  na  kalong-kalong ang sanggol na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, tumakbo nang napakabilis  ang inahing asno na kanyang sinasakyan at napag-iwanan ang lahat ng mga kasabay na nakaangkas sa kanilang sasakyang hayop. Ang pangyayaring ito ay labis na ipinagtaka ng kanyang mga kasamahan.

Isinalaysay ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na dati-rati ay halos walang lumalabas na gatas sa kanyang suso. At ang kanyang anak na maliit ay lagi na lamang umiiyak sa tindi ng gutom. Ngunit ng kanyang isinubo ang kanyang suso sa sanggol na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, masaganang dumaloy ang gatas. Ikinuwento rin niya na ang tungkol sa tag-tuyot na dumaaapo sa lupang pinaninirahan ng kanyang lipi-ang liping banu Sa’d. Subalit nang makamit na niya karanangalang magpasuso sa sanggol na ito, naging mabiyaya ang kanilang lupain at ang kanilang hayupan. Lubos na nabago ang kanilang kalagayan; ang kasalatan at hirap ay naging kasaganaan at kaginhawahan.

Dalawang taon na nanatili si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa pangangalaga ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah. Labis-labis ang nadaramang pagmamahal sa kanya ng kanyang ina-inahang si Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah. Nadarama nito na sa kaibuturan ng puso nito na may mga bagay-bagay at mga hindi pangkaraniwang pangyayari na bumabalot sa batang ito. Matapos ang dalawang taon, dinala ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang bata sa ina nito at sa lolo na si ‘Abdulmuttalib sa Makkah. Subalit itong si Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na nakasaksi sa biyayang dala ng bata na nagpaigi sa kanilang kalagayaan ay nagpumilit kay Aminah na sumang-ayon muling manatili ang bata sa kanyang piling. At sumang-ayon naman si Aminah, sa pagbalik  ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa tirahan ng liping Banu Sa’d na kasama ang batang ulila sa  ama ay nag-uumapaw ang kanyang kagalakan ay walang mapaglagyan ang kanyang kaligayahan.


Ang Pagbiyak sa Dibdib

Iang araw noong malapit nang mag-apat na taong gulang si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, habang siya ay kasama ng kanyang kapatid sa gatas na anak na lalaki ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay naglalaro na malayo sa mga kubol na pinaninirahan ng mga tao, biglang umalis ang anak na ito ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, at tumatakbong dumating kay Halimah. Dumating itong ang mukha ay kakikitaan ng mga tanda ng pagkatakot. Hiniling ng bata sa ina na puntahan si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.


Tinanong ito ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, kung bakit. “Nakita ko pong kinuha si Muhammad ng dalawang lalakingg nakasuot ng puting kasuutan. Kanila pong pinahiga ito at saka biniyak ang dibdib.” Sagot ng bata sa ina. At bago natapos ang salaysay ng bata ay tumakbo na si Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, papunta kay Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nakita niya ito na nakatayo lamang at walang tinag. Halata ang pamumutla sa mukha nito at ang pagbabago ng kulay.



Balisang-balisa si Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, habang tinatanong niya kung ano ang nangyari. Sabi naman ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay mabuti ang kanyang kalagayan. Ikinuwento nito kay Halimah na may dalawang lalaking kumuha sa kanya. Aniya ay biniyak ng dalawang ito ang kanyang dibdib, inalis ang kanyang puso, at saka may inalis dito na isang kulay itim na bagay. Pagkatapos nito ay hinugasan nila ang kanyang puso sa malamig na tubig, ibinalik sa dibdib, at saka pinahiran ang ibabaw ng dibdib. Lumisan ang dalawa at di-naglaon ay naglaho. Tinangka nai Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na salatin ang pinagbiyakan ngunit wala siyang nasalat na bakas.



Dahil sa pangyayaring ito ay ibinalik niya sa Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa kanilang tinutuluyan, Pagsapit ng madaling –araw ay dala-dala ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, papunta sa Makkah. Ipinagtaka ni Aminah ang pagsauli ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa bata nang wala sa panahon sa kabila ng pagkahumaling nito sa kanya (Muhammad). Itinanong niya (Aminah) sa kanya (Halimah) kung ano ang dahilan. Matapos ang kanyang pagpupumilit ay sinabi na rin ni Halimah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang nangyaring pagbibiyak sa dibdib.


Ang Pagyao ni Aminah

Nagpunta si Aminah kasama ang anak na ulila sa Yathrib (ito ang pangalan ng Madinah noon) upang dalawin ang mga kamag-anakan nito na kaanib sa liping  Banu An-Najjar. Nanatili sila roon ng mga ilang araw. Nang si Aminah ay nasa daan pauwi ay binawian siya ng buhay sa isang lugar na kung tawagin ay Al-Abwa’. Doon na rin siya inilibing. Kaya itong si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa murang gulang niyang apat na taon ay namaalam na sa kanyang yumaong ina.



Tungkulin na ngayon ng lolo ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na si ‘Abdulmuttalib na punuan ang malaking kawalang dulot ng pagyao ng ina ng apo nito. Kaya naman inalagaan, kinalinga, at kinahabagan siya ng kanyang lolo. Nang anim na taong gulang na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay yumao naman ang kanyang lolo kaya ang kanyang tiyauhin na si Abu Talib – sa kabila ng dami ng anak nito at kakulangan nito sa yaman- ang siyang kumalinga sa kanya. Itinuring siya ng kanyang tiyuhin na parang isa sa kanilang mga anak. Labis namang napalapit ang kanyang damdamin sa kanyang tiyuhin. Sa ganitong kalagayan nagsimula ang unang paghubog sa kanya. Lumaki siya sa pagiging matapat at sa pagiging mapagkakatiwalaan anupa’t sa dalawang katangiang ito siya nakilala. Kaya’y kapag sinasabing “dumating ang mapagkakatiwalaan, “alam na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang siyang tinutukoy.


Nang siya ay magbinatilyo na at lumaki-laki nang kaunti, sinimulan niyang tangkain na umasa sa kanyang sarili sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa kanyang buhay. Naghanap siya ng kanyang ikabubuhay. Nagsimula na siyang magtrabaho at kumita. Nagtrabaho siya sa mga Quraysh bilang pastol ng kanilang tupa kapalit ang ilang halaga ng salapi. Sumali rin siya sa paglalakbay pangkalakalan patungong Sham. sa paglalakbay pangkalakalang ito na kanyang nilahukan ay malaki ang puhunang iniambag ng isang marangal  at mayamang babae  na  ang pangalan ay Khadeejah  bint Khuwaylid, Kaluguran nawa siya ng Allah. Ang katiwala nito sa kalakal sa paglalakbay na iyon ay ang alila nitong si Maysarah na siya ring tagapangasiwa ng mga gawain.



Dahil sa biyayang taglay ni Muhammad at katapatan nito ay kumita ang kalakal ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na pakinabang na hindi pa niya kinita noon. Kaya tinanong niya ang kanyang alila na si Maysarah kung ano ang dahilan ng malaking kita na ito. Ipinagbigay –alam ni Maysarah sa kanya na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang siyang bumalikat sa pag-aalok sa pagtitinda. Malaki ang ginawang pagtangkilik sa kanya ng mga tao kaya naman malaki ang kinita ng walang pandaraya. Nakinig si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa kanyang alila bagaman alam na niya noon pa man ang ilang bagay tungkol kay Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Lalong tumindi ang kanyang paghanga rito.



Isa nang balo si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, nang kanyang nakilala si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nagkaroon na siya ng asawa noon pa man dangan nga lamang at iyon ay namatay. Ninais niyang pasukin muli ang  buhay may asawa  sa pakikipag-isang dibdib kay Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Sinugo niya rito ang isa mga babaeng kamag-anak niya upang magsiyasat para sa kanya hinggil sa magiging tugon ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa balak niyang pakikipag-isang dibdib dito.



Nang mga panahong iyon ay sinapit na ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang gulang na dalawampu’t lima. Pinuntahan ito ng isang babae upang ilahad sa kanya ang alok ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na makipag-isang dibdib sa kanya. Tinanggap niya (Muhammad, [Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya]) ang alok na ito.



Idinaos ang kasalan. Nalugod ang isa’t-isa sa kanila. At matapos ang pag-iisang dibdib ay nagsimulang pamahalaan ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang mga kapakanan ng kalakal ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah. At pinatunayan naman niya ang kanyahg kahusayan at kakayahan. Nagkasunod-sunod ang pagdadalang-tao at ang panganganak ni khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah. Ang kanilang mga naging anak na babae ay sina Zaynab, Ruqayyah, Umm Kulthum, at Fatimah. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Al-Qasim at Abdullah ay pawang mga batang paslit pa lamang ng mangamatay.



Ang  Pagkapropeta

Nang papalapit na si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa gulang na apatnapu ay naging madalas ang pag-iisa at pananatili niya sa yungib ng Hira’ sa isang bundok na malapit sa Makkah. Ginugugol niya roon ang mga araw at mga gabi. Noong gabi ng ika-21 ng buwan ng Ramadan habang siya ay nasa yungib ng Hira’ at nang mga sandaling iyon ay kanya nang sinapit ang gulang na apatnapu, pinuntahan siya ng Anghel na si Jibreel (Gabriel [AS]*). “Bumasa ka,” ang sabi nito sa kanya. “Hindi ako marunong bumasa,” tugon naman niya rito.



Inulit ni Jibreel, Kahabagan nawa siya ng Allah, ang kanyang sinabi sa ikalawa at ikatlong pagkakataon. Ngunit sa ikatlong pagkakataon ay sinabi niyang: “Bumasa ka sa ngalan ng iyong Panginoon na lumalang, lumalang sa tao buhat sa namuong dugo. Bumasa ka sapagkat ang iyong Panginoon ay ang Pinakamapagbigay, nagturo sa pamamagitan ng panulat, nagturo sa tao ng hindi nito nalalaman.” At pagkatapos nito ay iniwan na ng Anghel si Propeta Muhammad (saw).



Matapos na matanggap ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang kauna-unahang pahayag ay kaagad siyang lumisan. Hindi na niya matiis na manatili pa sa yungib ng Hira’ kaya’t umuwi na siya sa kanilang tahanan. Kumakabog ang kanyang dibdib nang siya ay pumasok sa kinaroroonan ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah. “Balutin ninyo ako, balutin ninyo ako!” sabi niya. Binalutan naman siya upang maalis ang sindak sa kanya. Isinalaysay niya kay Khadeejah, May Allah be please with her, ang nangyari sa kanya . “Natakot ako para sa aking sarili “sabi pa niya. Kaya’t ang sabi sa kanya ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah:  “aba’y huwag, sa halip ay magalak ka.


