ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Tuesday, November 29, 2011

Ang Pagsamba sa Tunay na Diyos sa Halip ng Pagsamba sa Diyus-diyusan



Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allah ang pagbibigay katambal sa Kanya (sa pagsamba). Datapwa’t pinatatawad Niya ang ibang kasalanan bukod dito sa kaninumang Kanyang nais. At sinumang magtambal ng iba sa pagsamba sa Allah, tunay na siya ay nakagawa ng isang napakalaking kasalanan. [4:48]

Ang Allah – ang Dakila at Maluwalhati ay ipinakilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga Banal na Kasulatan at sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta upang ang tao ay magkaroon ng tamang pang-unawa kung sino Siya. Dahil ang kaisipan ng tao ay may hangganan sa kaalaman, mahirap niyang maabot ang bagay na walang hanggan.

Kaya naman, ang Allah, sa Kanyang pagiging maawain, ay nagpahayag sa tao ng Kanyang katangian upang maiwasan ng tao ang pagkalito tungkol sa katangiang para sa nilikha at katangian para sa Lumikha. Kapag ang katangian ng Diyos ay ipagkamali sa mga katangian ng mga nilikha, ang tao ay nauuwi sa pagtanggap o pagturing sa nilikhang bagay bilang “diyos”. Ang pagturing sa isang nilikhang bagay bilang "diyos" ang siyang kinasasangkutan at batayan ng idolotriya sa lahat ng uri o pamamaraan nito. Sa iba't ibang relihiyon, ang mga nilikhang bagay o tao ay binibigyan ng katangiang pagka-diyos na nagiging batayan ng pagsamba nila sa mga ito bilang kahati ng Diyos.

Ang pagsamba sa mga nilikhang bagay o tao sa halip ng pagsamba sa tunay na Diyos ay isang tuwirang pagtalikod sa dahilan kung bakit ang tao ay nilikha ng Diyos. Samakatuwid, ito ay isang malaking kasalanan na walang kapatawaran kapag ang tao ay nanatiling nasa ganitong kalagayan sa kanyang pagkamatay. At dahil ang layunin sa pagkakalikha sa tao ay upang sambahin ang Diyos, ibinigay Niya bilang unang kautusan ang pagsamba at pananampalataya sa Kanya.

Ang Allah ay nagbigay-babala sa tao na matutunghayan sa Banal na Qurán:
Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allah ang pagbibigay katambal sa Kanya (sa pagsamba). Datapwa’t pinatatawad Niya ang ibang kasalanan bukod dito sa kaninumang Kanyang nais. At sinumang magtambal ng iba sa pagsamba sa Allah, tunay na siya ay nakagawa ng isang napakalaking kasalanan. [4:48]

Sa iba't ibang relihiyon, ang Diyos ay binigyan ng hugis o anyo at katangian sa katauhan ng isang tao, hayop, halaman at mga ibang bagay na nilikha lamang. At dahil ang tao ay higit sa hayop o anuman, ang anyo ng tao ang madalas ginagamit ng mga sumasamba sa diyus-diyusan sa paglalarawan sa Diyos. Kasunod nito ay ang pagpinta, pag ukit o paghubog sa anyo ng tao bilang imahen ng Diyos na nagtataglay ng pisikal na katangian kaalinsabay ng pagsamba sa mga ito bilang diyos. Ang mga Hindu o Buddhist ay sumasamba sa di-mabilang na inukit na idolo na inihawig sa Asyanong tao at kanilang itinuturing bilang larawan ng Diyos. Ang mga makabagong paniniwala sa Kristiyanismo na si Hesus ay diyos na nagkatawang- tao, na ang Tagapaglikha ay naging isang nilikha ay isang halimbawa ng pagsamba ng tao sa isang nilikhang tao lamang. Maraming Kristiyanong pintor katulad ni Michaelangelo na nagpinta ng larawan ng Diyos bilang isang matandang Europeyanong nakahubad na may mahabang puting buhok at balbas na nakasabit ngayon sa Sistine chapel sa Vatican. Ang mga larawang ito ay itinatanghal, ipinagkakapuri at inilalagay sa mataas na karangalan ng mga bansang Kristiyano.

