Naiulat na si Al-Bara bin Azib ay nagsabi: Kami ay umalis kasama ang Propeta(saws) upang dumalo sa libing ng isang yumao mula sa Ansar. Kami ay dumating sa libingan subali’t ang hukay ay hindi pa lubos na naihahanda. Kaya si Propeta Muhammad(saws) ay umupong nakaharap sa Quibla at kami ay umupong paikot sa kanya, nagmamatyag at nakikinig na para bang may mga ibong nakadapo sa aming mga ulo. Siya ay may hawak na patpat na kanyang iginuguhit sa lupa. Pagkatapos nito’y nagsimula siyang tumingin sa langit at kapagdaka’y sa lupa nang ilang ulit. Sa huling pagtaas ang kanyang paningin at pagbaba nito, sa wakas siya’y nagsabi: “Magpakupkop sa Allah(1) laban sa parusa sa libingan.”
.
Pagkatapos siya ay nagsabi; “O Allah, katiyakang ako ay nagpapakupkop sa Iyo laban sa parusa sa libingan.” Inulit niya ito ng tatlong beses at kanyang ipinaliwanag ito: Katotohanan, kapag ang mananampalatayang alipin ay lilisan sa mundong ito at papasok sa kabila, ang mga anghel sa langit ay bababa at tutungo sa kanya. Ang kanilang mga mukha ay nagliliwanag katulad ng liwanag ng araw at sila ay may mga dalang telang panlibing at pabango mula sa Paraiso. Mauupo sila sa kanyang harapan sa layo na abot ng kanyang paningin. Pagkatapos, ang Anghel ng Kamatayan ay darating sa yumao, uupo sa kanyang ulunan at magsasabi; “Oh mabuting kaluluwa, lumabas ka sa kapatawaran at kasiyahan ng iyong Panginoon”, kapagdaka'y lalabas ang kaluluwa sa katawan na parang tubig na marahang dumadaloy sa labi ng lalagyang tubig at ang lahat ng mga anghel sa pagitan ng langit at lupa ay mananalangin na nawa’y ipagkaloob ng Allah(swt) ang Kanyang biyaya sa kanya. Ang mga pinto ng kalangitan ay bukas para sa kanya at ang lahat ng tagapagbantay ng mga pintuang ito ay nagsusumamo sa Allah(swt) na nawa'y idaan sa harapan nila ang kaluluwang ito habang itinataas sa langit. Ang Anghel ng Kamatayan ay kukunin ang kaluluwa at pagkatapos niyon ay kukunin ito ng ibang anghel at babalutin ng telang may pabango. Ito ang ibig sabihin ng salita ng Allah(swt):
Ang Aming mga sugo (mga anghel) ay huhugutin ang kanyang kaluluwa at sila'y hindi magpapabaya sa kanilang mga tungkulin. (Qur'an 6 :61)
Pagkatapos ang Propeta(saws) ay nagsabi; “Sisingaw mula sa kaluluwa ang pinakamabangong amoy ng isang musko na matatagpuan sa mundong ito.” Ang mga anghel ay aakyat kasama ng kaluluwa, wala ni isang grupo ng mga anghel ang hindi maririnig na magsasabi; “Sino itong kahanga-hangang kaluluwa?” Sila ay sasagot; “Si ganito, si ganito, anak ni ganito at ganito,” tinatawag siya sa pinakamagandang pangalan na napag-alaman sa kanya noong siya ay nabubuhay pa sa lupa. Sa kanilang pagdating sa unang kalangitan, ang mga anghel ay hihiling na buksan ang pinto para sa kaluluwa at ito'y pahihintulutan. Ang kaluluwa ay sasamahan ng mga anghel sa bawa't pintuan hanggang sa maabot nila ang pinakataas nito, ang pinakahuli, ang ikapitong kalangitan. Pagkatapos, ang Allah(swt), ang Makapangyarihan at Dakila ay magsasabi sa mga anghel “Ilagay ang talaan ng Aking alipin sa Illiyun (Talaan)”, magkagayon ang talaan ng mga gawa ng taong iyon ay ilalagay sa Illiyun, pagkatapos nito’y isang utos ang maririnig: “Ibalik siya sa lupa, sapagka't katotohanang Aking ipinangako sa sangkatauhan na matapos Ko silang likhain sa pamamagitan ng lupa, Aking ibabalik sila rito. At pangyayarihin Kong ilabas silang muli mula rito sa ibang panahon.”
