ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Friday, December 2, 2011

HESUS anak ni MARIA ( Propeta hindi Diyos)





PANINIMULA


ANG MAIKLING PAGLALAHAD NA ITO AY TINANGKA UPANG BIGYAN-DAAN ANG MAGANDANG UGNAYAN NG MUSLIM AT KRISTIYANO SA LARANGAN NG RELIHIYON. ANG ISLAM AT KRISTIYANISMO AY KAPWA NANINIWALA SA DIYOS AT SA MGA PROPETA NG DIYOS.ANG ISLAM AT KRISTIYANISMO AY MAY PAGKAKA ALINTULAD SA MARAMING ASPETO. ANG TANGING KAIBAHAN AY NAKASALIG SA KATAUHAN NI HESUS.ANG KRISTIYANISMO AY NANINIWALA NA SI JESUS AY diyos-na-nagkatawang-tao AT SIYA AY ANAK NG DIYOS. NGUNIT ANG ISLAM AY NANINIWALA KAY HESUS HINDI BILANG DIYOS KUNDI BILANG ISANG DAKILANG PROPETA NG DIYOS.WALANG MUSLIM ANG MAAARING MAGING GANAP NA MUSLIM SA TUNAY NA DIWA NG ISLAM KUNG TINATALIKDAN NIYA SI HESUS BILANG PROPETA AT SUGO NG DIYOS. NANINIWALA ANG MGA MUSLIM NA SI HESUS ANG SIYANG MESIYAS (MESSIAH). NANINIWALA ANG MGA MUSLIM NA SI HESUS AY IPINANGANAK NI BIRHEN MARIA NA WALANG KINASASANGKUTANG LALAKI SA KANYANG PAGLILIHI.


NANINIWALA ANG MGA MUSLIM NA SI HESUS AY NAKAPAG-PAGALING NG MGA BULAG, KETONGIN SA KAPAHINTULUTAN AT KAPANGYARIHAN NG DIYOS. KUNG ATIN LAMANG BIBIGYAN NG MASUSI AT MAKATOTOHANANG PANANALIKSIK AT MAKABULUHANG PAG-AARAL ANG TUNAY NA PANGYAYARING UMIKOT SA BUHAY AT KATAUHAN NI


PROPETA HESUS NA NAPAPALOOB SA BANAL NA QURAN AT BIBLIYA KAKAMBAL NG REALISTIKONG PANG-UUNAWA SA BUHAY NIYA, MAAARING ITO ANG DAAN UPANG MAPATID ANG MATAGAL NG DI PAGKAKAUNAWAAN NG MAGKABILANG PANIG.


BAGO PA MAN SUMIKAT MULI ANG LIWANAG NG ISLAM (ANG RELIHIYON NG PAGSUKO AT PAGSUNOD SA DIYOS) SA PAMAMAGITAN NI PROPETA MUHAMMAD (SUMAKANYA NAWA ANG KAPAYAPAAN), MARAMI NA ANG NANINIWALA AT TUMATANGGAP KAY HESUS HINDI BILANG DIYOS O ANAK NG DIYOS KUNDI BILANG DAKILANG SUGO AT PROPETA NG DIYOS.KATULAD NG PANANAW NG ISLAM KAY HESUS,SIYA AY MINAMAHAL, IGINAGALANG AT TINITINGALA BILANG DAKILANG SUGO NA NAGBIGAY ARAL TUNGKOL SA PAGSAMBA SA TANGING ISANG DIYOS NG SANLIBU-TAN.


ANG BANAL NA QURAN AT MAGING ANG BIBLIYA AY NAGTUTURO SA ATIN NA KAILANMAN SI HESUS AY HINDI NAGSABI NA SIYA AY DIYOS AT DAPAT SAMBAHIN BILANG DIYOS O ANAK NG DIYOS. ISANG BAGAY NA KATOTOHANAN, SI HESUS AY LAGI AT LAGI NG NANGANGARAL O NAGTUTURO SA LAHAT NG KANYANG KINASASAKUPAN NA SAMBAHIN, PURIHIN, AT DAKILAIN ANG KANYANG PANGINOON AP PANGINOON NG LAHAT.


SA GANITONG KAAYUSAN, MINABUTI NAMING ILAHAD AT IHAYAG ANG ILANG KATOTOHANANG NAPAPALOOB SA BIBLIYA AT BANAL NA QURAN,SI HESUS BILANG ANAK NI MARIA NA ITINALAGA NG PANGINOONG DIYOS BILANG KANYANG PROPETA, SUGO, AT LINGKOD.


NAWA'Y MAGBIGAY AT MAGDULOT ITO NG MALINAW NA PANANAW SA LAHAT NG TAONG NAGHAHANAP NG GANAP NA KATOTOHANAN AT LIWANAG SA GITNA NG GANAP NA KATOTOHANAN AT LIWANAG SA GITNA NG BUHOL-BUHOL AT MASALIMUOT NA PANINIWALA AT PALA-PALAGAY NA NAKAPALIGID SA PAGSILANG,AT LAYUNIN NG DAKILANG PROPETA NG DIYOS, SI HESUS ANG ANAK NI MARIA.


I.HESUS bilang PROPETA ng DIYOS


Maraming bersikulo sa Bibliya (Bagong Tipan) ang nagpapatotoo at nagpapatunay na si Hesus ay hindi humigit sa isang PROPETA lamang. Halimbawa:


JUAN 7:40 " ang ilan nga sa karamihan,nang marinig ang mga salitang ito,ay nangagsabi, tunay na ito ang PROPETA."