Isinusumpa ko sa Allah, hinding–hindi ka bibigyan ng Allah ng kahihiyan. Pinakikitunguhan mo ng mabuti ang iyong mga kamag-anak, makatotohanan ka sa iyong pananalita, tumutulong ka sa naghihikahos, magiliw ka sa mga panauhin, at umaagapay sa dinapuan ng kasawiang- palad. “



Pagkalipas ng ilang araw ay nagbalik na muli siya sa yungib ng Hira’ upang ipagpatuloy ang kanyang pagsamba at upang tapusin doon ang mga natitirang araw ng Ramadan. Nang matapos ang buwan ng Ramadan ay nanaog siya buhat sa yungib upang bumalik sa Makkah. Nang siya ay nasa daan na, pinuntahan siya ni Jibreel, Kahabagan nawa siya ng Allah, na nakaupo sa isang upuang nasa pagitan ng langit at lupa. Matapos ang pangyayaring ito ay ibinaba ang ayah ng Qur’an na nagsasabing:

“O Ikaw na nababalot ng sarili, bumangon ka at magbabala. At dakilain mo ang iyong Panginoon. At linisin mo ang iyong kasuutan. At layuan mo ang kasalanan.” [Qur’an, 74:1-5].



At pagkatapos nito ay nagpatuloy at nagkasunod-sunod na ang pagdating ng kapahayagan.

Nang simulan ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang kanyang pag-aanyaya sa mga tao sa Islam, tinugon ng kanyang butihing maybahay ang panawagan ng pananampalataya. Sinaksihan ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang kaisahan ng Allah at ang pagiging Propeta ng kanyang marangal na asawa. Si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang kauna-unahang yumakap sa Islam.



Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang tiyuhing si Abu Talib na siyang tumangkilik  at nag-alaga sa kanya noong magsimulang siya ay maging ulilang lubos sa magulang at sa kanyang lolo ay pinili niya si Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa mga anak nito upang alagaan sa kanyang piling at gugulan sa mga pangangailangan nito. Sa ganitong kalagayan binuksan ni ‘Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang kanyang puso at ang kanyang pag-iisip kaya naman sumampalataya at naniwala siya ng walang pagdadalawang-isip.



Pagkatapos niyon ay sumunod naman sa pagpasok sa Islam si Zayd bin al-Harithah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na alila ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah. Kinausap ng Sugo ng Allah ang kanyang matalik na kaibigan na si Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, at ito naman ay sumampalataya at naniwala nang walang pag-aalinlangan.



Nanatiling lihim ang pagpapalaganap ng Islam sa simula, Ang ibig sabihin ng lihim ay pagiging lihim ng pook na pinagtitipanan ng mga kasamahan at tagasunod ng Propeta at ng mga taong kanilang inaanyayahan na sa bandang huli ay nagsiyakap din sa Islam. Marami ang naniniwala sa kanya ngunit inilihim nila ang kanilang pagpasok sa Islam. Kapag natuklasaan ang pagpasok sa islam ng isa sa kanila, ang isang ito ay napasasailalim sa napakahirap na uri ng pahirap upang  sa gayon ay tumalikod ito  sa  Islam.



Matapos na gumugol ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ng tatlong taon sa paisa-isang pag-aanyaya sa Islam ay ibinaba ng Allah ang talata na ito ng Qur’an:


“Kaya’t lantaran mong ipahayag ang ipinag-uutos ko sa iyo at pabayaan mo ang panlalait ng mga Mushrik.” [Qur’an, 15:94]

Dahil sa kapahayagang ito, isang araw ay umakyat siya sa burol ng Safa at tinawag ang mga Quraysh (ang mga taga Makkah). Pinagtipunan siya ng maraming tao at kabilang na sa mga iyon ang kanyang tiyuhing si Abu Lahab na may napakalaking pagkamuhi sa Allah at sa kanya na Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nang pinagtipunan ng mga tao si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay nagsalita siya: “sa tingin ba ninyo kung sakaling ipagbigay-alam ko sa inyo na sa likod ng bundok na iyon ay may mga kalaban na nakahandang sumalakay sa inyo, paniniwalaan ba ninyo ako?”, sabi niya “Wala kaming nalaman sa iyo kundi ang makatotohanang salita at ang katapatan”, sagot nila.



Kaya’t ang sabi niya sa kanila: “Ako sa inyo ay isang tagapagbabala tungkol sa napipintong matinding kaparusahan.” At nagpatuloy ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa pag-aanyaya sa kanila sa wagas na pagsamba sa Aallah at ssa pagwawaksi sa mga diyus-diyusan. Habang siya ay nagsasalita ay tumayo sa gitna ng mga tao si Abu lahab na nagpapagpag ng mga kamay nito at sinabing: “Sumaiyo ang kasawian: ito ba ang dahilan ng pagtawag mo sa amin?” kaya dahil sa pangyayaring ito ay ibinaba ng Allah ang Surah na: “Masawi na ang dalawang kamay ni Abu Lahab at masawi na rin siya! Walang magagawa para sa kanya ang kanyang kayamanan at ang kanyang natamo (anak). Ipapasok siya sa apoy na nagliliyab. At (gayundin ang gagawin sa) asawa niya, ang tagapasan ng kahoy. (Lalagyan ito) sa leeg ng lubid na yari sa masad*.”



Nagpatuloy ang Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa ginagawa niyang pag-aanyaya sa Islam. Nagsimula siyang ipahayag ang Islam sa mga pinagtitipunan ng mga tao kasabay ng pag-aanyaya sa kanila sa Islam. Hayagan na siyang nagdarasal sa Ka’bah. Sa pangyayaring ito ay lalo pang pinag-ibayo ng mga Quraysh ang kanilang pamiminsala sa mga Muslim lalong-lalo na sa mga Muslim na aliping katulad nina Yasor, Sumayyah, at kanilang anak na si Ammar, Kaluguran nawa siya ng Allah. Namatay sina Sumayyah at Yasir, Kaluguran nawa siya ng Allah, na alay ang buhay sa Islam. Itong si Sumayyah na ina ni Yasir, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang kauna-unahang nagbuwis ng buhay alang-alang sa Islam. Namatay sila dahil sa mga pahirap na kanilang dinanas.



Dumanas din ng pahirap si Bilal bin Rabah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na taga-Ethiopia sa kamay naman ni Abu Jahl at Umayyah bin Khalaf. Pumasok Sa Iskam si Bilal bin Rabah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa pamamagitan ni Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah. Nang malaman ng kanyang Panginoong si Umayyah bin Khalaf na siya ay pumasok sa Islam ay ginamit nito sa kanya ang lahat ng pamamaraan ng pagpapahirap nang sa gayon ay talikuran niya ang Islam. Subalit tumanggi siya at nanatili sa kanyang paniniwala. Madalas siyang dalhin ni Umayyah sa labas ng Makkah. Pinahihiga siya sa nakapapasong buhangin ng disyerto habang siya ay natatalian ng tanikala at may isang tipak na malaking bato na nakapatong sa kanyang dibdib.



Hinahagupit ng latigo ni Umayyah at ng mga kasama nito si Bilal, Kaluguran nawa siya ng Allah, na paulit-ulit na nagsasabing “Ahad, Ahad” na ang ibig sabihin ay iisa, iisa ang Diyos. Ganito ng ganito ang nangyayari hanggang sa malaman ni Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, na si Bilal ay nasa gayong kalagayan. Kaya naman binili niya kay Umayyah itong si Bilal, Kaluguran nawa siya ng Allah, at pinalaya alang-alang sa Allah. Dahil sa mga paniniil sa mga Muslim, makatuwiran lamang na pigilan ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang mga Muslim ma harapang ipahayag ang kanilang pagpasok sa Islam yamang siya naman ay nakikipagkita nang lihim sa kanila. Kung nagkataong siya ay hayagang nakikipagkita sa kanila, walang dudang ang mga Quraysh ay magsisilbing hadlang sa kanyang pagtuturo at pagpapatnub ay sa mga Muslim.


At maaaring mauwi pa iyon sa komprontasyon ng magkabilang panig. At malamang na ang komprontasyon ay mauwi sa pagkadurog at pagkaubos ng mga Muslim. Kaya’t makatuwiran ang paglilihim. Sa kabilang dako,ang Sugo ng Allah ay hayagan sa kanyang pag-aanyaya sa Islam at sa pagsamba sa gitna ng mga pagano sa kabila ng mga pananakit na kanyang natatamo buhat sa mga Quraysh.


Ang Paglikas Patungo Sa Ethiopia

Sa harap ng patuloy na ginagawang pagpapahirap ng mga paganong Quraysh sa sinumang matuklasang pumasok sa Islam lalo na ang mga mahihina sa kanila, hiniling ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa kanyang mga kasamahan na alang-alang sa kanilang pananampalataya ay lumikas sila sa  Ethiopia na pinamumunuan ng Najashi (ito ang tawag noon sa mga hari ng Ethiopia) sapagkat matatagpuan nila roon ang kapanatagan  lalo pa at ang marami sa mga Muslim  ay natatakot na sila  at ang kanilang pamilya ay gawan ng masama ng mga Quraysh. Naganap ito noong ikalimang taon ng pagka-Propeta ni Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Pitumpung Muslim ang lumikas. Kabilang sa kanila si Uthman bin Affan, Kaluguran nawa siya ng Allah, at ang kanyang maybahay na si Ruqayyah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na anak ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Tinangka ng Quraysh na siraan ang mga Muslim na pumunta sa Ethiopia. Nagpadala sila ng mga regalo kay Najashi at hiniling sa kanya na ibigay sa kanila ang mga nagsilikas na iyon. Sinabi nilang nilalait diumano ng mga Muslim si Hesus, Kahabagan nawa siya ng Allah, at ang ina nito. Ngunit nang itanong ni Najashi sa mga Muslim ang tungkol doon ay nilinaw ng mga Muslim sa kanya ang sinasabi ng Islam tungkol kay Hesus, Kahabagan nawa siya ng Allah, at nilinaw nila sa kanya ang katotohanan. Pinangalagaan niya ang Muslim at tumangging ibigay sila sa mga Quraysh.




Nang buwan ng Ramadan  ng taon ding iyon ay pumunta ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa malapit sa Ka’bah na nang mga sandaling iyon ay may  malaking  pagtitipon ng mga Quraysh.Walang anu-ano’y bigla niyang binigkas ang Suratun Najam. Ang mga di-mananampalatayang ito ay hindi pa nakaririnig ng salita ng Allah dahil na rin sa patuloy nilang pagpapayo sa isa’t-isa na huwag makinig sa anumang sinasabi ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Kaya’t nang sila ay binigla ng pagbigkas ng Surah na ito at kumatok sa kanilang mga tainga ang nakahahalinang makadiyos na mga salitang iyon, ang bawat isa ay nanatiling matamang nakikinig doon. Walang anumang sumasagi sa kanilang isipan maliban sa pakikinig hanggang sa bigkasin ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang “Kaya’t magpatirapa kayo sa Allah at sumamba (sa Kanya)”. Wala sa kanilang nakapagpigil sa kanilang sarili anupa’t sumubsob silang nakapatirapa. Sa pangyayaring iyon ay nagkasunod-sunod tuloy ang paninisi sa kanila ng mga Quraysh na hindi nakasaksi sa pangyayaring iyon. Dahil doon ay pinaratangan nila ng kasinungalingan ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Sinabi pa nilang pinuri diumano ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang kanilang mga diyus-diyusan at sinabi raw niya na kailangang hangarin ang pamamagitan ng mga diyus-diyusang ito. Ginawa nila ang malaking kasinungalingang ito upang magkaroon sila ng ipandadahilan kung bakit sila nagpatirapa.