Pagkatapos ang kaluluwa ay ibababa sa lupa, pabalik sa kanyang katawang lupa. Katiyakan, maririnig ng yumao ang mga yabag ng mga taong nakipaglibing sa kanya sa kanilang paglisan at paglayo sa kanyang libingan. Kapagdaka’y dalawang anghel, mahigpit at mabalasik sa pagtatanong ang lalapit sa kanya, iuupo siya at sila'y magsisimulang magtanong sa kanya. Sila’y magsasabi; “Sino ang iyong Panginoon?” Siya ay sasagot; “Ang Panginoon ko ay ang Allah(swt),” Sila’y magpapatuloy; “Ano ang iyong panuntunan ng buhay?” Siya ay sasagot; “Islam ang aking panuntunan ng buhay.” Sila’y patuloy na magtatanong, “Sino ang taong isinugo sa iyo?” Siya ay sasagot; “Siya ang Sugo(saws) ng Allah(swt),” Pangwakas ay tatanungin siya tungkol sa kanyang mga gawain na kung saan siya ay sasagot; “Ako ay nagbabasa ng Aklat ng Allah(swt) at ako ay naniniwala rito.”
Sa isang ulat at salaysay, si Propeta Muhammad(saws) ay nagpahiwatig na ang mga anghel na ito ay magtatanong; “Sino ang iyong Panginoon? Ano ang iyong panuntunan ng buhay? At sino ang iyong Propeta?” (Ipinaliwanag ng Sugo(saws) ng Allah(swt)) na ito ang magiging huling pagsusulit ng isang mananampalataya sa libingan, at ito ang ibig sabihin ng sinabi ng Allah(swt); “Pinatitibay ng Allah(swt) ang mga mananampalataya ng matatag na patotoo sa mundong ito at sa kabilang buhay.” Ang yumao ay sasagot (sa libingan), “Ang Panginoon ko ay ang Allah(swt), Islam ang aking panuntunan ng buhay, at ang Propeta ko ay si Muhammad.” Sa pagsagot ng mananampalataya sa mga tanong na ito, isang tinig muli sa mga kalangitan ang maririnig, “Ang Aking alipin ay nagsasabi ng totoo, kaya damitan siya ng damit mula sa Paraiso, ihanda para sa kanya ang mga sangkap ng Paraiso, at buksan para sa kanya ang isang bintana na may tanawin sa Paraiso.” Kapagdaka’y masasamyo niya ang sariwa at mabangong hangin samantalang ang kanyang libingan ay palalawakin na ang layo ay abot-tanaw. Mula roon ay lilitaw sa kanyang harapan ang isang lalaki na may maamong mukha at may magarang kasuotan, nagdudulot ng napakainam na bango. Siya ay magsasabi sa kaluluwa, “Magdiwang sa balitang magpapaligaya sa iyo. Magdiwang sa kasiyahan ng Allah(swt) at sa Kanyang Paraiso, na ang kasiyahan at galak ay hindi magmamaliw. Ito ang araw na ipinangako sa iyo.” Ang yumao ay magsasabi sa kanya, “At sino ka na ang iyong mukha ay nagbibigay ng mabuting balita?" Ang tao’y magsasabi; “Ako ay kumakatawan sa iyong mabubuting gawa; isinusumpa ko sa Allah(swt), lagi kitang napag-aalaman na napakabilis sa pagsunod sa Allah(swt) at napakabagal sa pagsuway sa Kanya. Kaya gantimpalaan ka nawa ng Allah(swt) ng kabutihan”. Magkagayon isang pinto ng Paraiso at Impiyerno ang bubuksan sa kanyang harapan, sa gayong kalagayan sasabihin sa kanya tungkol sa Impiyerno, “Ito sana ang iyong magiging tirahan kung sinuway mo ang Allah(swt), nguni’t ito'y pinalitan nito (Paraiso).” Kapag nakita ng kaluluwa kung ano ang nasa loob ng Paraiso, siya ay mapapanalangin, “O Aking Panginoon, pangyarihin Mong dumating na ang Araw ng Paghuhukom upang makapiling ko na ang aking mga mahal sa buhay at makamtan ko na ang aking yaman,” Kapagdaka’y sasabihin sa kanya, “Mamahinga ka nang may kapayapaan.”