JUAN 4:44 " Sapagkat si Hesus din ang nagpapatotoo na ang isang PROPETA ay walang kapurihan sa kanyang lupain."

LUCAS 24:19 " ang mga bagay tungkol kay Hesus na Nasareno, na isang PROPETA makapangyarihan sa gawa at salita sa harap ng Diyos at ng buong bayan."

LUCAS 7:16 " lumitaw sa gitna natin ang isang Dakilang PROPETA at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan."

LUCAS 13: 33 "Ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa : sapagkat hindi mangyayari na ang isang PROPETA ay mamatay sa labas ng Jerusalem.

JUAN 6:14 " …totoong ito nga ang PROPETA na paparito sa sanlibutan."

HEBREO 3:1 "…inyong isipin ang Apostol (PROPETA) at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Hesus.

JUAN 9:17 "… muling sinabi nga nila sa bulag, Ano ang sabi mo tungkol sa kanya (Hesus),na siyang nagpadilat sa iyong mga mata? At sinabi niya, Siya ay isang PROPETA."


II.HESUS Bilang SUGO AT LINGKOD ng DIYOS


Sa iba't ibang panahon at lupain,ang Panginoong Diyos ay pumili ng mga banal na tao upang gawing tagapaghatid ng Batas at Kautusan para sundin ng tao. Sa kasaysayan, mayroong mga Sugo ng Diyos na nauna pa kay Propeta Hesus katulad halimbawa nina Noah,Abraham, David,Aaron,at Moises. Ito ay malinaw na matutunghayan sa Bibliya at maging sa Banal na Quran.Si Hesus ay itinuring na isa sa Dakilang Sugo at Lingkod (Alipin) ng Diyos.Sa Bibliya nakatala si Hesus bilang Sugo at Lingkod (Alipin) ng Diyos.Halimbawa:


MATEO 15:24 "… hindi ako ISINUGO kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel."

MGA GAWA 3:13 " Ang Diyos ni Abraham at ni Isaak at Jacob at ang Diyos ng ating mga magulang ay niluwalhati ang kanyang LINGKOD na si Hesus."

MGA GAWA 4:27 "sapagkat sa katotohanan sa bayan ito'ng laban sa inyong banal na LINGKOD na si Hesus."

MATEO 12 :18 "narito ang LINGKOD ko na Aking hinirang ."

JUAN 17:3 "at ito ang buhay na walang hanggan, na Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na Tunay na si Hesus bilang iyong SUGO."

JUAN 8:42 "sinabi sa kanila ni Hesus,Kung ang Diyos ang inyong Ama, ay inyong ibigin ako sapagkat ako'y nagmula at nanggaling sa Diyos, sapagkat hindi ako naparito sa aking sarili , kundi SINUGO niya Ako."


III.HESUS Hindi DIYOS na NAGKATAWANG-TAO


Sa iba't ibang relihiyon, ang pinakadiwa at kaisipan ng kani-kanilang tagasunod tungkol sa Diyos ay yaong na TAGAPAGLIKHA ay naging isang NILIKHA. At dahil nga sa paniniwalang ito,sila ay sumasamba sa inaakala nilang Diyos.

Halimbawa, sa relihiyong Buddhismo, pinaniniwalaan nila na si Buddha ay diyos na nagkatawang -tao.Sa Hinduismo, naniniwala din na ang Diyos ay sumanib o napapaloob sa katawan ng mga bagay na katulad halimbawa ng baka , elepante , halaman o mga bagay na inaakala nilang naroon ang Diyos. Sa Judaismo naman, bagamat sila ay naniniwala sa Isang Diyos na Tagapaglikha, sila ay nagbibigay ng mga katangiang angkop lamang sa tao kaya't mababasa natin sa Lumang Tipan na ang Diyos ay namamahinga sa ika-pitong araw o dili kaya ay nagsisisi.

Ang pamamahinga at pagsisisi ay gawaing angkop lamang sa tao na nilikha na may angking kahinaan.Ang lahat ng paniniwalang ito ay salungat at hindi umaayon sa tunay na utos ng Diyos . Ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao o naging isang nilikha ay ganap na salungat sa mga Aral ng mga Propeta. Ang pagsamba ng tao sa isang bagay na nilikha lamang maging ito ay kapwa tao,propeta, hayop o halamanan ay isang hayag na Idolotriya na sa kabuuan ay isang malaking kasalanan na walang kapatawaran . Ang Bibliya (Lumang Tipan) ay nagpatunay nito bilang babala sa tao:


EXODUS 20:3-4 "Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuhan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa itaas sa langit o ng nasa ibaba ng lupa,o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa ."


EXODUS 20:23 "Huwag kayong gagawa ng ibang mga diyos na inaagapay sa akin."


ISAIAS 44:9 "Silang nangagbigay anyo sa larawang inaanyuhan ay walang kabuluhan silang lahat at ang kanilang mga bagay na kinalulugdan ay hindi napapakinabangan."


Karamihan sa relihiyong Kristiyanismo,ganito rin ang naging paniniwala nila tungkol kay Propeta Hesus. Si Hesus na isang Propeta at Sugo ay ginawang diyos at sinamba bilang diyos. Kahit isang bersikulo sa Bibliya walang mababasa na si Hesus ay nagsabi na siya ay taong naging Diyos.Sa aklat ni Oseas, ang Diyos ay tuwirang sinabi Niya na:


OSEAS 11:9 "Sapagkat Ako ay Diyos,hindi tao."