Ang Pagyakap ni Umar (RA) Sa Islam

Ang pagyakap ni Umar ibnul-Khattab, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa Islam ay isang malaking tulong sa mga Muslim. Tinawag siyang Al-Farooq ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sapagkat nilinaw sa kanya ng Allah ang pinagkaiba ng katotohanan sa kabulaanan. Ilang araw pa lamang matapos na pumasok sa Islam si ‘Umar, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay sinabi niya sa Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya: “O Sugo ng Allah, hindi ba’t tayo ang nasa katotohanan?” “Oo” tugon naman nito. “Kung gayon, bakit pa tayo nagtatago at hindi lumalantad?” tanong ni Umar, Kaluguran nawa siya ng Allah. Dahil dito ay lumabas ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, kasabay ng mga Muslim na kasama niya sa bahay ni Al-Arqam, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang bahay na kanilang pinagtitipanan.


  
Lumabas sila at bumuo ng dalawang pangkat na pinamumunuan ni Hamzah bin Abdulmuttlib, Kaluguran nawa siya ng Allah, na tiyuhin ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang isang pangkat  at ang isa naman ay pinamumunuan ni ‘Umar  bin Al-Khattab, Kaluguran nawa siya ng Allah. Pumunta sila sa mga lansangan ng Makkah sa kilos na nagbibigay-alam sa lakas ng pagsulong ng paglaganap ng Islam.



Ginawa na ng mga Quraysh ang maraming pamamaraan para kalabanin ang pagpapalaganap ng Islam. Nagpahirap na sila, naniil, nanlinlang, at naghikayat. Ngunit ang lahat ng iyon ay walang naging bunga kundi ang ibayong pananalig sa Islam at ang pagdami ng mga mananampalataya. Sanhi nito ay napagkaisahan nilang magsulat ng isang kasulatang lalagdaan nilang lahat at isasabit sa loob ng Ka’bah. Ang kasulatang ito ay nagsasaad ng kanilang buong pagkakaisang di-pagtangkilik (boycott) sa mga Muslim at sa angkan ni Hashim, ang angkan ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Ang pagkakaisang ito sa hindi pagtangkilik ay malawakan: hindi sila pagbibilhan, hindi bibilhan, hindi makapag-aasawa mula sa kanila, hindi makikipagtulungan, at hindi sila  pakikitunguhin. Sa pangyayaring ito ay napilitan tuloy  ang  mga  Muslim  na  umalis  sa  Makkah  at nagpunta sa isang lambak na tinatawag na Shi’b Abi Talib (Lambak ni Abu Talib).



Dumanas doon ng matinding pasakit ang mga Muslim at lumasap ng gutom at iba’t-ibang uri ng kapighatian. Ibinigay ng mga may kaya sa kanila ang lahat ng kanilang ari-arian. Lahat ng ari-arian ni Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay naubos na. Lumaganap na sa kanila ang mga sakit at ang karamihan sa kanila ay nasa bingit na ng kamatayan. Subalit nagpakatatag sila nagtiis, at walang isa mang tumalikod sa kanila sa Islam.



Nagtagal ang paninikis na ito sa loob ng tatlong taon. Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, ang nilalaman ng kasulatan ay pinawalang bisa ng ilang mahahalagang tao sa mga Quraysh na kamag-anak ng ilang kasapi ng angkan ni Hashim. Ipinahayag nila iyon sa pamunuan ng Quraysh. Nang inilabas nila ang kasulatan ay napag-alaman nilang ito ay kinain na ng anay at walang natira rito kundi ang maliit na bahaging kinasusulatan ng “Sa Ngalan Mo Allah,” Naglaho na ang krisis. Nagbalik na ang mga Muslim at ang angkan ni Hashim sa Makkah  ngunit nanatili pa rin ang Quraysh sa kanilang matigas na saloobin  sa  pagsalungat sa mga Muslim.


Taon ng Dalamhati

Kumakalat ng ang malalang karamdaman ni Abu Talib sa kanyang buong katawan at nananatili siyang nakaratay sa higaan. Hindi naglaon ay heto na siya at dumaranas ng matijding hirap na dulot ng paghihingalo samantalang ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay nasa kanyang ulunan at nagsusumamo sa kanya na sabihin ang La Ilaha Illallah* bago man lamang siya mamatay. Subalit ang mga masasama na pinangungunahan ni Abu Jahl ay ang mga pumipigil sa kanya ‘Huwag mong talikuran ang paniniwala ng iyong mga ninuno,’ sabi nila sa kanya. Dahil doon ay namatay siya sa shirk**.  Kaya naman ibayong dalamhati ang nadama ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, dahil sa pagyao ni Abu Talib at sa hindi nito pagyakap sa Islam. Pagkalipas ng kulang-kulang dalawang buwan mula ng yumao si Abu Talib ay yumao na rin ang kanyang maybahay na si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah.


. 


Ang Pagpunta Sa Ta’if

Nagpatuloy ang mga Quraysh sa kanilang panunupil, pagmamalabis, at pamiminsala sa mga Muslim. Nawalan na ng pag-asa ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na bubuti pa ang saloobin ng mga Quraysh kaya’t napag-isip naman niya ang kanyang butihing maybahay na si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah.



Kaya gayon na lamang ang tindi ng lungkot ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Tumindi pang lalo ang dinanas na pagsubok ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa kamay ng kanyang mga kalipi buhat ng yumao ang kanyang tiyuhin na si Abu Talib at ang  pumunta sa Ta’if sa paghahangad na harinawa ay patnubayan ng Allah sa Islam ang mga naninirahan sa bayang iyon. Ang paglalakbay patungong Ta’if ay hindi isang madaling bagay sanhi ng mahirap na daan dahil na rin sa mga nagtataasang bundok na nakapaligid sa bayang ito.Totoo nga na ang bawat mahirap ay  nagiging madali alang-alang sa Allah subalit ang mga naninirahan sa Ta’if ay walang itinugon  sa kanya kundi ang pinakamasagwang tugon.  Sukat ba namang inudyukan nila ang mga bata na pukulin ng bato ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, hanggang sa siya ay magkasugat-sugat at tumulo ang dugo sa kanyang bukong-bukong.



Sanhi nito ay malungkot at namimighati niyang tinunton pabalik sa Makkah ang kanyang daanan. Walang anu-ano ay pinuntahan siya ni Jibreel kasama ang anghel ng mga kabundukan.


Tinawag siya ni Jibreel, Kahabagan nawa siya ng Allah, at sinabing: “Ipinadala sa iyo ng Allah ang Anghel ng mga kabundukan upang ipag-utos mo rito ang anumang naisin mo.”


Ang sabi naman ng Anghel ng mga kabundukan: “O Muhammad kung nais mo ay iipitin ko sila ng Al-Akhshaban.” Ang Al-Akhshaban ay ang dalawang bundok na nakapalibot sa Makkah.


 “Datapwa’t ang hangad ko ay magpaluwal ang Allah buhat sa kanila ng mga salinlahing  ang sasambahin ay ang Allah lamang at hindi magtatambal  ng anuman sa  kanya,” tugon ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa Anghel.



Ang isa sa mga pinagdidiinan ng mga Mushrik* sa Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay ang kanilang kahilingan sa kanya na magbigay ng mga himala. Ang layunin ng kanilang paghingi ng himala ay ang pabulaanan ang kanyang pagkapropeta dahil ang buong akala nila ay hindi makapagbibigay ng himala ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.


Naulit ng maraming beses ang ang kahilingang iyon buhat sa kanila. Minsan ay hiniling nila sa kanya na biyakin sa dalawang bahagi ang buwan. Hiniling naman ng Propeta sa kanyang Panginoon ang gayon. Kaya naman nakita nilang ang buwan ay nahati sa dalawang bahagi. Matagal-tagal din naman na nakita ng mga Quraysh ang himalang ito ngunit hindi pa rin sila sumampalataya, sa halip ay kanilang sinabi: “Isinailalim niya kayo sa kanyang kapangyarihan.” “Kung naipasailalim niya kayo sa kanyang kapangyarihan, hindi niya kayang maipasailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng tao kaya’t hintayin ninyo ang mga manlalakbay,” sabi ng ilan sa kanila. Pagdating ng mga manlalakbay ay tinanong nila ang mga ito.  “Oo nakita namin iyon,” sabi naman ng mga ito. Ngunit sa kabila niyon ay nagmatigas pa rin ang mga Quraysh sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Itong pagbiyak ng buwan ay para bagang isang paunang himala sa himalang mas malaki pa rito. Ang malaking himala ay ang Al-Isra’ wa Al’Mi’raj.



Al-Isra’ wa Al-Mi’raj

Ang AL-Isra’ wa Al-Mi-raj ay ang paglalakbay sa Gabi at ang Pag-akyat sa langit ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Matapos na makabalik si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, buhat sa Ta’if, matapos ang mga pangyayaring naganap sa kanya sa bayang iyon, matapos na yumao si Khadeejah, Kaluguran nawa siya ng Allah, kasunod ng pagyao ni Abu Talib, matapos na mag-ibayo ang pamiminsala ng mga Quraysh, at matapos na napuno na ang dalamhati ng puso ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya; kailangan namang maalo ang marangal na Propetang ito. Kaya noong  ika–27 ng buwan Rajab ng taon ding iyon samantalang  natutulog ang  Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay pinuntuhan siya ni Anghel Jibreel, Kahabagan nawa siya ng Allah, dala ang  Buraq  na isang hayop na kahawig ng kabayo. Ang hayop na ito ay may mga pakpak at mabilis lumipad na animo’y kidlat. Pinasakay rito ng Anghel Jibreel ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at dinala siya nito sa Bahay Sambahan sa Jerusalem sa Palestina. Mula roon ay iniakyat ang Sugo sa langit at nakita niya roon sa langit ang dakilang mga tanda ng kanyang Panginoon. Sa langit iniatas ng Allah ang tungkuling magdasal nang limang ulit araw-araw. Pagkatapos niyon ay bumalik siya sa Makkah nang gabi ring iyon. Kinaumagahan ay pumunta siya sa Ka’bah at nagsimulang isalaysay sa mga taong naroon ang nagyari. Lalo pang tumindi ang pagpapabula sa kanya ng mga di-mananampalataya. May ilang naroon ang humiling pa sa kanya na ilarawan ang bahay sa Sambahan sa Jerusalem. Ang layunin ng hiling na ito sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay upang pabulaanan ang kanyang pagkapropeta sa pag-aakala nilang gumagawa lamang siya ng kuwento. Sinimulan niyang ilarawan ito ng masusi sa kanila. Ngunit ang mga pagtatanong na ito ay hindi pa sapat sa mga Quraysh. Sabi pa nila: “Nais naming may iba pang patunay.” Kaya’y ang sabi ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya: “May nasalubong ako sa daan na isang karaban na patungong Makkah.” Inilarawan niya iyon sa kanila  at sinabi sa kanila  kung ilan ang bilang ng  mga kamelyo sa karaban na iyon  at kung ano ang oras  ng kanilang pagdating. Nagsasabi ng totoo ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ngunit itong mga di-mananampalataya ay tuluyan ng naligaw sa katotohanan sanhi ng kawalan ng pananampalataya, kanilang katigasan ng ulo, at kawalan ng paniniwala. Kinaumagahan matapos ang gabi ng Al-Isra’ wa Al-Mi’raj ay pinuntahan ni Jibreel, Kahabagan nawa siya ng Allah, ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Tinuruan niya ito kung papaanong isinasagawa ang limang pang-araw-araw na pagdarasal at kung kailan ang mga takdang oras ng mga ito. Noong bago pa naganap ang Al-Isra’ wa Al-Mi’raj, ang dasal ay binubuo lamang ng dalawang Rak’ah (Pagyuko) lamang sa umaga at dalawang Rak’ah din sa gabi.

