ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Tuesday, November 29, 2011

Ang Pagtahak sa Tuwid na Landas at Pag-iwan sa Maling Dating Daan




Ang pagtahak sa Tuwid na Landas ng Diyos ay siyang pinaka-mithiin ng mga taong kumilala sa Kanya ngunit sa dami ng landas na ating masasalubong sa ating paglalakbay dito sa buhay ay iisa lamang ang tama at tuwid na landas. Bago natin talakayin ang pagtahak sa tamang landas ay nais ko munang bigyan ng pansin ang pilosopiyang "pare-pareho lamang ang relihiyon at iisa lamang ang ating patutunguhan". Ito ba ay tunay na makatuwiran o isa na namang dahilan ng kamangmangan?


Kung ating tatanggapin ang ganitong pangangatwiran ay mismo ang Diyos ang ating kokontrahin at sasalungatin. Siya ang may likha sa mga tao at sa lahat ng nilikha, kaya't Siya lamang at walang iba ang may nakaaalam hinggil sa kalagayan ng mga tao. Ginawa Niya ang unang tao na si Adam u na may kalayaang pumili at inilagay Niya ito sa isang lugar kasama ang pagsubok dito, at dahil sa paglagay ni Allah  ng pagsubok sa tao ay nagbigay rin Siya ng mga babala hinggil sa mga pagsubok na ito.


"At sinabi Namin: O Adam manirahan ka kasama ang iyong asawa sa hardin, kainin niyo ang inyong naisin mula sa mga masagana, ngunit huwag kayong lalapit sa puno, sapagka’t kayo ay magiging dhalimin[1]."2:34


Ngunit si Adam (as) ay nakalimot, natukso, nagkasala sa paglapit nila sa puno ngunit sila ay nagbalik-loob at sila ay pinatawad ng Diyos at namuhay ng masunurin sa Diyos hanggang sa pagdating ng kanyang mga lipi na naging masunurin din sa Tagapaglikha sa mahabang panahon. Ngunit dumating din ang panahon na sila ay muling naligaw at nagkasala at dito ay nagpadala si Allah ng Sugo na si Nuh (as) upang ipaalala ang hinggil sa tamang pagsamba sa Diyos, sapagkat sa pagkakataong ito ay marami ng landas ang kinikilala ng mga tao at iilan na lamang ang nagbalik sa tamang landas. At ang nagbalik sa tamang landas ay pinagyaman at pinarami muli ni Allah ngunit sa paglipas ng panahon sila’y muling nangaligaw at nagpadala na naman si Allah (swt) ng mga sugo at mensahero upang magpaalala muli sa kanila. At sa paglipas ng mga panahon ay nagpadala ang Diyos ng maraming mga sugo at propeta sa bawat nasyon at panahon dahil sa mga maling landas na sinunod ng mga tao.


Hanggang sa pagdating ni Moises (as), nang i-sugo siya ni Allah para sa lipi ng Israel at ibigay ang batas na ini-atang sa kanila ni Allah, ngunit ang mga taong ito ay masyadong naging mapagmalaki, ang ilan ay naging masunurin rin ngunit malaki ang bilang ng naging mapagmalaki kahit malinaw sa kanila ang mga tanda mula sa Panginoon. Kahit ngayon ay may mga taong ganito na kahit nakikita na nila ang malinaw na tanda ay nagmamalaki parin sa kanilang mga sarili.


At nagpatuloy si Allah I sa pagpapadala ng mga sugo at propeta para magpaalala sa mga tao hinggil sa tamang pagkilala at pagsamba sa Kanya at pag-iwas sa pagsunod sa mga sariling pananaw. Sa panahong ito ng mga Israelita ay walang duda na kilala na nila si Allah, ngunit si Allah I ay patuloy parin sa pagpapadala ng mga sugo at propeta sapagkat bagkus kilala nga Siya (Allah) ng mga Israelita ngunit maraming mga landas o paraan ang kanilang sinusunod. At sinimulan na nilang pangalanan ang kanilang sarili bilang mga Hudyo na galing sa pangalan ni Hudea (yahudah) na anak ni Jacob, kapalit sa titulong "Tagasunod ng isang Diyos"[2] at tinawag ang kanilang relihiyon bilang Hudayismo na kapalit ng "Pagsuko at pagtalima sa iisang Diyos"[3]


Sa pagkaligaw na ito ay ipinadala ni Allah I si Jesus (as) na anak ni Maria, espesyal para sa mga nangaligaw mula sa angkan ng Israel o ng mga Hudyo at ang ilan ay nagbalik-loob kasama ang mga naging apostol ni Jesus (as). At sila ay nagbalik sa pagsuko at pagpapasakop sa iisang Diyos sa pangunguna ni Jesus (as).


Sa paglisan ni Jesus (as), dahil na rin sa kagustuhan ni Allah, naiwan ang mga apostol (mga tunay na tagasunod ni Jesus (as) at kasamahan at hindi yaong lumutang pagkatapos ng kanyang pag-alis) sa pangangaral ng pagsunod sa iisang Diyos. At tulad rin ng mga naunang tao, unti-unti ring naligaw at kumilala ang mga tao ng kanilang landas at iniwan ang aral ni Jesus (as) at pinalitan ang kanilang pangalan bilang mga Kristiyano at relihiyon bilang Kristiyanismo. Ganito nagkaroon ng iba’t-iba at maraming landas ang mga tao na ngayon ay kanya-kanyang tahak sila. Binago nila ang landas na itinuro ng mga Propeta at Sugo na ipinadala sa kanila kapalit sa pagsunod sa kanilang sariling nasa. Pansinin na lamang ang Hudyo at Kristiyano sa ating panahon at pagkatapos ay tanungin sila kung may bakas pa ba ang katuruan ng mga Propeta sa kanilang relihiyon. Ngayon talamak sa mga bansang Kristiyano at Hudyo ang kalaswaan, pang-aapi, pornograpiya, kabaklaan at iba pa at binabatikos nila ang pamamaraang Islamiko tulad ng pagdarasal ng limang beses sa isang araw, pagdamit ng mga kababaihan ng mahaba, pagbabawal ng alak at pelikulang malaswa.


Kaya maaari nating bigyan ng katumpakan na ang mga nagsasabi na pare-pareho lamang ang relihiyon at iisa lamang ang ating landas na patutunguhan ay bakas ng kamangmangan na namana mula sa mga ligaw na katwiran ng mga naunang naligaw at para manatili ang pagsunod nila sa kanilang hilig, maling paniniwala, at pag-iwan sa pagsamba at pagkilala sa iisang Diyos. At katotohanan na si Satanas ay nagtagumpay sa kanila, maliban na balikan nila ang tamang landas.






No comments:

Post a Comment