Binigyang liwanag din ng isang bersikulo sa Bibliya na ang Diyos kailanman ay hindi magkakatawang tao at hindi siya maaaring maging anak ng tao.Ang Diyos ay nagwika:


MGA BILANG 23:19 " Ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling o ni anak ng tao na nagsisisi."


Kaya't sinomang tao ay hindi maaaring tawaging Diyos o anak ng Diyos. Si Hesus ay anak ng tao, katulad ng nakasaad sa ibang bersikulo ng Bibliya:

MATEO 16:27 "Sapagkat ang Anak ng tao (Hesus) ay paparitong nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama.

MATEO 16 28 " Hanggang sa kanilang nakita ang anak ng tao (Hesus) na pumarito sa kaniyang kaharian."

Katotohanan, maging ang mga disipulo ni Hesus o kahit pa si Birhen Maria ay hindi kailanman sumamba kay Hesus.May isang pagkakataon na si Hesus ay inaakit ni Satanas. Si Satanas ay nagsabi na sumamba lamang si Hesus kay Satanas, kanyang ibibigay ang lahat ng maibigan. Ngunit si Hesus ay nagbigay ng matibay na kasagutan. Siya (si Hesus) ay nagsabi:

LUCAS 4:8 "… nasusulat, sa Panginoong Diyos sasamba ka at Siya lamang ang iyong paglilingkuran."


ANG BINYAG ni HESUS


Ang pagbibinyag ay isang paglilinis ng kasalanan. Si Hesus ay bininyagan ni Juan Bautista na isang kinikilalang Propeta. Kung si Hesus ay Diyos,maaari bang binyagan ng isang tao lamang ang Diyos natin na Siyang Tagapaglikha ng buong sanlibutan? Makatuwiran bang binyagan ang Diyos na Lubos na Kabanalan at Kadakilaan? Hindi angkop sa Kabanalan at Kapangyarihan ng Diyos na iugnay Siya sa bagay na gawain lamang ng isang tao.


ANG PAGDARASAL ni HESUS


Ang pagdarasal ay isang uri ng pagsamba at tanda ng pananampalataya sa Diyos. Katulad ng gawa ng isang Muslim, mababasa natin sa Bibliya na si Hesus ay nagdarasal.

MATEO 26:39 "…at siya'y nagpatirapa at nanalangin."

Kung si Hesus ay Diyos na nagkatawang-tao, kanino siya nagdarasal? At dahil nga si Hesus ay nagsasagawa ng dasal,ito ay nangangahulugan na siya ay may kinikilalang Diyos na kanyang sinasamba .


ANG PAG-AAYUNO NI HESUS


Ang pag-aayuno ay isang banal na gawain na naglalarawan ng ganap na pagsamba at pagsunod sa Batas ng Diyos.Ang lahat ng Propeta ng Diyos nag-aayuno upang ilarawan sa tao kung paano maisakatuparan ang tunay na diwa ng pananampalataya at pagsamba.Kaya si Hesus ay makikita na nagsasagawa nito.

MATEO 4:2 "at ng siya'y nakapag-ayuno ng apat-napung araw at apat-napung gabi,siya ay nagutom."

Kung si Hesus ay Diyos hindi siya maaaring pumailalim sa batas ng Pag-aayuno.

ANG MGA KAPATID NI HESUS


MATEO 13:55 "Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? Hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? At Santiago (James) ,Jose (Joses) at Simon at Judas ang kanyang mga kapatid?

Kung si Hesus ay Diyos, maaari din ituring ang mga kapatid niya bilang mga Diyos sapagkat iisa ang kanilang lahi at dugo, (Dugong Diyos o Lahing Diyos) Astagfirullah!

At kung si Santiago, Jose, Simon at Judas ay kapatid ni Hesus sa Ina (Birhen Maria) ano ang tawag ng mga kapatid ni Hesus sa kanya. Kuya ko o Diyos ko? At si Birhen Maria paano niya tinatawag si Hesus? Anak Ko o Diyos Ko?

Kaya nga ba ang pagturing kay Hesus bilang Diyos ay hindi lamang paglapastangan sa Kabanalan at Kadakilaan ng Maykapal kundi ito ay isang insulto sa talino at karunungan ng tao.


ANG PANUNUKSO NG DIYABLO KAY HESUS


MATEO 4:11 "inihatid ng espiritu santo si Hesus sa ilang upang siya ay tuksuhin ng diyablo."

Paano naging Diyos si Hesus kung siya ay tinutukso ng Diyablo? Ang Diyablo ay isa lamang nilikha ng Diyos.Walang kapangyarihan ang maaaring makapaghamon sa Diyos sapagkat ang lahat ng kapangyarihang taglay ng isang nilikha ay nagmumula sa Diyos na Siyang may Hawak ng Ganap na Kapangyarihan.Katulad ng nakasulat sa Bibliya (Bagong Tipan) ang tunay na Diyos ay hindi natutukso.


SANTIAGO 1:13 "Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso at hindi rin naman siya nanunukso sa kaninoman.

ANG PAGPAKO KAY HESUS

MATEO 27:35 "…at nang siya ay kanila ng maipako sa krus."

Maaari bang ang TAGAPAGLIKHA ay ipako ng kanyang NILIKHA? Ang kapangyarihan ba ng inilikha ay maaaring mangibabaw kaysa kapangyarihan ng Tagapaglikha? Dito lamang sa pangyayaring ito makikita natin na kung ganap nating bigyang katuwiran at tamang kaisipan,magiging maliwanag sa atin na si Hesus ay hindi Diyos kundi taong may taglay na kahinaan at pangangailangan.Iba ang Tagapaglikha at iba rin naman ang nilikha.Ang Tagapaglikha ay mananatiling Tagapaglikha at ang nilikha ay mananatiling nilikha.