Sa panahong ito, ang pinagtuunan ng pansin ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay ang mga nagsisidating sa Makkah matapos na lalong lumaki ang pagtanggi ng mga Quraysh sa katotohanan. Nakikipagkita siya sa mga taong ito sa kanilang tinitigilan at sa mga pook na kanilang tinutuluyan. Inaalok niya silang yumakap sa Islam at ipinaliliwanag niya ang katuruan nito. Ang tiyuhin naman na si Abu Lahab ay panay ang sunod sa kanya upang bigyang-babala ang mga tao laban sa kanya at laban sa kanyang ipinangangaral. Minsan ay pumunta siya sa isang pangkat ng mga taong taga-Yathrib at inanyayahan niya sila sa Islam. Nakinig sila sa kanya at pagkatapos ay nagka-isa silang sumunod sa kanya at maniwala sa kanya. Nakaririnig na noon pa man ang mga taga-Yathrib na ito buhat sa mga Hudyo na may isang Propetang isusugo at ang pagdating nito ay nalalapit na. Kaya noong sila ay anyayahan ni Propeta Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, nakilala kaagad nila na siya ang propetang tinutukoy ng mga Hudyo kaya naman dali-dali silang pumasok sa Islam. Ang sabi nila sa isa’t-isa; “Huwag ninyong hayaang kayo ay maunahan ng mga Hudyo sa pagpasok sa Islam.” Anim lamang sila ng taong iyon iyon ngunit nang sumunod na taon ay may labindalawang kalalakihang dumating at nakipagkita sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Itinuro niya sa kanila ang Islam. Pagbalik ng mga ito sa Yathrib ay pinasama ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa kanila si Mus’ab bin ‘Umayr, Kaluguran nawa siya ng Allah, upang magturo sa kanila ng Qur’an at upang linawin sa kanila ang mga patakaran ng Islam. Nagawang maimpluwensiyahan ni Mus’ab, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang lipunan ng Yathrib. Kaya’t nang si Mus’ab, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay magbalik sa Makkah pagkalipas ng isang taon, may kasama na siyang 72 kalalakihan at dalawang babae buhat sa mga mamamayan ng Yathrib. Nakipagkita sa kanila ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at nangako naman silang itataguyod ang Islam at isasagawa ang mga kautusan nito. Pagkatapos nito’y nagbalik sila sa Yathrib.

Ang Yathrib ay isang ligtas na kanlungan ng katotohanan at ng mga tagapagtaguyod nito. At nagsimula na ang paglikas doon ang mga Muslim. Subalit matatag ang pasya ng mga Quraysh na pigilan ang mga Muslim sa paglikas. Kaya dumanas na naman ang ilang mga Muhajir* ng sari-saring pasakit at pahirap.  Sa takot sa mga Quraysh, palihim na lumikas ang mga Muslim. Ang paglikas ni ‘Umar bin Al-Khattab, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay isang halimbawa ng katapangan at paghahamon sapagkat isinukbit niya ang kanyang espada at binibitbit ang kanyang pana nang siya ay pumunta sa Ka’bah at magsagawa ng tawaf sa palibot nito. Pagkatapos nito ay nilapitan niya ang mga Mushrik at sinabi sa kanilang: “Ang sinumang nagnanais na gawing balo ang kanyang maybahay at gawing ulila ang kanyang anak ay sumunod sa akin sapagkat ako ay lilikas.” Pagkatapos nito ay lumisan siyang wala ni isa mang humarang sa kanya. Si Abu Bakr As-Siddeeq, Kaluguran nawa siya ng Allah, naman ay nagpaalam sa Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, para lumikas na rin ngunit ang sabi sa kanya ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya: “Huwag kang magdali nang harinawa’y magtatalaga ang Allah para sa iyo ng isang kasama.” Nang magsilikas na ang karamihan sa mga Muslim ay naging balisa na ang mga Quraysh sa nakikita nilang paglikas, nagsanggunian sila at napagkasunduang paslangin ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Ang sbai ni Abu Jahl: “Sa tingin ko’y mabuting kumuha tayo ng isang matipunong binata sa bawat angkan natin at atin silang bibigyan ng espada. Palilibutan nila sa Muhammad at tatagain ito ng sabay-sabay nang sa gayon ang pananagagutan sa kanyang buhay ay mahahati sa iba’t-ibang mga angkan. Kapag nagkagayon ay mawawalan na ng lakaw ang angkan ni Hashim (Angkan ni Muhammadm, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya) na kalabanin ang lahat ng tao.” Subalit ipinabatid na ng Allah sa Kanyang marangal na Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang sabwatang iyon. Kaya’t nang nagbigay na ang Allah ng kapahintulutang lumikas ay nagpakasunduan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, na lumikas na. Kinagabihan aay hiniling ng Propeta kay ‘Ali bin Abi Talib, Kaluguran nawa siya ng Allah, na matulog sa kanyang higaan upang akalain ng gma tao na siya ay nasa bahay pa rin. Sinabi rin niya kay Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, na walang masamang mangyayari sa kanya.  Pagdating ng mga nakipagsabwatan ay pinalibutan nila ang bahay at nakita nila si Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa higaan kaya’t ang buo nilang akala ay si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, iyon. Nagsimula silang maghintay upang kapag kapag ito ay lumabas, ay susugurin nila ito at papatayin. Lumabas ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, samantalang sila ay nakapaligid sa bahay. Wala silang kamalay-malay na sinasabuyan niya ng alikabok ang kanilang mga ulo sapagkat inalis ng Allah ang kanilang paningin kaya hindi siya namalayan. Pinuntahan niya si Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, at pagkatapos ay naglakad silang dalawa ng mga limang milya at nagkubli sa yungib ng Thaur. Sa kabilang dako ang mga kabinataan ng mga Quraysh ay naghihintay pa rin hanggang sa mag-uumaga. Kinaumagahan ay si ‘Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang bumangon sa higaan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Gayon na lamang ang kanilang pagkamangha at galit. Tinanong nila si ‘Ali, Kaluguran nawa siya ng Allah, tungkol sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ngunit wala siyang ipinaalam sa kanila. Binubog nila ito at kinalakadkad ngunit wala rin silang nalaman. Dahil dito’y nagpadala ang mga Quraysh ng mga manunugis sa lahat ng dako at nagtakda sila ng gantimpalang isandaang inahing kamelyos sa sinumang makapagdadala kay Muhammad. Tumindi ang pag-aalala ni Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa Sugo ng Allah - buhay man o patay. Nakarating ang mga manunugis hanggang sa bukana ng yungib na anupa’t  kung sakaling ang isa sa kanila ay tumingin sa paa nito, tiyak na makikita nito  ang  Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya,  kaya’t ang sabi nito sa kanya: “Abu Bakr, ano ang palagay mo sa dalawang  ang ikatlo ay ang Allah. Huwag kang mag-aalala; ang Allah ay kasama natin.” Hindi sila nakita ng mga naghahanap sa kanila.

* Ito ang tawag sa mga Muslim na lumikas mula Makkah hanggang Yathrib na hindi naglaon ay tinawag na Madinah.

Tatlong araw silang namalagi sa yungib bago sila lumisan patungong Yathrib. Mahaba ang daan na kanilang nilakbay at ang init ng araw ay nakakapaso. Kinagabihan ng ikalawang araw ng kanilang paglalakbay ay naparaaan sila sa isang kubol. Nakita nila roon ang isang babaeng kung tawagin ay Umm Ma’bad. Humiling silang dalawa sa kanya ng makakain at maiinom ngunit wala silang matagpuan dito kundi isang payat na inahing tupa na sa kahinaan ay hindi makaalis para manginain. Hindi rin ito nilalabasan kahit isang patak na gatas. Nilapitan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang tupa, hinipo ang suso nito at saka ginatasan. Napuno ang malaking lalagyan kaya’t habang nakatayong walang tinag ay takang-taka si Umm Ma’bad sa kanyang nasaksihan. Uminon ang lahat hanggang sa mabusog. Pagkatapos ay muling ginatasan ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang tupa at muling napuno ang lalagyan. Iniwan nila ito kay Umm Ma’bad at nagpatuloy sila sa paglalakbay.

Matagal-tagal ring inaabangan ng mga mamamayan ng Yathrib ang pagdating ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Araw-araw ay naghihintay sila sa labas ng Yatrib. Sa araw ng kanyang pagdating ay masaya siyang sinalubong ng mga tao. Tumuloy siya sa Quba’ (isang lugar na malapit sa Yathrib) at apat na araw na tumigil doon. Sa pagtigil niya roon ay itinayo niya ang panulukan ng Masjid ng Quba’. Sa ikalimang araw ay lumisan siya patungong Yathrib. Tinangka ng marami  sa mga Ansari na anyayahan ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na sa  kanila manuluyan at maparangalan  sa pagtanggap sa kanya bilang panauhin. Hinawakan nila ang renda ng kanyang inahing kamelyo. Panay naman ang pasasalamat ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa kanila at nagsasabing: “Hayaan ninyo siya (ang kamelyo) sapagkat may nag-uutos sa kanya.” Nang makarating na ang kanyang kamelyo sa lugar na di-naglaon ay pinagtirikan ng Al-Masjid An-Nabawee (Masjid ng Propeta) ay lumuhod ito.

Ngunit hindi agad bumaba ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, hangga’t hindi ito tumayo at lumakad nang kaunti at saka lumingon at bumalik. Nang muli itong lumuhod Sa dati nitong pinagluluhuran ay saka pa lamang siya bumaba.