Sa mga di-mabilang na katangian ng Allah, isa sa may mataas na pagpapahalaga ay yaong tungkol sa pagsamba sa Allah sa halip ng pagsamba sa Kanyang mga nilikha. Ang katangiang ito ay tinatawag sa Arabik na “Al-Uloo” na nangangahulugang "Ang Kataas-taasang Diyos". Ito ay nagsasaad ng katotohanan na ang Allah ay nasa kataas-taasan at lagpas sa Kanyang mga nilikha. Siya ay hindi nasasakop o napapaloob sa Kanyang mga nilikha, o di kaya’y nakasanib sa anumang bahagi ng Kanyang nilikha. Sa katotohanan, ang Kanyang sarili ay ganap na nakahiwalay at kakaiba kaysa sa nilikha. Kaya sa Islam, ang konseptong "Ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at sa lahat ng bagay" ay ganap na tinatalikdan at hindi tinatanggap sapagka’t kung ang Diyos ay nasa lahat ng bagay at nasa lahat ng lugar, ito ang siyang daan upang ang tao ay mahulog ng ganap sa IDOLOTRIYA. Ang mga Hindus ay sumasamba sa baka, elepante, punung-kahoy, ahas, at iba pa dahil sa paniniwala na ang Diyos ay nasa loob ng mga ito. Sanhi ng ganitong paniniwala, daan-daang bagay ang kanilang iniidolo bilang diyos. Kaya makikita sa kanilang templo ang iba't iba at sari-saring bagay na kanilang ginawang diyos. Ganito rin naman ang kalakaran ng mga Buddhist, na ang diyos ay nasa katauhan ni Buddha, kaya naman hayagan nilang sinasamba si Buddha bilang kanilang diyos. Ang katayuan ni Buddha ay siya ring katayuan ngayon ni Hesus sa relihiyong Kristiyanismo – na si Hesus na isang Propeta ay naging diyos na nagkatawang-tao. Taliwas sa paniniwalang ito, kahit sa Bibliya ay walang sinabi si Hesus na siya ay diyos na dapat sambahin. Ang katotohanan marami sa mga talata sa Bibliya ang nagpapatunay na si Hesus ay Sugo at Propeta ng Diyos. Sa Pilipinas, mayroon ding relihiyon na ang tampulan ng kanilang pagsamba ay isang bayani ng bansa. O di kaya’y may mga relihiyosong o kulto na dahil sa kanilang bulag na paghanga sa isang presidente kanila itong iniugnay bilang taong may pagka-diyos. Ang Diyos ay wala sa lahat ng lugar o bagay. Siya ay nasa itaas ng lahat ng Kanyang nilikha. Bagama’t Siya ay nasa itaas ng Kanyang nilikha, batid Niya ang lahat ng lugar at bagay. At Kanyang nakikita at nalalaman ng lahat ng bagay at lugar maging ang nilalaman ng mga ito. Ang Banal na Qur'an ay nagsabi:

Siya ang nakababatid (ng lahat), nakatago man o nakalantad. [59:22]

Siya ang nagmamay-ari ng anumang nasa mga kalangitan at kalupaan at ng nasa pagitan ng mga ito. [20:4]

Sa Kanya ang mga susi ng mga di-nakikitang bagay. [6:59]

Kaya walang banal na kadahilanan upang siya ay maging isang nilikha. Dapat isipin na hindi magpapakababa ang Diyos nang dahil sa tao. Ang tao ang nararapat magpakababa para sa Diyos. Kumilala man ang tao sa Diyos o hindi, Siya ay mananatiling Diyos. Ang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos ay hindi mababawasan maniwala man o hindi ang tao sa Kanya. Nguni’t nasa tao ang ganap na kawalan sa sandaling itakwil niya ang Diyos. Sapagka’t ang parusa ay walang hanggang apoy ng Impiyerno. Sa mundong ito, dalawang bagay lamang ang pagpipilian ng tao, ang pumailalim at sumunod sa batas ng Diyos o kaya naman ay pumailalim sa sariling kagustuhan. At sa kabilang buhay, isa sa dalawang bagay din naman ang naghihintay sa tao, ang Paraiso o kaya ang Impiyerno.

Kung pinili ng tao ay pagpailalim sa batas ng Diyos, ang kanyang huling hantungan ay Paraiso. Sa kabilang dako naman, kung ang tao ay pinili ang sariling kagustuhan, katiyakan siya ay maliligaw ng landas at siya ay mapapahamak. At sa kanyang pagkaligaw, ang Impiyerno ay ang kanyang huling hantungan. Kaya ang mensahe ng Islam ay sumasagisag sa ganap na pagsuko at pagsunod sa kalooban ng Diyos upang makamtan ng tao ang tunay na kahulugan ng kapayapaan sa sarili at sa kapaligiran at higit sa lahat makamtan niya ang tunay na kaligayahan sa kabilang buhay.

Ang Islam bilang relihiyon ay nagbigay-babala na umiwas sa idolotriya (ang pagsamba sa istatwa, larawan, santo, santa, Propeta, bayani, presidente, o sa patay at iba pa). Hindi angkop sa kadakilaan, kapangyarihan, kabanalan at karunungan ng Diyos na Siya ay maging nilikha upang sambahin ng kapwa nilikha.

Bagama’t ang Diyos ay nasa itaas ng Kanyang mga nilikha. Siya ay malapit sa mga taong mabubuti ang gawa at kumikilala sa kanya. Dinidinig Niya ang kanilang panalangin. Minamahal niya ang taong nagmamahal sa Kanya at nagpapatawad ng kasalanan sa sinumang tapat na nagsusumamo sa Kanya. Ang Kanyang pintuan ay laging bukas sa lahat ng nagsisisi at nanunumbalik sa Kanya.

No comments:

Post a Comment