ANG PANAGHOY NI HESUS

MATEO 27:46 "At nang malapit na ang oras na ika-siyam ay sumigaw si Hesus ng malakas na tinig, na sinabi:ELI,ELI, lama sabachthani? Samakatuwid baga'y, DIYOS KO, DIYOS KO, bakit mo ako pinabayaan?

Bakit kailangang ituring ng ibang kristiyano si Hesus bilang diyos samantalang si Hesus ay tumatawag ng " DIYOS KO, DIYOS KO,? Ang malakas na sigaw ni Hesus ay isang patunay na siya ay may kinikilalang Diyos at hindi niya itinuturing ang kanyang sarili bilang diyos.


ANG PAGTUTULI KAY HESUS


LUCAS 2:21 "makaraan ang walong araw upang tuliin siya, tinawag siyang Hesus."

Ang pagtuli ay isang gawaing may layuning mapanatili ang kalinisan.Ito ay unang ginawa ni Propeta Abraham at ang panganay na anak na si Ismael bilang tanda ng ganap na pagsunod sa kasunduan sa Diyos.Ang gawang pagtuli ba ay maaaring iugnay sa Diyos na Ganap at Puno ng Kadakilaan? Astagfirullah!


ANG ARAW NG PAGHUHUKOM


MARCUS 13:32 "… sapagkat sa araw na yaon o oras na yaon kahit mga anghel sa langit kahit anak kundi ang Ama"

Si Hesus ay nagsabi na walang tao o anghel at maging ang kanyang sarili ang nakakaalam sa araw ng Paghuhukom.Paano naging Diyos si Hesus kung ang Araw ng Paghuhukom ay hindi niya batid?
Ang Tunay na Diyos ay nakababatid ng lahat ng bagay.Ang lahat ng galaw, pangyayari at kilos ay nasa kaalaman ng Makapangyarihang Diyos.


ANG KAMATAYAN NI HESUS (AYON SA BIBLIYA)


ROMA 5:6 "Sapagkat nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Kristo sa kapanahunan dahil sa mga masama."

Ayon sa Bibliya si Hesus ay namatay.Kung si Hesus ay Diyos at siya ay namatay sino ang nagpanatili sa mundo at ng lahat ng bagay na may buhay? Sino ang tagapangalaga ng lahat ng kabuhayan dito sa mundo kung patay ang Diyos?Ang kamatayan ay hindi maaaring taglayin ng Tunay na Diyos.Sa katunayan si San Pablo ay nagsabi na ang Tunay na Diyos ay:

I TIMOTEO 6:16 " Siya lamang ang walang kamatayan , na nananahanan sa liwanag na di malapitan, na di nakita ng sinomang tao."

Ang mga pangyayaring namuo sa buhay ni Hesus ay mga pangyayaring nagpapatunay na siya ay taong inilunsad ng Diyos bilang Kanyang PROPETA at SUGO. Ang mga mga gawaing pang-araw ni Hesus, ang kanyang damdamin,kilos at galaw ay likas na larawan ng isang nilikhang sumasamba at kumikilala sa Diyos.Ang kanyang pagsilang , paglaki at pangangaral ay mga banal na layunin na kanyang ginawa bilang pagtupad sa Kautusan ng Diyos.


ANG KAPANGYARIHAN NI HESUS


Ang kapangyarihan ni Hesus ay nagmula sa Diyos.Ang sinomang nilikha ay ganap na umaasa lamang sa Diyos kaya si Hesus ay kanyang sarili ay walang kapangyarihan.Lahat ng kanyang ginagawa ay hindi sa ganang kanya kundi sa pamamagitan ng Diyos na nagsugo sa kanya.

MGA GAWA 2:22 "… Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito, si Hesus, na taga Nazareth, lalaking pinatunayan ng Diyos sa mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo gaya rin ng nalalman ninyo.

JUAN 5:30 " hindi ako makagagawa ng anuman sa aking sarili."

LUCAS 11:20 "… sa pamamgitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalabas ako ng mga demonyo."

MATEO 12:28 "… sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalabas ako ng demonyo."

Maliwanag na kailanman ay hindi maaaring maging Diyos si Hesus sapagkat ang isang katangian ng isang Tunay na Diyos ay ang Kaganapan ng Kapangyarihan. Ngunit si Hesus ay umamin sa kanyang sarili na wala siyang magagawa.


ANG MGA BANAL NA SALITA NI HESUS


JUAN 14:6 "…ako ang daan at katotohanan."

Ang bersikulong ito ay hindi dapat ipakahulugan na si Hesus ay Diyos.Ang lahat ng Propeta sa kani-kanilang panahon ay itinuturing na Daan at Katotohanan sapagkat sila ang pinagkatiwalaan ng Diyos upang akayin ang lahat ng tao sa landas tungo sa kaligtasan. Ang mga Propeta ang siyang may hawak ng Katotohanan.Halimbawa, sa panahon ni Propeta Noah, sinoman ang hindi sumunod sa aral ni Noah ay nalunod. Sa panahon ni Moises , lahat ng taong nagtakwil sa mensahe ni Moses ay nalunod din.Ang Daan at Katotohanan ay taglay ng lahat ng Propeta

Kung ang Daan at Katotohanan ay para lamang kay Hesus, paano na lamang ang mga taong nauna sa panahon ni Hesus, sila ba ay walang kaligtasan? Ang Diyos ay Makatarungan at hindi Niya maaaring gawin ang isang bagay na hindi makatuwiran.