Sa Yathrib ay tumuloy ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, kay Abu Ayoob Al-Ansari, Kaluguran nawa siya ng Allah. Si ‘Ali bin Abu Talib naman ay nanatili pa nang tatlong araw sa Makkah matapos na umalis ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Pagkaraan ng tatlong araw ay lumisan siya papuntang Madinah. Kanyang naabutan ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa Quba’. Matapos na mabili ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa may-ari ng lupa ang lupang niluhuran ng kanyang kamelyo ay ipinatayo niya roon ang kanyang Masjid. Ginawa niyang magkakapatid ang mga Muhajir at ang mga Ansari. Ang kanilang pagkakapatiran ay ganito: gagawing kapatid ng bawat Ansari ang isang Muhajir na makikibahagi sa kanya sa kanyang pag-aari. Nagsimulang gumawa ng sama-sama ang mga Muhajir at ang mga Ansari. Kaya naman lalo pang tumibay ang bigkis ng kanilang pagkakapatiran.


Ang Labanan Sa Badr

Ang mga Quraysh ay may ugnayan sa mga Hudyo ng Yathrib. Ang mga Hudyong ito ay nagtangka sa simula pa na maghasik ng kaguluhan at pagkakahati-hati sa mga Muslim sa madinah. Ang mga Quraysh naman ay nananakot sa mga Muslim at nagbabantang sila ay lilipulin. Ganito pinaliligiran ng panganib ang mga Muslim – sa loob at sa labas. Dumating pa ang puntong hindi nagpapagabi ang mga Sahabah* nang walang dalang sandata. Sa ganitong mapanganib na mga kalagayan ibinaba ng Allah ang kapahintulutang makipaglaban. Kaya’t nagsimula ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na magpadala ng mga tao upang subaybayan ang mga pagkilos ng kaaway.
*Mga nanampalataya na nakakita ng personal sa Sugo ng Allah at namatay sa estadong nasa pananampalatayang Islam.


Nagpadala rin siya ng mga taong haharang sa mga karaban ng kalakal ng mga Quraysh upang gipitin sila at ipadama sa kanila ang panganib nang sa gayon ay gumawa sila ng kasunduang pangkapayapaan sa mga Muslim at hayaan ang mga Muslim na malayang ipalaganap ang Islam at ipamuhay ito. Gumawa rin ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ng ilang pakikipagkasunduan at pakikipag-alyansa sa ilang mga lipi. Muli siyang nagpasyang harangin ang isa mga karaban ng Quraysh. Humayo siya at 313 kalalakihan. Mayroon lamang silang dalawang kabayo at 70 kamelyo. Ang karaban ng mga Quraysh ay binubuo ng 1,000 kamelyo at pinamumunuan ni Abu Sufyan na may kasamang 40 kalalakihan. Subalit napag-alaman ni Abu Sufyan ang pagsugod ng mga Muslim kaya nagpadala siya ng tao sa Makkah upang ipagbigay–alam sa kanila hinggil sa bagay na ito at upang humingi sa kanila ng ayuda. Binago ni Abu Sufyan, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang kanyang daan. Pumunta siya sa ibang daan kaya hindi sila nahuli ng mga Muslim. Sa kabilang dako, nakaalis na ang mga Quraysh na dala ang isang hukbo na binubuo ng 1,000 mandirigma matapos na kanilang mapag-alaman sa unang sugo ang nangyari. Subalit nang sila ay papunta na, nasalubong sila ng ikalawang sugo na ipinadala ni Abu Sufyan, Kaluguran nawa siya ng Allah, at sinabi sa kanilang ligtas na ang karaban. Hiniling nito sa kanila na bumalik na sa Makkah subalit tumanggi si Abu Jahl na bumalik. Ipinagpatuloy ng hukbo ang pagpunta sa Badr. Nang mapag-alaman ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang pagsugod ng mga Quraysh, sinangguni niya ang kanyang Sahabah, Kaluguran nawa siya ng Allah.

Napagkasunduan nilang lahat na makipagkita at makipaglaban sa mga Quraysh. Umaga ng araw ng Biyernes noong ika-17 ng buwan ng Ramadan taong 2 A.H. nang magharap ang dalawang panig. Naging mainit ang kanilang labanan at nagtapos sa pagwawagi ng mga Muslim at pagkamatay ng 14 shaheed* sa kanilang panig samantalang ang mga Mushrik naman ay namatayan ng 70 kalalakihan at nabihag ang 70 sa kanila. Nang mga sandaling nagaganap ang paghahamok ay yumao si Ruqayyah, Kaluguran nawa siya ng Allah, na anak ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at maybahay ni ‘Uthman, Kaluguran nawa siya ng Allah. Namatay si Ruqayyah, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa Madinah na kapiling ang kanyang asawa na si ‘Uthman. Hindi sumama si ‘Uthman sa labanan sa Badr dahil na rin sa kahilingan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na siya ay manatili sa piling ng kanyang maysakit na maybahay. Pagkatapos ng labanan ay ipinagkaisang–dibdib ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, kay ‘Uthman ang kanyang ikalawang anak na si Zaynab, Kaluguran nawa siya ng Allah. Kaya dahil dito ay tinagurian si Uthman, Kaluguran nawa siya ng Allah, na Dhunoorayn (ang nagtataglay ng dalawang liwanag) sapagkat napangasawa niya ang dalawa sa mga anak ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Pagkatapos ng lababan sa Badr ay nagbalik sa Madinah ang mga Muslim. Masaya sila sa tagumpay na kaloob ng Allah. Sa pagbalik nila ay may dala silang mga bihag at mga nasamsam na ari-arian ng mga kaaway. May mga bihag na tumubos sa kanilang sarili at mayroon din naman sa kanilang pinalaya nang walang kapalit na pantubos. Ang pantubos sa kalayaan ng iba sa kanila ay ang pagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga sampung mga anak ng mga Muslim.

* Mga namatay sa pakikipaglaban sa landas ng Allah

Matapos ang labanan sa Badr ay may mga labanan pang namagitan sa mga Muslim at mga mamamayan ng Makkah. Ang ikalawang labanan ay ang lababan sa Uhud. Sa labanang ito ay nanalo ang mga Mushrik laban sa mga Muslim. Ang mga taga-Makkah sa mga sumugod ay binubuo ng 3,000 mandirigma samantalang ang mga Muslim ay binubuo lamang ng humigit kumulang sa 700 mandirigma.  Pagkatapos ng ikalawang labanan na ito ay may isang pangkat ng mga Hudyo na nagsadya sa Makkah at inudyukan ang mga tagaroon na salakayin ang mga Muslim sa Madinah. Nangako pa silang tutulong at magbibigay ng ayuda. Tinugon naman ng mga taga-Makkah ang udyok. Inudyukan din ng mga Hudyo ang iba pang lipi na salakayin din ang mga Muslim. Pinaunlakan din ng mga lipi ang udyok ng mga Hudyo. Kaya’t buhat sa lahat ng dako ay nagsimulang sumugod ang mga Mushrik papuntang Madinah hanggang sa magkatipon ang humigit-kumulang sa 10,000 mandirigma. Nalaman na ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang mga pagkilos ng mga kalaban. Sinangguni niya ang kanyang mga Sahabah kaya’t nagmungkahi sa kanya si Salman Al-Farsee, Kaluguran nawa siya ng Allah, na gumawa ng hukay sa palibot ng Madinah sa dakong walang mga bundok. Lumahok ang mga Muslim sa paghuhukay hanggang sa matapos ng mabilis. Sa loob halos ng isang buwan ay hindi matawid ng mga Mushrik ang hukay. Hindi naglaon ay nagpadala ang Allah ng malakas na hangin na bumuwal sa kanilang mga kubol. Dahil dito ay nalipos sila ng takot at dali-daling lumisan pabalik sa kanilang bayan.


Ang Pagsakop Sa Makkah

Noong taong 8 A.H. ay nagpasya ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na salakayin ang Makkah at sakupin ito. Lumisan siya noong ika-10 ng Ramadan ng nabanggit na taon kasama ang 10,000 mandirigma. Napasok niya ang Makkah ng walang matinding labanang naganap sapagkat sumuko ang mga Quraysh at pinagwagi ng Allah ang mga Muslim. Matapos ang mapayapang pagsakop sa Makkah ay nagsadya ang Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa Ka’bah, nagsagawa ng Tawaf sa palibot nito, at nagdasal ng dalawang Rak’ah sa loob ng Ka’bah. Pagkatapos niyon ay binasag niya ang lahat ng mga diyus-diyusan na nasa loob ng Ka’bah. Pagkatapos nito ay tumayo siya sa pintuan ng Ka’bah habang ang mga Quraysh ay nakatipon at naghihintay sa kung ano ang kanyang gagawin sa kanila. Nagsalita siya, “O Kalipunan ng mga Quraysh, ano sa inaakala ninyo ang gagawin ko sa inyo?” tanong niya. “Kung ano ang mabuti, kapatid na marangal na anak ng kapatid na marangal,” sagot nila. “Humayo kayo; kayo ay malaya na,” sabi niya sa kanila. Sa pangyayaring ito ay gumawa ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ng pinakadakilang halimbawa  ng  pagpapatawad sa mga kaaway na nagpahirap, pumatay sa kanyang mga kasamahan at  nanakit sa kanya at nagpalayas sa kanya sa kanyang bayan.


Ang Pagyao ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.

Matapos na masakop ang Makkah ay pumasok ang mga tao sa Islam ng pulu-pulutong. At noong taong 10 A.H. ay nagsagawa ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ng hajj. Ang hajj na ito ay ang nag-iisang hajj na isinagawa ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Kasama niyang nagsagawa ng hajj ang mahigit na isandaang-libong tao.


Matapos na maisagawa ang hajj ay nagbalik ang Sugo sa Madinah. At pagkalipas ng humigit-kumulalng sa dalawang buwan at kalahati ay nagsimula ang karamdaman ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. At sa paglipas ng mga araw ay lalo pa itong lumalala.


Nang nanghina na siya para pamunuan ang mga tao sa pagdarasal, hiniling niya kay Abu Bakr, Kahabagan nawa siya ng Allah, na ito ang mamuno sa mga tao sa pagdarasal.


Araw ng Lunes ika-12 ng buwan ng Rabee’ul Awal taong 11 A.H. nang bawiin ng kataas-taasan ang buhay ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Ganap na animnapu’t tatlong gulang nang siya ay yumao. Nakarating sa mga Sahabah ang pagyao ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.


Halos mawalan sila ng malay at hindi makapaniwala sa balita. Kaya tumayo si Abu Bakr AS-Siddeeq, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa gitna nila at nagsalita upang panatagin  sila at linawin sa kanila na ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay isang tao lamang, na siya ay namatay  kagaya ng pagkamatay ng karaniwang tao.


