Ang Islamikong pananaw hinggil kay Hesus ay nasa pagitan ng dalawang napakamalabis na panig. Ang unang panig ay ang mga Hudyo na tumangging tanggapin si Hesus bilang Propeta ng Diyos at tinawag siyang mapagpanggap o impostor.
Ang ikalawang panig ay ang makabagong Kristiyano na nagtuturing kay Hesus bilang Anak ng Diyos at sinasamba siya na tila baga siya ang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan.
Samantala, ang Islam ay nagtuturing kay Hesus bilang isa sa mga dakilang Propeta ng Diyos. Kaya naman, mataas ang pagpapahalaga ng mga Muslim kay Hesus gayundin naman sa lahat ng mga Propeta ng Diyos, kabilang na rito sina Noah, Abraham, Moises, at Muhammad. Ito ay tumutugma sa Islamikong pananaw hinggil sa kaisahan ng Diyos, kaisahan ng banal na patnubay, at ang kaugnay na bahaging ginampanan ng sumunod na misyon ng mga Sugo ng Diyos.
Ang pinakadiwa ng Islam – ang kusang pagsuko o pagtalima sa kagustuhan ng Diyos – ay inihayag kay Adam, na nagpamana nito sa kanyang mga anak. Ang lahat ng mga sumunod na mga rebelasyon kina Propeta Noah, Abraham, Moises, Hesus at ang pangwakas kay Propeta Muhammad ay naalinsunod sa pahayag na yaon, na kinapapalooban ng ilang mga paliwanag upang bigyan ng kahulugan ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, tao at tao, at ng tao at kanyang kapaligiran. Samakatuwid, ang anumang pagkakasalungatan sa mga inihayag na relihiyon ay itinuturing sa Islam na sangkap na gawang-tao, na ipinasok sa relihiyon. Ang katayuan ni Hesus sa Judaismo at Kristiyanismo ay isang halimbawa nito.
Ang mga di Muslim ay mamamangha kapag natuklasan nilang si Hesus ay binabanggit sa maraming talata ng Banal na Qur’an. Binibigyang-diin ng Banal na Qur'an ang mga mahahalagang aspeto sa pagkasilang ni Hesus, ang kanyang misyon, at ang kanyang pag-akyat sa langit. Gayundin naman, ito ay nagbibigay-hatol sa mga paniniwala ng Kristiyano hinggil sa kanya.
Ang Ninuno ni Hesus
Ang salaysay ng Banal na Qur’an hinggil kay Hesus ay nagsisimula mismo sa kasaysayan hinggil sa kanyang lola – ang asawa ni Imran:
(At tandaan!) Nang sabihin ng asawa ni Imran: “O aking Rabb (Panginoon)! Ipinangako ko sa Iyo (O Allah) kung ano ang nasa aking sinapupunan na maglilingkod sa Iyo. Kaya tanggapin Mo (O Allah) mula sa akin (ang panata kong ito). Katotohanan, Ikaw (O Allah) ang Lubos na Nakaririnig, ang Maalam.”
At nang isinilang niya ito, siya’y nagsabi: “O aking Rabb (Panginoon)! Nagsilang ako ng isang batang babae.” At higit na nakababatid ang Allah kung ano ang kanyang isinilang. “At hindi katulad ng lalaki ang babae (sa paglilingkod), at pinangalanan ko siyang Maryam (Maria). At katotohanan, pinakupkop ko siya sa iyo (O Allah) at ang magiging supling niya laban kay Satanas, ang isinumpa.”