Ang kaligtasan ng lahat ng tao ay matatamo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga Propeta sapagkat ang pagsunod sa kanila ay pagsunod din sa Diyos.Magkakaroon lamang ng kahulugan ang pananampalataya ang isang tao kung sinusunod niya ang mga aral ng Propeta sapagkat sila ang tanging daan at katotohanan.


JUAN 10:30 "…ako at ang ama ay iisa."

Karamihan sa mga Kristiyano ang kanilang kaisipan sa bersikulong ito ay si Hesus at ang Diyos isa sa pagiging isang Diyos.Ngunit katulad ng ating paliwanag sa itaas,ang lahat ng gawa ni Hesus,ang kanyang pagsilang, pamumuhay, pangangaral,pagdarasal,pag-aayuno, pagtuli, panalangin,pagbinyag ay mga tanda ng isang taong may pananampalataya sa Diyos.

Ang pagiging isa ni Hesus at ng Diyos ay hindi sa pagiging Diyos kundi sa Layunin.Mula sa unang tao layunin na ng Diyos na ang Kanyang mga nilikha ay pag-isahin at akayin sa isang matuwid na landas.At upang magkaroon ng katuparan ang layuning ito, pumili siya ng mga Propeta upang makiisa sa Kanyang layunin na dalhin ang tao sa tamang patnubay.Kaya't ang layuning ito ng Diyos ay siya ring layunin ng lahat ng Propeta mula kay Adan,Noah,Abraham,Moises,Hesus at Muhammad (Sumakanila nawa angKapayapaan).


Samakatuwid, kapag ang isang tao ay nanampalataya at sumamba ayon sa aral ng mga Propeta, ang mga Propetang ito ay titiyakin na ang tao ay mananatili sa pananampalataya, ang Makapangyarihang Diyos ay magbibigay liwanag sa taong may pananampalataya upang ito ay manatili sa tamang landas ng buhay.Kaya't ito ang layunin ng Diyos at ng lahat ng Propeta at ng lahat ng yaong may tamang pananampalataya.


IV. HESUS HINDI BUGTONG NA ANAK NG DIYOS


Kadalasan ng naririnig sa mga Kristiyano na si Hesus ay tanging (bugtong) na anak ng Diyos.Ngunit ang Bibliya mismo ang nagpapatunay na sa metaporikal na kahulugan nito, ang "anak ng Diyos" ay hindi lamang naka-ugnay o nakatukoy kay Hesus, ang katotohanan, ang salitang "anak ng Diyos" ay ginamit din sa kaninomang taong may ganap na pananampalataya sa Diyos.Ang mga Propeta ay tinatawag din bilang "anak ng Diyos" sapagkat sila katulad ni Hesus, ay ganap na sumunod at sumasampalataya sa Diyos.Ayon sa Bibliya, ang Diyos ay maraming "anak"

EXODUS 4:22 "…Israel ay aking anak ,aking panganay."

JEREMIAS 31:9 "…Ako'ng pinakaama sa Israel,Ephraim ang aking panganay."

MGA AWIT 2:7 "…Ikaw ay aking anak (David), sa araw na ito ay ipinanganak kita."

I CRONICA 22:10 "…siya ay magiging aking anak (Solomon) at ako'y magiging kaniyang ama."

Ang titulo o katawagang "anak ng diyos" ay ginagamit sa wikang Hebrew na ang tunay na kahulugan ay yaong taong mabuti at ganap na sumasampalataya sa Diyos.Halimbawa,sa Bibliya mababasa na:

MATEO 5:44-45 "… ibigin ang iyong kaaway upang kayo ay maging anak ng inyong Amang nasa langit."

MATEO 5:9 "mapapalad ang mga mapagpayapa sapagkat sila ay tatawaging anak ng Diyos."

OSEAS 1:10 "…kayo ay mga anak ng Diyos na buhay."

Isang maliwanag na katotohanan mula sa mga bersikulo ng Bibliya na ang "anak ng Diyos" ay pagsasaad ng pagmamahal at pagsunod sa Diyos. Si Hesus ay walang alinlangang isa sa nagmamahal at sumusunos ng ganap sa Kalooban ng Diyos.


V HESUS BILANG PROPETA NG ISLAM NG KAHALINTULAD NI HESUS:


Una sa lahat ang mga Muslim ay nananatili sa paniniwala na ang pagsilang ni Hesus na walang ama ay kahalintulad ng pagkakalikha ng Diyos kay Adan, na walang ama at ina. Ang Banal na Quran ay nagpaliwanag:

QURAN 3:59 "Ipahayag: Ang kahalintulad ni Hesus sa paningin ng Diyos ay si Adan. Siya ay nilikha mula sa alabok.At saka nagwikang "Maging" at "nangyari nga."