At napanatag naman ang mga tao. Pinaliguan, binalot, at inilibing ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa silid ng kanyang butihing maybahay na si A’isha, Kaluguran nawa siya ng Allah. Pagkatapos ng libing ay pinili ng mga Muslim si Abu Bakr AS-Siddeeq, Kaluguran nawa siya ng Allah, bilang  Khalifah (pinuno) ng mga Muslim. Siya ang una sa mga napatnubayang khalifah (Khulafaa ur-Raashideen). Ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay 53 taong nanirahan sa Makkah: 40 tao bago naging Propeta at 13 matapos naging Propeta. 10 taon siyang nanirahan sa Madinah.


Ang Ilan Sa Kanyang mga Himala

Ang pinakadakila niyang himala ay ang Banal na Qur’an na dumaig sa lahat ng mga mahusay sa wikang Arabik. Ito rin ay naglalaman ng hamon ng Allah sa lahat na magbigay ng sampung surah na katulad nito o magbigay ng isang surah  o kahit isang talata  na lamang  na katulad ng sa Qur’an.


Saksi ang mga Mushrik sa kawalan ng kakayahang gawin ito. Hiniling sa kanya ng mga Mushrik na siya ay magpakita ng himala kaya naman nakita nila ang pagkabiyak ng buwan.


Nabiyak ang buwan hanggang sa ito ay maging dalawang bahagi. Ilang ulit ding bumukal ang tubig sa pagitan ng kanyang mga daliri.


Nagpuri ang maliit na bato sa kanyang palad. Nagpatuloy ito sa pagpupuri matapos na mailagay sa palad ni Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, at pagkatapos ay sa palad ni ‘Umar, Kaluguran nawa siya ng Allah, at pagkatapos ay sa palad ni ‘Uthman. Madalas nilang marinig na nagpupuri ang pagkain habang siya ay kumakain. Bumati sa kanya ang mga bato at mga punongkahoy noong ginawa siyang Propeta.


Kinausap siya ng braso ng tupang may lason na ibinigay sa kanya ng isang babaing Hudyo na nais siyang patayin sa pamamagitan ng lason.


Nang hiniling sa kanya ng isang Arabiano na taga-disyerto na pakitaan niya ito ng himala ay inutusan niya ang isang punongkahoy na lumapit sa kanya. Lumapit naman ito at pagkatapos ay inutusan niya itong bumalik sa kinaroroonan nito. Nang dinama niya ang suso ng inahing tupa na walang gatas ay nagkaroon ito ng gatas. Ginatasan niya ito at uminon siya at si Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah.



Nilawayan niya ang dalawang mata ni ‘Aee bin Abi Talib, Kaluguran nawa siya ng Allah, ng mga ito ay namaga at hindi naglaon ay gumaling ang mga ito.


Nasugatan ang isang lalaki sa mga Sahabah niya. Hinipo niya ang tama at kaagad naming gumaling ito.


Dumalangin siya para kay Anas bin Malik, Kaluguran nawa siya ng Allah, na ito ay magkaroon ng mahabang buhay at maraming  yaman at anak at pagpalain ito ng Allah sa  mga  ito. Nagkaroon  ito  ng 120 anak.


ang mga puno nito ng datiles ay dalawang  beses  nagbubunga sa isang taon  bagaman alam na ang datiles ay isang beses lamang kung magbunga sa isang taon, at nabuhay ito ng 120 taon.


Idinaing sa kanya ang tagtuyot habang siya ay nasa pulpito ng Masjid kaya nanalangin siya sa Allah. Nang mga sandaling iyon ay walang kaula-ulap sa langit ngunit dahil sa kanyang panalangin ay may namuong mga ulap na katulad ng bundok.


Bumuhos ang napakalakas na ulan sa sandaling iyon hanggang sa sumunod na Biyernes kaya may dumaing naman sa kanya sanhi ng dami ng ulan.


Nanalangin na naman siya sa Allah at tumigil naman ang ulan. Lumabas ang mga tao at naglakad sa ilalim ng sikat ng araw.


Pinakain niya ng humigit kumulang  sa tatlong kilo ng trigo  at isang tupa ang mga taong  dumalo sa paghuhukay  ng kanal na ang bilang ay umabot sa isang libo.Nabusog silang lahat  at umalis  na ang pagkain ay parang hindi nabawasan.


Pinakain niya rin ang mga taong ito ng kaunting datiles na dinala ng mga babae ni Basheer bin Sa’d, Kaluguran nawa siya ng Allah, na para lang sana sa ama at tiyuhin nito. Pinakain din niya ang buong hukbo ng baon ni Abu Hurayrah, Kaluguran nawa siya ng Allah, hanggang sa mabusog ang lahat.


Lumabas siya sa kanyang bahay habang sa palibot nito ay may isang daang Quraysh na naghihintay sa kanya upang patayin siya. Hinagisan niya ng alikabok ang kanilang mga mukha at siya ay umalis na hindi nila nakikita.


Sinundan siya ni Suraqah bin Malik, Kaluguran nawa siya ng Allah, upang patayin siya. At nang malapit na ito sa kanya ay nanalangin siya laban sa kanya kaya lumubog sa lupa ang mga paa ng kabayo nito.


Ilan Sa Kanyang mga   Katangian

Tungkulin ng mga Muslim na malaman ang pagkatao ng marangal na Sugong ito ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, upang humatol sila ayon sa Qur’an na ipinahayag sa kanya, upang tularan nila ang kanyang pag-uugali at upang pahalagahan nila ang pag-aanyaya sa pagsampalataya sa isang Diyos na siyang  pangunahing mensahe ng kanyang pagka-Propeta batay sa sinabi ng Allah:

“Sabihin! ‘Ako ay nag-aanyaya sa aking Panginoon at hindi nagtatambal sa Kanya ni isa man.’”  [Qur’an, 72:20]

Siya ang kahuli-hulihan sa lahat ng mga Propeta. Sinabi pa niya: Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya: “sa lahat ng mga Propeta, ako ang may pinakamaraming taga-sunod sa araw ng pagkabuhay at ako ang unang kakatok sa pintuan ng Paraiso.” Nakikilala siya sa pamamagitan ng mabangong halimuyak, kapag siya Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay dumating. Ayon sa sinabi ni Abu Hurayrah, Kaluguran nawa siya ng Allah: “Nagdarasal siya, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, noon sa kalaliman ng gabi hanggang sa mamaga ang kanyang dalawang paa (dahil sa katatayo habang nagdarasal). Kaya’t may nagsabi sa kanya, ‘O Sugo ng Allah, ginagawa mo pa ito samantalang pinatawad ka na ng Allah sa nauna at darating mo pang kasalanan?’ Ang sagot naman niya, ‘Hindi ba’t dapat lamang na ako’y maging mapagpasalamat na lingkod?’ ”Ayon sa sinabi ni ‘Amr bin Al-Harith, Kaluguran nawa siya ng Allah: “Sa pagkamatay ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay hindi siya nag-iwan ng deenar ni dirham, ng lalaking alipin ni babaeng alipin, wala kahit anuman kundi ang kanyang puting  babaeng buriko  na dati niyang sinasakyan, ang kanyang sandata, at isang kapirasong lupa na ginawa niyang kawanggawa para sa mga  manlalakbay na kinapos ng panggastos habang nasa daan.” Sinabi ng ‘Umar bin Al-Khattab (RA): “Nakita ko ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na namimilipit sa gutom. Ni masamang uri ng datiles na mailalagay niya sa kanyang sikmura ay wala siyang makita.” Ayon sa sinabi ni A’isha. Kaluguran nawa siya ng Allah: “Hindi pinagbuhatan ng kamay ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ang sinuman maging ito ay babae o isang utusan. Maliban na lamang sa kanyang pakikibaka alang-alang sa Allah. Walang anumang kapinsalaang kanyang nalasap na pinaghigantihan niya ang gumawa nito. Maliban na lamang kung ang kabanalan ng Allah ay nilalabag sapagkat siya ay naghihiganti para sa Allah.” Ang sabi niya, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya: “Ang pinakamahal sa mga lingkod ng Allah para sa Allah ay ang may pinakamagandang –asal sa kanila.”


Ang Pag-aanyaya niya Sa mga Hari at Pinuno

Nagpadala ang Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ng kanyang mga sugo sa mga hari at mga pinuno ng iba’t-ibang bansa upang anyayahan sila sa Islam.  Isinugo niya si ‘Amr bin Umayyad Ad-Damaree sa Najashi, ang Hari ng Ethiopia. Ang pangalan ng Najashi ay As’hamah. Nang dumating ang liham na dala ng Sugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay hinalikan ito ng Najashi sapagkat bago pa man dumating ang sugo ay pumasok na siya sa Islam. Ipinahayag niya ang kanyang pagpasok sa Islam kay Ja’far bin Abi Talib, Kaluguran nawa siya ng Allah. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Dihyah bin Khalifah Al-Kalbee sa Qaysar, ang Emperador ng Byzantine. Ang pangalan ng Qaysar na ito ay Hiraql (Heraclius). Nagtanong ang Qaysar ng tungkol sa pagkatao ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. At nang masabi sa kanya ay natanggap niyang tunay ngang Propeta si Muhammad, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nagkaroon siya ng hangaring pumasok sa Islam ngunit hindi sumang-ayon sa kanya ang kanyang nasasakupan. Sa takot niyang maalis sa kapangyarihan ay hindi siya pumasok sa Islam. Isinugo naman ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Hudhafah AS-Sahmee sa Kisra, ang Emperador ng Persia. Nang mabasa ng Kisra ang sulat ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, na naglalaman ng paanyaya sa kanya na pumasok sa Islam ay ginutay-gutay niya ang sulat. Nang ito ay malaman ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya ay sinabi niyang ‘Nawa’y gutay-gutayin ng Allah ang kanyang kaharian.” At ginutay-gutay nga ng Allah ang kanyang kaharian. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Hatib bin Abi Balta’ah Al-Lakhmee kay Al-Muqawqis, ang Hari ng Alexandria at Ehipto. Maganda ang itinugon niya ngunit hindi siya pumasok aa Islam. Iniregalo niya sa Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, Si Maria Al-Qibtiyah. Isinugo ng propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si ‘Amr bin Al-‘Ass sa dalawang hari ng Oman na sina Jayfar at ‘Abd na mga anak ni Al-Julandee. Pumasok at sumampalataya sa Islam ang dalawang hari. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Salit bin ‘Amr Al-Amiree kay Hawdhah bin ‘Ali Al-Hanafee ng Yamamah. Ang Yamamah ay siyang Riyadh sa ngayon. Hindi ito pumasok sa Islam dahil hindi pinagbigyan ng Propeta ang kahilingan nito. Ang kahilingan nito ay ang makihati sa pamumuno ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Shuja’ bin Wahb Al-Asadee kay Al-Harith bin Abi Sahamir Al-hassanee na hari ng Al-Balqa’ na isang bahagi ng Sham. Ayon kay Shuja ay ibinigay niya ang sulat sa haring ito habang ito ay nasa Damascus. Binasa nito ang liham ngunit itinapon matapos mabasa. Sinabi pa ng hari na kasama ng hukbo nito ay pupuntuhan nito ang Propeta upang makidigma sa kanya. Marubdob ang kanyang hangaring gawin ito ngunit pinigilan siya ng Qaysar. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si Al-Muhajir bin Abi Umayyah Al-Makhzoomee kay Al-Harith Al-Himyaree na isa sa mga hari ng Yemen. Hindi pumasok sa Islam ang haring ito. Isinugo ng Propeta si Al-‘Ala’ bin Al-Hadramee kay Mundhir bin Sawee Al-‘Abdee na hari ng Bahrain. Dala ng sugo ang liham na nag-aanyaya sa haring ito na pumasok sa Islam. Sumampalataya at pumasok sa Islam ang hari. Isinugo ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sina Abu Musa Al-‘Ash’aree  at Mu’adh bin Jabal Al-Ansaree, Kaluguran nawa siya ng Allah, sa buong Yemen. Pinapunta sila roon upang ipalaganap ang Islam. Pumasok sa Islam ang karamihan sa mga mamamayan ng Yemen at ang mga hari nito.