Ang Sugo(saws) ng Allah(swt) ay nagpatuloy; Kapag ang di-mananampalataya ay lilisan sa mundong ito at papasok sa kabila; mga mababagsik na anghel sa langit ay bababa patungo sa kanya. Ang kanilang mga mukha ay maiitim at may mga dala silang magaspang na telang galing sa Impiyerno. Mauupo sila sa kanyang harapan sa layo na abot ng kanyang paningin. Pagkatapos, ang Anghel ng Kamatayan ay darating sa taong iyon, uupo sa kanyang ulunan at magsasabi, “O masamang kaluluwa lumabas ka sa galit at sumpa ng iyong Panginoon”. Kapagdaka, ang kaluluwa sa loob ng katawan ay mababalutan ng matinding pagkatakot at hindi lalabas sa katawan. Sa ganoong kalagayan ay marahas na huhugutin ng Anghel ng Kamatayan ang kanyang kaluluwa palabas katulad ng paghugot ng kalaykay na bakal sa basang lana, pinupunit nito bawa't hibla at himaymay (sa kanyang katawan). Sa ganitong kalagayan, ang kaluluwa ay isinusumpa ng bawa't anghel sa pagitan ng langit at lupa at ng lahat ng mga nasa mga kalangitan. Ang mga pinto ng mga kalangitan ay sarado para sa kanya at bawa't bantay sa mga pintuan nito ay nagsusumamo sa Allah(swt) na nawa'y huwag idaan sa kanilang harapan ang kaluluwang ito habang itinataas. Ang Propeta(saws) ay nagpatuloy, ang Anghel ng Kamatayan ay kukunin ang kaluluwa at pagkatapos niyon ay kukunin ng ibang anghel at babalutin siya ng telang magaspang (na mula sa Impiyerno). Doon ay sisingaw ang napakamabahong amoy na matatagpuan sa ibabaw ng lupa. Sila (ang mga anghel) ay aakyat kasama nito, wala ni isang grupo ng mga anghel ang hindi maririnig na nagsasabi, “Sino itong napakapangit na kaluluwa?" sila ay sasagot; “Si ganito, si ganito, anak ni ganito, at ni ganito.” tinatawag siya sa pinakamasamang pangalan na siya ay napag-alaman at nakilala sa mundong ito.
Sa kanilang pagdating sa unang kalangitan, ang mga anghel ay hihiling na buksan ang pinto para sa kaluluwa nguni’t ito ay tatanggihan. Sa ganitong pagkakataon, binasa ng Sugo(saws)ng Allah(swt) ang sumusunod na talata:
...ang mga tarangkahan ng kalangitan ay hindi bubuksan para sa kanya, o sila'y hindi makapapasok sa Paraiso hanggang sa ang isang kamelyo ay makapasok sa butas ng karayom. (Qur'an 7:40).
At muling nagpatuloy sa kanyang pagsasalaysay. Pagkatapos nito, ang Allah(swt) – ang Makapangyarihan at Dakila ay magsasabi sa mga Anghel; “Ilagay ang talaan ng Aking alipin sa Sijjen” (talaan ng masasamang gawa) sa pinakamababang kalangitan). Magkagayon, ang talaan ng mga gawa ng taong iyon ay ilalagay sa Sijjen, pagkaraa’y isang utos ang maririnig. “Ibalik siya sa lupa, sapagka't katiyakan, Aking ipinangako sa sangkatauhan na matapos Ko silang likhain sa lupa Aking ibabalik sila rito. At pangyayarihin Kong ilabas muli sila mula rito sa ibang panahon.” Pagkatapos ng utos na ito ang kaluluwa ay itatapon pababa, mula sa langit hanggang sa bumagsak ito pabalik sa kanyang katawang lupa. Sa ganitong pagkakataon, binasa ng Sugo(saws) ng Allah(swt) ang sumusunod na talata:
At sinumang nagtambal sa Allah, siya ay para bang nahulog sa langit, at dinagit siya ng mga ibon, o itinapon ng hangin sa isang malayong pook.(Qur’an-22:31)