Tuwirang tinatalikdan ng Islam ang ideya na si Hesus ay "anak ng Diyos." Kung pagsilang ni Hesus na walang ama ang siyang malaking dahilan upang siya ay tawaging "anak ng Diyos" higit na may karapatan si Adan na tawaging "anak ng Diyos" sapagkat siya isinilang na walang ama at ina. Sa katotohanan, ang Kapangyarihan ng Diyos ay hindi mapag-aalinlangan. Sa anumang pamamaraan, lumilikha ang Diyos ng anumang Kanyang naisin. Nilikha niya si Adan ng walang ama at ina. Si Eba ay nilikha mula sa tadyang ng lalaki at walang ina. Si Hesus ay nilikha na walang ama ngunit may ina.Ang karaniwang tao ay nilikha ng Diyos na may ama at ina. Kaya sa Walang Hanggang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos ng lahat ng bagay na kanyang itakda ay natutupad at nangyayari.Ang Diyos ay magsabi lamang ng : "Maging" at mangyayari nga. Ang pagkakalikha ng Diyos sa iba't ibang pamamaraan ay tanda lamang na Siya ay dapat pag-ukulan ng Pagsamba at Pagmamahal.


ANG PAGSILANG NI HESUS


Si Hesus ay Propeta ng Diyos na ipinadala para sa mga taga Israel upang mangaral sa

Tunay na diwa ng pagsamba.Siya ay binigyan ng magandang karangalan sa daigdig at sa

Kabilang buhay.Ang Banal na Quran ay nagpaliwanag na pinili si Maria higit sa lahat ng babae dito sa lupa.Ang Anghel Gabriel ay dumating sa kanya na may magandang balita na siya ay nakatakdang magsilang kay Hesus.Ang magandang salaysay na ito ay matatagpuan sa Banal na Quran:

QURAN 3:45-48 "Ipagbadya! Ang mga Anghel ay nagwika: Oh, Maria,Ang Diyos ay nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang Salita mula sa Kanya : ang kanyang pangalan ay Hesus, anak ni Maria, na may mataas na karangalan sa daigdig na ito sa kabilang buhay At siya ay ( nasa hanay) ng mga malalapit sa Diyos. Siya ay magsasalita sa tao mula sa kamusmusan at kagulangan.At siya ay nasa hanay ng mga matutuwid.

Siya (Maria) ay nagwika:

Oh aking Panginoon! Paano ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaki ang humawak sa akin? Siya ay nagwika:"Kahit na" Ang Diyos ay lumilikha ng anumang kanyang naisin.Kung Kanyang itakda ang isang balakin, Siya ay magsasabi (lamang) ng "Maging" at " mangyari nga"

"Si Hesus ay tuturuan ng Diyos ng Aklat at Karunungan.

Ang Batas at ang Ebanghelyo"

Si HESUS at ang kanyang INA


Tanging ang Banal na Quran ang siyang nagbibigay ng magandang kalagayan tungkol kay Hesus at Birhen Maria.Para sa mga Hudyo si Hesus ay tinaguriang Huwad na Propeta at si Birhen Maria bilang isang masamang babae.Sa paningin ng mga Hudyo,si Hesus at Maria ay kabilang sa mga may mababang uri ng pagkatao.Sa Kristiyanismo naman,itinuring si Hesus bilang anak ng Diyos at Diyos na nagkatawang tao.Si Birhen Maria bilang Ina ng Diyos.

Ngunit ang Islam ay siyang daan upang bigyang liwanag ang tunay na katayuan ni Hesus at ng kanyang Ina , hindi bilang mababang uri ng tao o mga diyos kundi mga mabubuting tao na nasa hanay ng mga matutuwid.Ang Banal na Quran ay nagpahayag:

QURAN 5:78 "…si Hesus, anak ni Maria ay hindi humigit sa isang Alagad (Propeta) lamang. Maraming Alagad (Propeta) ang dumating bago pa man siya.Ang kanyang ina ay isang babaing makatotohanan.

QURAN 3:42 "O, Maria! Ikaw ay pinili ng Diyos (Allah), at ginawang dalisay (at malinis), Ikaw ay piniling higit sa mga babae sa lahat ng bansa."


ANG HIMALA ni HESUS sa BANAL na QURAN


Ang salaysay ng Banal na Quran tungkol sa mga Himala ni Hesus ay akmang-akma sa kanyang kabanalan at karangalan.Taliwas sa Bibliya na ang isang himala niya ay ang paggawa ng nakalalasing na alak.

Sa Banal na Quran sanggol pa lamang si Hesus ay nagbigay na siya ng himala.May isang pagkakataon na ang tao ay nagtatanong kay Maria kung bakit nagawa niyang magkaanak na ang pag-aakala siya ay masamang babae.At upang patunayan ni Maria na siya ay malinis na babae, hindi siya nagpaliwanag para sa kanyang sarili kundi itinuro niya si Hesus na isang sanggol.Sa pamamagitan ng Himala si Hesus ay nagsalita.

QURAN 19:29-30 " At kanyang (Maria) itinuro ang sanggol.Sila (mga tao) ay nagwika: "Paano namin makakausap ang isang batang nasa duyan? Siya (Hesus) ay nagsabi:"Tunay na ako ay Lingkod ng Diyos:Ako ay binigyan ng kapahayagan at ginawa Niya akong PROPETA…"

Si Hesus ay nagpamalas din ng himala sa iba't ibang pagkakataon.Ang Banal na Quran ay nagsalaysay:

QURAN 3:49 "Ako ay naparito sa inyo na may dalang Palatandaan mula sa inyong Panginoon, na ako ay gagawa para sa inyo mula sa (dakot na) alabok katulad ng hugis ng ibon"

At hinipan ito at naging ibon "Sa Kapangyarihan ng Diyos aking pagagalingin ang ipinanganak na bulag at ketongin.At aking bubuhayin ang patay sa pamamagitan Kapangyarihan ng Diyos."