Ang mga Napatnubayang  Khalifah

Nagsimula ang panahon ng mga napatnubayang Khalifah pagyao ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at nagtagal ng 30 taon. Apat sa malalaking sahabah ang sunod-sunod na namuno sa sambayanang Muslim at nangalaga sa Pananampalatayang Islam. Ang layunin ng bawat isa sa mga napatnubayang Khalifah ay ang paglingkuran ang Islam at itaguyon ang kapakanan ng ng Sambayanang Muslim. Itinuturing na ang kapanahunan ng mga napatnubayang Khalifah ang siyang ideyal na larawan ng bansang maka-Islam. Ito ay sa kadahilanang ang mga napatnubayang KhAlifah ay sumunod sa patnubay ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at siya ang kanilang tinularan. Itinaguyod din sa kanilang pamamahala ang mga katuruan ng Banal na Qur’an at Sunnah ng Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.

 
Ang Unang Khalifah

Siya ay si Abu Bakr As-Siddeeq, Kaluguran nawa siya ng Allah. Isinilang siya sa Makkah dalawang taon ang nakalipas pagkapanganak sa Propeta, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Isa siyang kaibigan ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at ang kauna-unahang lalaki na naniwala sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Kinatigan ni Abu Bakr, Kaluguran nawa siya ng Allah, ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa pag-aanyaya nito sa Islam at alang-alang dito ay tiniis niya ang maraming pamiminsala. Siya ang kasama ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, sa paglikas nito sa Madeenah. Pagyao ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, ay pinili siya ng mga Muslim bilang KhAlifah ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nagtagal ng dalawang taon at tatlong buwan ang kanyang panunungkulan bilang KhAlifah. Yumao siya sa gulang na 63 na siyang edad ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.


Ang Ikalawang Khalifah

Siya ay si ‘Umar bin Al-Khattab. Isinilang siya 13 taon matapos na ipinanganak ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Noong mga unang taon ng pagka-Propeta ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, si ‘Umar, Kaluguran nawa siya ng Allah, ay kabilang sa mga taong may malaking pagkamuhi sa Islam at sa mga Muslim. Pumasok siya sa Islam anim na taon mula ng maging Propeta ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Ang kanyang pagpasok sa Islam ay isang malaking tulong sa mga Muslim. Kabilang siya sa mga taong napakalapit sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Nanungkulan sya bilang KhAlifah pagkamatay ni Abu Bakr As-Siddeeq, Kaluguran nawa siya ng Allah. Umabot sa sampung taon at kalahati ang panahon ng kanyang panunungkulan bilang Khalifah. Noong taong 23 A.H., habang siya ay namumuno sa dasal sa madaling araw kasama ng isang pangkat ng mga Muslim, sinaksak siya ni Abu Lu’lu’ah Al-Majoosee na taga-Persia. Namatay siya sa gulang na 63 na siya ring edad ng Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya.


Ang Ikatlong Khalifah

Siya ay si ‘Uthman bin ‘Affan. Isinilang siya limang taon matapos na ipinanganak ang Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Kabilang siya sa mga maagang nagsiyakap sa Islam. Napamahal at napalapit siya sa Sugo, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya. Ipinakasal pa nito sa kanya ang anak nitong si Ruqayyah. At nang mamatay si Ruqayyah ay ipinakasal naman nito sa kanya ang ikalawang anak nito na si Umm Kulthoom. Dahil doon ay tinawag siyang dhunnoorayn (ang nagtataglay ng dalawang liwanag). Umabot sa 12 taon ang kanyang panunungkulan bilang Khalifah.


Ika-apat na Khalifah

Siya ay si ‘Ali bin Abi Talib, ang pinsang buo sa ama ng Sugo ng Allah, Ang biyaya at kapayapaan nawa’y mapasakanya, at asawa ng anak nito na si Fatimah. Siya ang kauna-unahang pumasok sa Islam sa mga bata. Nanungkulan siya bilang Khalifah pagkamatay ni ‘Uthman bin ‘Affan. Nanatili siya sa kanyang katungkulan sa loob ng halos limang taon.


Ang mga Umawee at mga ‘Abbasee

Nang matapos ang panunungkula ni Ali bilang Khalifah ay nagwakas na ang panahon ng mga napatnubayang Khalifah. At nagsimula na ang bagong yugto ng kasaysayan ng mga Muslim. Ito ang yugto ng Estado ng mga Umawee na nagtagal ng 91 taon. Sa loob ng yugtong ito ay 14 na KhAliefah ang nanungkulan. Damascus ang ginawang kabisera ng mga Umawee. Pagkatapos ng Estado ng Umawee ay dumating naman ang Estado ng mga ‘Abbasee na nagtagal ng mahigit sa limang siglo. Sa loob ng panahong ito ay 37 Khalifah ang nanunungkulan.