Pagkatapos siya ay nagbigay puna; Katiyakan maririnig ng yumao ang mga yabag ng mga taong nakipaglibing sa kanya sa kanilang paglisan at paglayo sa kanyang libingan. Kapagdaka’y dalawang anghel, mahigpit at mabalasik sa pagtatanong, ang lalapit sa kanya at iuupo siya at sila'y magsisimulang magtanong sa kanya. Sila'y magsasabi, “Sino ang iyong panginoon?” Siya ay sasagot; “Huh! Huh! Hindi ko alam!” Sila’y magpapatuloy sa pagtatanong; “Ano ang iyong panuntunan ng buhay?” Siya ay sasagot: “Huh! Huh! Hindi ko alam!” Sila'y magpapatuloy sa pagtatanong at magsasabi: "Ano ang masasabi mo sa taong ito na isinugo sa iyo?” (Ang di mananampalataya ay makikitang di nauunawaan ang tinatanong ng mga anghel tungkol sa Huling Sugo(saws) ng Allah(swt) at muli siyang sasagot; “Huh! Huh! Hindi ko alam. Narinig ko lamang ang mga tao na nag-uusap tungkol sa kanya” Tapos ay sasabihin sa kanya; “Hindi mo alam at hindi ka nagbasa!” Kapagdaka'y isang tinig muli sa mga kalangitan ang maririnig, “Siya ay nagsisinungaling kaya ihanda ang kanyang lugar sa Impiyerno at buksan para sa kanya ang bintana ng Impiyerno.” Kapagdaka, ang init ng apoy sa Impiyerno ang babalot sa kanya habang ang kanyang libingan ay magsisikip papunta sa kanya, dinudurog siya hanggang ang kanyang mga tadyang ay magkabali-bali at magkasalu-salubong. Mula roon ay lilitaw sa kanyang harapan ang isang lalaki na may napakapangit na mukha at kasuotan, nagdudulot ng napakabahong amoy at magsasabi sa kanya; "Sumaiyo nawa ang masamang balita. Ito ang araw na ipinangako sa iyo.” Ang yumao ay magsasabi sa kanya; “At sumaiyo rin, nawa'y pagkalooban ka ng Allah(swt) ng masamang balita! Sino ka na ang iyong mukha ay may bahid kasamaan?” Ang tao ay magsasabi; “Ako ang kumakatawan sa iyong masasamang gawa. Isinusumpa ko sa Allah(swt), lagi kitang napapag-aalaman na napakabilis sa pagsuway sa Allah(swt) at napakabagal sa pagsunod sa Kanya, kaya nawa'y gantimpalaan ka ng Allah(swt) ng kasamaan”. Pagkatapos isang bulag, pipi at bingi na may dalang pamalong bakal ang ipadadala sa yumao, kapag kanyang papaluin ang isang bundok, ito ay guguho. Kanyang papaluin ang yumao at siya’y magiging alabok. Kapadaka'y ibabalik muli siya ng Allah(swt) sa orihinal niyang anyo, sa ganitong kalagayan ay muli siyang pupukpukin. Siya’y mapapasigaw nang napakalakas na kung saan maririnig ng lahat ng nilikha maliban sa mga tao at Jinn. Magkagayon ang pinto ng Impiyerno ay bubuksan at ang higaan na apoy ay itatambad sa kanya. Dahil dito siya ay mananawagan; “Panginoon, huwag Mong pangyarihing dumating ang Araw ng Paghuhukom!”
Talababa
(1) Ang Allah ay Siyang Tanging Nag-iisang tunay na Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng tapat at wagas na pagsamba, pagmamahal at pagsunod. Ikalawa, Siya ang Tanging Tagapaglikha na inaasahan ng lahat ng nilikha bilang Tanging pinagkukuhanan ng kabuhayan. Ikatlo, ang mga Banal na Katangian at Magagandang Pangalan ng Allah ay hindi maaaring iakibat o iugnay sa kaninumang mga nilikha. Ang pagpapatupad ay nangangahulugan din na ang Allah, Luwalhati sa Kanya, ang Kataas-taasan, ay ganap na malayo sa anupamang kakulangan o kagahulan, at walang anumang bagay ang maihahalintulad sa Kanya
(swt) – Subhanahu wa Taala (Ang Papuri ay sa Allâh lamang – ang Kataas-taasan)
(saws) - Salla Allahu Alaihi wa Sallaam (Isang pangungusap sa wikang Arabik na ang kahulugan ay: ‘Nawa'y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at iligtas siya sa anumang paninira at kasamaan.’ Lagi itong binibigkas ng mga Muslim sa tuwing binabanggit o nadirinig ang pangalan ng Propeta)
No comments:
Post a Comment