ANG LAYUNIN ni HESUS


Katulad ng nakasaad sa Bibliya, maging ang Banal na Quran ay nagbibigay liwanag tungkol sa layunin ni Hesus.Siya ay isinugo na may hangaring gisinging muli ang mga Taga Israel na sa panahong yaon ay nagkawatak-watak.Binigyang-diin niya ang pangunahing aral ng Diyos,ang Pagsamba at Pananampalataya sa Diyos.Ang Banal na Quran ay nagpahayag tungkol sa aral ni Hesus: Siya ay nagsabi:

QURAN 3:51 "Siya ang aking Diyos na inyong Panginoon kaya't Sambahin siya."

QURAN 5:75 "O, angkan ng Israel, Sambahin ang Diyos, na aking Panginoon at inyong Panginoon.Ang sinumang magtambal ng ibang diyos sa (Tunay) na Diyos (Allah) ay di paroroon sa Paraiso at ang Apoy ang kanyang tirahan.

Ang isa pang layunin ni Hesus ay upang bigyang-daan ang pagdating ni Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan).

Ang Banal na Quran ay nagsabi

QURAN 61:6 "O, angkan ng Israel, katotohanang ako ay Sugo ng Diyos sa inyo na nagpapatotoo sa Torah (ni Moises) na nauna sa akin at nagbibigay ng magandang balita na isang Sugo na susunod sa akin na ang pangalan ay tatawaging Ahmad (Ang Ipinagkakapuri)."


VII. HESUS, SAKSI sa ARAW ng PAGHUHUKOM


At dahil nga sa paniniwala at pagsamba kay Hesus bilang Diyos ng mga Kristiyano, sa Araw ng Paghuhukom si Hesus ay haharap sa Diyos (Allah).Si Hesus mismo ang magtutuwid sa maling paniniwalang ito.

Sa Araw ng Paghuhukom ang Panginong Diyos (Allah) ay magtatanong kay Hesus.

Siya ay magsasabi:

QURAN 5:119-120 " Ipahayag: Ang Diyos (Allah) ay nagwika: O, Hesus, anak ni Maria,Ikaw ba ay nagsabi sa tao:"Sambahin ako at ng aking Ina bilang mga Diyos na kahati ng Diyos? Si Hesus ay nagwika: Luwalhati sa Inyo! Hindi ko maaaring sabihin ang anumang bagay na yaon , ito ay Inyong Batid.Batid Ninyo ang aking kalooban gayong ang sa Inyo ay di ko batid.Wala akong sinabi maliban kung ano ang Inyong ipinag-uutos na sabihin:SAMBAHIN ANG DIYOS, ang AKING DIYOS at ako ay saksi habang ako ay kasama nila at ng ako ay pumaroon sa Inyo, Kayo ang Saksi at tanging nakakakita sa kanilang mga gawa."


VIII. Ang EBANGHELYO ni HESUS


Isa sa saligan ng Pananampalataya ng Islam ay ang Paniniwala sa mga Aklat ng Diyos.Kinikilala ng mga Muslim ang mga sumusunod na aklat bilang Patnubay para sa tao.Ito ay ang mga sumusunod:

Aklat ni Abraham na tinatawag na "Suhuf" (scroll of Abraham)

Psalmo ni David na tinatawag na "Zabur" (Psalms of David)

Aklat ni Moises na tinatawag na "Tawrat" (Torah of Moises)

Ebanghelyo ni Hesus tinatawag na "Injeel" (Gospel of Jesus)

Banal na Quran ni Muhammad "Al Quran" (Al Quran revealed to Muhammad)

Ang mga aklat na ito ay ipinagkaloob ng Allah sa tao upang gawing panuntunan.Sa paglipas ng maraming panahon ang mga aklat ng Diyos maliban sa Al Quran ay nangawala na o hindi na buo ang nilalaman.

Ang Gospel ni Hesus ay isa sa naging biktima ng pagkasira.Sa ngayon panahong ito,kung ating bubuksan ang Bibliya,matutunghayan natin na ang Ebanghelyo o Gospel ay hindi ayon kay Hesus kundi ayon sa apat na manunulat,Ebanghelyo ayon kay Juan, Lucas,Marcus,at Mateo.At kung susuriin mong mabuti ang nilalaman ng mga ito, pawang mga kasaysayan noong panahon ni Hesus.

Ang mga ito ay nagsasalaysay lamang kung ano ang ginawa ni Hesus sa pang-araw-araw. Nasaan ang EBANGHELYO ni HESUS na SIYANG dapat gamitin ng tao bilang AKLAT ng PATNUBAY? Sa pananaw ng Islam, ang Ebanghelyo ni Hesus ang siyang tanging aklat na dapat paniwalaan bilang Aklat ng Patnubay.At dahil nga sa wala na sa panahong ito ang aklat ni Hesus, sa awa at pagpapala ng Allah, muli Siya ay nagpahayag ng Kanyang Huling Aklat, ang Banal na Quran ay nagbigay liwanag tungkol sa mga naunang mga Aklat.Pinatutunayan ng Banal na Quran ang mga aklat na ipinagkaloob sa mga Propeta ng Diyos.