Ano Ang Sinasabi Nila Tungkol kay Muhammad
Sunday, 03 October 2010
--
Sa panahon ng mga dantaon ng mga krusada, ang lahat ng uri ng paninirang puri ay isinagawa laban sa Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Subalit sa pagdatal ng makabagong panahon na tinampukan ng pangrelihiyong pagsang-ayon at kalayaan ng isipan, dito’y nagkaroon ng malaking pagbabago sa pagtuklas ng mga kanluraning manunulat sa kanilang paglalarawan ng kanyang buhay at pag-uugali. Ang mga pananaw ng mga di-Muslim na iskolar tungkol sa Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), na ibinigay sa hulihan nito, ay nagbibigay katarungan sa ganitong kuru-kuro.
Subali't ang Kanluran ay nararapat pa rin na humakbang ng pasulong upang matuklasan nila ang pinakamalaking katotohanan tungkol kay Muhammad at ito ay ang kanyang pagiging lantay at huling Propeta ng Allah para sa buong sangkatauhan. Subali't sa kabila ng lahat ng kanyang layunin at kapaliwanagan (Islam), ay hindi pa nagkaroon ng matapat at makabuluhang pagtatangka ang Kanluran upang maunawaan ang pagka-Propeta ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Tunay ngang pambihira na ang mga nagliliwanag na mga papuring iginawad sa kanya dahilan sa kanyang integridad at mga naisagawa, subali't ang kanyang pag-aangkin bilang isang Propeta ng Allah ay tinalikdan ng hayagan at di hayagan. Dito nga ay kinakailangan ang paghahanap ng puso at pagbabalik-aral ng tinatawag na mga ‘layon’ ay nararapat. Ang mga sumusunod na nagliliwanag na mga katotohanan mula sa pamumuhay ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay inilathala upang mapadali ang isang walang kinikilingan, batay sa katotohanan, at makatuturang pasya tungkol sa kanyang pagka-Propeta.
Hanggang sa gulang na apatnapu, si Muhammad ay di kinikilala bilang isang mambabatas, mangangaral o bilang isang mananalumpati. Kailanman ay di siya natunghayang nakikiisang-usapan tungkol sa mga prinsipyo ng pisika, kagandahang loob, pulitika, pangangalakal o panglipunan. Walang pasubali na siya ay nagtataglay ng pambihirang pag-uugali, nakalulugod na pagkilos at may mataas na pagkatao. Gayunpaman, ay walang masasabi sa kanyang pagiging kamangha-mangha o isang pangunahing kaangkinan na kagila-gilalas na magbibigay pag-asa sa mga tao na may napipintong bagay na pambihira at mahimagsik na nalalaan sa kanya sa hinaharap. Subalit nang lumabas siya mula sa Yungib (HIRA) ng may bagong mensahe, siya ay ganap na nagpanibagong bihis. Mangyayari nga kaya sa gayong tao na may kaangkinang katangian tulad sa itaas ang di kaginsa-ginsa ay naging ‘impostor’ at nagpamarali na siya ay Propeta ng Allah at nag-aanyaya sa lahat ng pagkapoot ng kanyang pamayanan? Maaaring maitanong sa anong kadahilanan na siya’y nagdurusa sa lahat ng gayong pagpapakasakit? Ang kanyang pamayanan ay nag-alok na tanggapin siya bilang kanilang Hari at ialay na lahat sa kanya ang mga yaman sa lupa sa kanyang paanan, itigil lamang niya ang pangangaral ng kanyang relihiyon. Subalit pinili niya na tanggihan ang lahat ng nakatutuksong alok at mag-isa siyang nagpatuloy sa pangangaral ng kanyang relihiyon sa harap ng lahat ng uri ng mga pag-aglahi at kalahatang paninikis, gayun din naman ang pananalakay sa kanya ng kanyang pamayanan. Hindi ba na ang tanging pag-aalay sa Allah at ang kanyang matibay na layunin na maiparating ang mensahe ng Allah at ang kanyang matiim na pananalig na di magtatagal ang Islam ang tanging mamamayaning daan para sa lahat ng sangkatauhan, na nakatindig siya na tila isang bundok sa harap ng lahat ng mga pagsalangsang at pagsasangkutan na mailigpit siya? Bukod pa rito, kung ang kanyang pagdatal ay upang gumawa at makatunggali ang mga Kristiyano at ang mga Hudyo, bakit niya iniutos na manalig kay Hesukristo at Moises at sa ibang mga Propeta ng Allah (sumakanila nawa ang kapayapaan), na isa sa pinakapunong pangangailangan ng pananampalataya na kung wala nito, ang sino man ay di maaaring maging Muslim?
Hindi ba na di mapapasubaliang katibayan ng kanyang pagka-Propeta na sa kabila ng kanyang pagiging isang mangmang, nakapamuhay siya ng normal at matahimik sa loob ng apatnapung taon; nang magpasimula siyang mangaral ng kanyang mensahe, ang lahat ng Arabia ay napatindig ng may pangangamba at panggigilalas at napamangha sa kanyang kagila-gilalas na pananalumpati at pananalita. Tunay ngang walang makakapantay na ang lahat ng mga pulutong ng mga manunulang Arabe, mangangaral at mananalumpati na may mataas na katangian ay nangabigong lahat na maipakita ang maihahalintulad sa kanya. Bukod pa sa lahat ng mga ito, paano siya maaaring makapagsaysay ng lahat ng mga katotohanan na may pang-agham na kalikasan na napapalaman sa Qur’an na walang sinumang tao ang maaaring makagawa sa panahong yaon.
At ang panghuli ngunit hindi kapos, bakit siya namuhay ng may pagpapakasakit kahit na pagkaraang makapagtamo siya ng kapangyarihan at kapamahalaan? Magnilay-nilay na lamang sa mga salitang kanyang binitawan habang siya’y nasa bingit ng kamatayan: “Kami na pamayanan ng mga Propeta ay di namamana. Kung anuman ang aming iwanan ay para sa kawanggawa.”
Bilang isang bagay ng katotohanan, si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang panghuli sa sagka sa kawil ng mga Propeta na isinugo sa iba’t-ibang mga lupain at mga panahon sapul pa sa pinakasimula ng buhay ng tao sa daigdig na ito.
Kung kadakilaan ng layunin, kakaramputan ng panustos at katanyagan ng kinalabasan ang siyang tatlong pamantayan ng katalinuhan ng tao, sino kaya ang makapangangahas na maghalintulad ng sino mang dakilang tao kay Muhammad sa makabagong kasaysayan? Ang pinakatanyag na mga lalaki ay nakalikha ng mga sandata, mga batas at mga kaharian lamang. Sila’y nakapagtatag, kung mayroon mang ganap ng hindi hihigit pa sa mga materyal na kapangyarihan na malimit na gumuguho sa harap ng kanilang paningin. Ang taong ito’y hindi lamang nakapagpagalaw ng mga sundalong sandatahan, nakapagsagawa ng mga batas, mga kaharian, pamayanan at pampamilyang may kapamahalaan bagkus ay laksang tao sa ikatlong bahagi nang noon ay napapamuhayang mundo; at tangi pa roon, ginalaw niya ang mga dalanginan, ang mga diyos, ang mga relihiyon, ang mga pananampalataya at mga kaluluwa… Ang kanyang katiyagaan sa pagwawagi, sa kanyang ambisyon, na ganap na nalalaan sa isang layunin at hindi sa anupaman ay naghahangad ng isang kaharian; ang kanyang walang humpay na pananalangin, ang kanyang mahimalang pakikipag-ugnay sa Diyos, ang kanyang kamatayan at ang kanyang pananagumpay sa kabila ng kanyang kamatayan; ang lahat ng ito ay nagpapatunay hindi ng pagbabalatkayo kundi ng matatag na pagsalungat na nagbigay sa kanya ng lakas upang maibalik muli ang wastong pananampalataya. Ang wastong pananampalatayang ito ay nahahati sa dalawa, ang Kaisahan ng Diyos at imateryalidad ng Diyos; ang una ay nagsasaysay kung ano ang hindi Diyos; ang isa ay nagtatakwil sa mga huwad na diyos sa pamamagitan ng espada, ang isa pa ay nagpapasimula ng kaisipan sa pamamagitan ng mga salita.
Siya ay pilosopo, mananalumpati, apostol, tagapagsagawa ng batas, mandirigma, manlulupig ng mga kaisipan, tagapagpanibagong bihis ng katotohanang pananampalataya, ng isang paraan ng pananampalatayang walang mga larawan; ang nagtatag ng dalawang pangmundong kaharian at ng isang pang-ispiritwal na kaharian, ito ay si Muhammad. Kung isasaalang-alang ang lahat ng pamantayan upang ang kadakilaan ng tao ay ating masukat, maitatanong nga natin, mayroon pa ba kayang tao ang hihigit pa kaysa kanya?
- Lamartine, Histoire de la Turquie, Paris 1854, Vol. 11, pp. 276-277.
Hindi ang pagpapalaganap kundi ang kapanatilian ng kanyang relihiyon ang pinag-uukulan ng aming pagkamangha; ang dati ring dalisay at lantay na impresyon na iniukit niya sa Makkah at Madina ay nananatili, pagkaraan ng mga rebolusyon ng ikalabindalawang dantaon ng mga Indian, ng Aprikano at Turkong nagsiyakap sa Qur’an… Ang mga Muhammedan ay pantay-pantay na nakapagwagi sa tukso na mapanghina ang layon ng kanilang pananampalataya at debosyon sa antas ng mga pandama at imahinasyon ng tao. “Ako ay nananampalataya sa Nag-iisang Diyos at si Muhammad ang Sugo ng Diyos.” ay ang payak at di nababahirang pagsasaysay ng Islam. Ang katalinuhang larawan ng Diyos ay hindi kailanman ibinaba ng anumang hayag na idolo; ang karangalan ng mga propeta ay hindi kailanman lumabag sa sukatan ng makatao; at ang kanyang buhay na mabuting pag-uugali ay nakapigil sa may pasasalamat na pagpapahalaga ng kanyang mga tagasunod ng ayon sa nasasakop ng pang-unawa at relihiyon.
- Edward Gibbon and Simon Ocklay, History of the Saracen Empire, London 1870, p. 54.
Siya ay naging Cesar at Papa na magkasama; subali't siya ay naging Papa ng walang pagpapakita o pag-aangkin bilang papa (sa Roma), bilang Cesar na walang mga pulutong ni Cesar, na walang nakahimpil na sandatahan, na walang tagapananggalang, na walang palasyo, na walang takdang pinagkakakitaan; kung mayroon man ang kahit sino mang tao na magkaroon ng karapatang magpahayag na siya ay pinatnubayan ng maka-Diyos na katumpakan, siya ay si Muhammad, sapagkat siya ay nanangan ng lahat ng kapangyarihan na wala ang mga instrumento nito gayundin ang pang-aalay nito.
- Bosworth Smith, Mohammad & Mohammadanism, London 1874, p. 92.
Magiging kataka-taka sa sinuman na nag-aral ng buhay at pag-uugali ng dakilang Propeta ng Diyos, na nakababatid kung papaano siya nagturo at namuhay, ang makadama nga ng anupamang bagay maliban sa mataas na paggalang sa ganitong makapangyarihang Propeta, ang isa sa pinakadakilang sugo ng Kataas-taasan. At kahit na sa anumang ilagay ko sa inyo ay makapagsasabi ako ng maraming bagay na maaaring pangkaraniwan na lamang sa marami, gayunpaman, ako na rin sa aking sarili ang nakadarama, kailanman at aking babasahin iyong muli, isang bagong daan ng paghanga, isang bagong kaisipan ng mataas na paggalang sa ganoong makapangyarihang guro ng Arabia.
- Annie Besant, The Life and Teachings of Muhammad, Madras 1932, p. 4.
Ang kanyang kahandaan na mapailalim sa mga pag-uusig dahilan sa kanyang mga pananampalataya, ang mataas na moral na pag-uugali ng mga tao na nananalig sa kanya at tumatanaw sa kanya bilang isang pinuno, at ang kadakilaan ng kanyang mga naisagawa - ang lahat ng ito ay nagbibigay paliwanag sa kanyang pundamental na integridad. Ang mag-akala na si Muhammad ay isang nagpapanggap ay lalong nagbibigay lamang ng mga suliranin kaysa ang makahanap ng kalutasan doon. Higit pa sa roon, walang sino mang larawan ng kasaysayan na tulad ni Muhammad ang may pinakamatipid na pagpapahalagang iginawad ng Kanluran.
W. Montgomery, Mohammad at Mecca, Oxford, 1953, p. 52.
Si Muhammad, ang pinagkaloobang tao na nagtatag ng Islam ay ipinanganak noong taong 570 A.D. mula sa isang pamayanang Arabe na sumasamba sa mga idolo at diyus-diyosan. Siya’y lagi nang may natatanging malasakit sa mga mahihirap at nangangailangan, sa mga balo at sa mga ulila, sa mga alipin at mga naaapi. Sa gulang na dalawampu, siya ay isa nang matagumpay na mangangalakal, at di nagtagal ay naging tagapamahala siya ng mga biyahero ng kamelyo na pag-aari ng isang mayamang balo. Nang siya’y sumapit na sa gulang na dalawampu’t lima, ang kanyang pinaglilingkuran na nakamamalas sa kanyang katapatan at kabaitan ay nag-alok sa kanya na sila’y magsama. Bagama’t ang babae ay matanda sa kanya ng labinglimang taon ay pinakasalan niya at habang ang kanyang asawa ay nabubuhay siya ay namalaging isang butihing asawa.
Tulad din ng lahat ng mga dakilang propeta na nanga-una sa kanya, si Muhammad ay nakikibaka sa kanyang pagiging kimi, dahilan na rin sa kanyang kabatiran ng kanyang kakapusan, upang makapaglingkod bilang tagapagpalaganap ng mga salita ng Diyos. Subali't ang anghel ay nag-utos sa kanya ng “Basahin”. Kagaya na nga ng aming nalalaman, si Muhammad ay di nakakabasa at nakakasulat, subali't siya’y nagpasimulang magpahayag ng mga pinatnubayang Salita na di maglalaon ay siyang magbibigay himagsikan sa malaking bahagi ng daigdig: “Iisa lamang ang Diyos.” Sa lahat ng bagay, si Muhammad ay ganap na praktikal. Nang mamatay ang kanyang pinakamamahal na anak na si Abraham, ay nagkaroon ng eklipse, at kumalat ang bali-balitang ang Diyos ay nagpaparating sa kanya ng Kanyang pakikiramay. Kagyat nga, si Muhammad ay nagbadya: “Ang eklipse ay isang pangyayari na gawa ng kalikasan. Isang kabaliwan na isangkot ang ganitong bagay sa kamatayan o pagsilang ng isang tao.”
Sa kamatayan ni Muhammad, isang pagtatangka ang ninais upang i-angat siya sa pagkadiyos, subalit ang tao na siyang magiging kanang kapalit na tagapamahala ay pumutol sa mga pagkakamayaw nila sa pamamagitan ng isa sa mga pinakadakilang pangungusap ng kasaysayan: “Kung sino man sa inyo ang sumasamba kay Muhammad, siya ay patay. Ngunit kung si Allah ang inyong sinasamba, Siya ay magpasawalang hanggang nabubuhay.”
- James A. Michener, “Islam: The Misunderstood Religion, in the Reader’s Digest (American Edition) for May, 1995, pp. 68-70.
Ang aking pagkapili kay Muhammad bilang pangunahin sa hanay ng mga pinakamakapangyarihang tao sa mundo ay maaaring makagitla sa maraming mambabasa at maaaring mausisa ng iba, subali't siya lamang ang tanging tao sa kasaysayan na may pinakamatayog na tagumpay sa parehong pangrelihiyon at di pangrelihiyong kaantasan.
Michael H. Hart, The 100: A Ranking of the Most Influential Persons in History, New York:
Hart Publishing Company, Inc., 1978, p. 33.