ANG DAAN TUNGO SA KALIGTASAN


Ang mensahe ni Hesus ay simple at matuwid katulad ng lahat ng nauna sa kanya at ng huling Propetang si Muhammad (Kapayapaan ay sumakanya nawa).Ang kanilang mga aral ay walang pagkakaiba.Ang diwa at kabuuan nito ay ang:

ANG PAGSAMBA at PANINIWALA sa

TANGING-ISANG DIYOS

Kalakip ng

GANAP NA PAGSUKO AT PAGSUNOD

SA KANYANG MGA BATAS

(Ang maikling kahulugan nito ay Islam)

Ang tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos ay magkakaroon lamang ng ganap na katuparan sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa kanyang mga Batas.Ang lahat ng Propeta ng Diyos mula kay Adan,Noah,Abraham,David,Moises, Hesus at Muhammad ay walang pagkakaiba -iba sa pangunahing prinsipiyo.Sila ay nagkakaisa sa isang layuning akayin ang tao sa isang tamang landas tungo sa kaligtasan.

LUMANG TIPAN (Moises)

Si Moises ay nagsabi:

DEUTERONOMY 6:5 "Pakinggan mo O Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon, At iyong mahalin ang inyong Panginoon ng buong puso, ng buong kaluluwa at buong lakas."

BAGONG TIPAN (Hesus)

Si Hesus ay nagbigay aral din at nagwikang:

MARKUS 12:29 "Pakinggan mo O Israel.Ang Panginoon nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong lakas."


BANAL NA QURAN


QURAN 39:11-12 "Ipahayag: ako'y napag-utusang maglingkod sa Diyos ng tapat na Panalangin.At ako ay napag-utusang maging isa sa mga sumusuko ng (buong) sarili sa Diyos."


QURAN 112:1-4 " Ipahayag: Siya ang ALLAH.Ang Tanging Isang Diyos.ALLAH, Walang Hanggan,Ang Kaganapan Walang Anak o di ipinanganak At sa Kanya ay Walang Makakatulad.


ANG KONSEPTO ng TUNAY NA DIYOS ayon sa mga PROPETA


Ang Banal na Quran bilang Huling Aklat ng Diyos na ipinagkaloob kay Propeta Muhammad (sumakanya Nawa ang Kapayapaan) ay naghahandog ng isang malinis at wagas na pagkilala sa Tunay na Diyos.Ilan sa mga Katangian na isang Tunay na Diyos ay:

QURAN 6:103 "Walang paningin ang makapanghahawak sa kanya ngunit Kanyang napanghahawakan ang lahat ng paningin."

QURAN 112:4 "At sa Kanya ay walang makakatulad."

Maging sa maraming pahina ng Bibliya, matatgpuan ang mga katangian ng Tunay na Diyos.Halimbawa, ang Diyos ay nagsabi tungkol sa Kanyang sarili:

ISAIAS 47:10 "At walang Nakakakita sa Akin."

ISAIAS 46:9 "Ako ay Diyos at walang gaya ko."

Si Hesus ay nagsabi rin ng ganito:

JUAN 5:37 "kailanman hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kanyang anyo."


HULING PANANALITA


Batay sa nabanggit na katotohanang inilahad sa maikling lathalaing ito,ang mga kapatid na Kristiyano ay nangangailangan ng matapat na pag-aaral,masusi at makatuwirang pagsikhay tungkol sa katauhan ni Hesus kaalinsabay ng tunay na diwa at aral ni Hesus sa sangkatauhan.


Ang Banal na Quran ay naghahandog sa lahat ng taong naghahanap ng katuwiran, katotohanan at kapayapaan kakambal ng pagnanasang matamo ang kahalagahan ng tunay na pagsuko sa Diyos at ang pagkilala sa ating Diyos na Lumikha sa lahat ng bagay.Ang ALLAH. Tanging ang Banal na Quran lamang ang siyang nagbibigay ng malinaw na konsepto sa nag-iisang Diyos (Absolute Oneness of God).


Ipinahahayag din sa Banal na Quran si Hesus bilang Sugo,Propeta at Lingkod (Alipin) ng Diyos.


Ang susi tungo sa kaligtasan ay nakasalalay sa tamang pananampalataya, paniniwala at pagsamba sa Diyos.Isinasaalang-alang ng Islam ang Kaligtasan bilang pansariling tungkulin ng tao ayon sa kanyang kabutihan, pagkakawanggawa, pagkamasunurin at paglilingkod sa Diyos at higit sa lahat ang Tunay na pananampalataya na nasa ating puso at isip.


Ang ating Maykapal ay nagsabi na lahat ng ating mga kasalanan ay maaari niyang patawarin maliban sa isa at ito nga yaong pagsamba sa isang bagay na nilikha niya.Ang Idolotriya ay isang kasalanang walang kapatawaran.Maging kasinglawak man ng lupa o kasingtaas ng ulap o kasinglalim ng karagatan ang ating kasalanan ngunit ito ay mapapatawad ng Diyos kung tayo ay kumilala at sumampalataya sa Kanya lamang.Kaya't ating bigyang daan sa ating isip ang bagay na ito sapagkat dito nakasalalay ang ating huling hantungan.Walang magandang bagay na hihigit pa kaysa sa KATUWIRAN sapagkat dito nagsisimulang umusbong ang liwanag tungo sa landas ng kabutihan at ang tunay na kahalagahan ng buhay dito sa lupa at maging sa kabilang buhay.


Sana ay pagpalain tayo ng ALLAH sa ating mga mabubuting gawa lalo na sa paglalahad ng katotohanan tungo sa kapayapaan ng buhay dito at sa kabilang buhay.

1 comment:

  1. OSEAS 1:10 "…kayo ay mga anak ng Diyos na buhay."


    Di si allah pasado Dyan dahil kailan man si allah di nagka anak sa Qur'an at di kailan man tinawag na ama

    ReplyDelete