Kaya (ang panata ay) tinanggap sa kanya ng kanyang Rabb (Panginoon) nang may kaaya-ayang pagtanggap. (Qur’an 3:35-37)
Si Maria at ang Anghel
Nang si Maria ay nagdalaga, nagpakita sa kanya si Anghel Gabriel sa anyong isang tao (lalaki), na may dalang balita sa kanya hinggil sa isang anak na lalaki. Mababasa natin ang mga sumusunod na pag-uusap ni Maria at ng Anghel:
…pagkaraa’y ipinadala Namin sa kanya ang Aming Ruh (Banal na Espiritu – ang Anghel Gabriel), at siya’y nagpakita sa kanya sa anyo ng isang ganap na tao. Si (Maria) ay nagsabi: ‘Katotohanan! Ako’y nagpapakupkop sa Mahabagin (Al-Rahman) laban sa iyo, kung sadyang may takot ka sa Allah”. Sinabi (ni Anghel Gabriel): ‘Ako ay isang Sugo lamang mula sa iyong Rabb (Panginoon), (upang ipabatid) sa iyo ang isang handog na isang matwid na anak na lalaki. Siya (Maria) ay nagsabi: ‘Paano ako magkakaroon ng isang anak, gayong walang lalaking sumaling sa akin, ni hindi ako isang Baghiya (marumi at walang dangal)?’ Sinabi (ni Anghel Gabriel): ‘Magkagayunman (ito ay mangyayari), sinabi ng iyong Rabb (Panginoon): ‘Ito ay madali para sa Akin. At (nais Naming) italaga siya bilang isang Tanda sa sangkatauhan at bilang isang habag mula sa Amin (Allah), at ito ay isang bagay na napagpasiyahan na (ng Allah)’. (Qurán 19:17-21)
Si Maria ay Nagsilang ng Sanggol
May isang kabanata sa Banal na Qurán na ipinangalan kay Maria, ang ‘Surah’ (Kabanata) Maryam. Sa kabanatang ito, sinasabi ng Allah sa atin kung paano isinilang ni Maria ang kanyang anak na si Hesus at kung paano pinaratangan ng kanyang angkan nang iniuwi niya ang sanggol sa kanilang tahanan:
Pagkatapos, kanyang dinala siya (ang sanggol na si Hesus) sa kanyang angkan. Sila ay nagsabi: “O Maryam! Tunay ngang nagdala ka ng isang bagay na Fariyy (kakaiba at nakapanghihilakbot). O kapatid ni Harun (Aaron) (isang makadiyos na tao sa panahon ni Maryam)! Ang iyong ama ay hindi masamang tao at maging ang iyong ina ay hindi naging isang Baghiya (marumi at walang dangal).” Kaya, kanyang itinuro siya (ang sanggol). Sila ay nagsabi (sa kanya): “Paano kami makikipag-usap sa isang batang musmos na nasa duyan?” Siya (ang sanggol na si Hesus) ay nagsalita: ‘Katotohanan! ako ay isang alipin ng Allah, ipinagkaloob Niya sa akin ang (banal na) Kasulatan at ginawa Niya akong isang Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saanman ako naroroon, at itinagubilin sa akin ang Salaah (pagdarasal) at Zakah (kawanggawa)habang ako ay nabubuhay. At (ginawa akong) isang masunurin sa aking ina at hindi Niya ako ginawang isang mapagmataas, (at hindi rin isang) suwail. At ang kapayapaan ay mapasaakin sa araw ng aking pagkasilang. At sa araw na ako ay mamatay at sa araw na ako ay bubuhaying muli!’ Iyan ay si Hesus, na anak ni Maryam. (Ito ay) isang pahayag ng katotohanan, na kanilang pinagtatalunan. (Qurán 19:27-34).
Ito ay isa sa mga himala ni Hesus nang siya ay nagsalita mula sa kanyang duyan.
Si Hesus Ba ay Anak ng Diyos?
Ang isa sa mga pangunahing ipinagkaiba ng Kristiyanismo at Islam ay ang katayuan ni Hesus bilang Anak ng Diyos. Mula sa itaas na mga talata, malinaw na ang mga Muslim at Kristiyano ay nagkakasundo hinggil sa mahimalang pagkasilang kay Hesus sa pamamagitan ng isang Birhen. Gayunpaman, ang isang tao bang isinilang sa pamamagitan ng isang Birhen ay tunay na nangangahulugang siya ay bugtong na anak ng Maylikha? Si Hesus ay hindi ang kauna-unahang taong nilikha nang walang ama. Sinabi ng Allah sa Banal na Qur’an:
Katotohanan! Ang kahalintulad ni Hesus sa (paningin ng) Allah ay katulad ni Adan. Siya (si Adan) ay Kanyang nilikha mula sa alabok pagkaraan (ang Allah) ay nagsabi:” Kun (Maging!) Fayakun (at nangyari nga). (Ito) Ang katotohanan mula sa iyong Rabb, kaya huwag mong pamarisan yaong mga (taong) nag-aalinlangan. (Qur’an 3:59-60).
Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, ang pagkakalikha kay Hesus ay walang pagkakaiba sa pagkakalikha kay Adan. Kapag ninais ng Diyos na lumikha ng isang bagay, ang sinasabi lamang Niya ay “Maging!” at kaagad na magaganap ito. Madaling maikakatwiran ng mga Muslim na si Adan ay may higit na karapatang tawaging anak ng Diyos kaysa kay Hesus dahil nilikha ng Diyos si Adan nang walang ina at ama! Gayundin, nilikha ng Diyos si Eba, ang kauna-unahang babae nang walang ina. Nilikha ng Diyos si Hesus nang walang ama, at nilikha naman tayo ng Diyos nang may ina at ama. Ang Diyos ay maaaring lumikha sa anumang pamamaraang Kanyang naisin. Ang Diyos ay nagtatanong:
Kayo ba (O Tao) ay higit na mahirap likhain o ang kalangitan na Kanyang itinayo? Itinayo Niya ito sa (tama at akmang sukat na) taas at Kanyang isinaayos at ginawang ganap (ang pagkakalikha Niya rito). (Qur’an 79:27-28).
Sa makabagong henerasyon ngayon, mayroon na tayong mga mabisang teleskopyong pangkalawakan na makakikita nang higit na malalayo kaysa abot ng isip. Ang sukat at kaganapan ng sandaigdigan ay mahirap arukin o unawain ng kaisipan ng tao. Sinagot ng Diyos ang katanungang ito sa isa pang talata.
Ang pagkakalikha sa mga kalangitan at sa kalupaan ay tunay na nakahihigit kaysa sa pagkakalikha sa sangkatauhan; nguni’t karamihan sa sangkatauhan ay hindi nakaaalam. (Qur’an 40:57).
Isiping mabuti ang pagkakalikha sa mga kalangitan at kalupaan, ang lahat ng mga bilyun-bilyong bituin, ang kaganapan ng mga ito ay tunay na kamangha-mangha sa sinumang magmamasid nito sa liwanag ng gabi. Nakikita nating ang paglikha ng isang tao nang walang ina, walang ama, o may ina at ama ay mga bagay na madaling gawin ng Nag-iisang Dakilang Lumikha na Siyang naglalang ng mga kalangitan at kalupaan at sa nilalaman ng mga ito!
Angkop ba sa Kadakilaan ng Diyos ang Pagkakaroon ng Anak?
Ang pagtanggi sa mismong haka-haka na ang Diyos ay nagkaroon ng anak ay inihahayag nang buong linaw at tibay sa Banal na Qur’an:
At kanilang sinasabi: “Ang Al-Rahman [ang Mahabagin (Allah)] ay nagkaroon ng isang anak!” Katotohanan, kayo ay naglahad (nagsabi) ng isang kakila-kilabot na masamang bagay, na halos magkagutay-gutay ang mga kalangitan (sa salitang ito), magkabiyak-biyak ang lupa at gumuho ang mga bundok. Na kanilang iakibat ang isang anak sa Al-Rahman. At hindi naaangkop sa (Kaluwalhatian ng) Al-Rahman ang magkaroon ng isang anak. Walang sinumang nasa mga kalangitan at kalupaan malibang haharap sa Al-Rahman (ang Allah) bilang isang alipin. (Qur’an 19:88-93).
Sinasabi ng Diyos sa ibang talata:
Gayon si Hesus, ang anak ni Maryam. (Ito ay) isang pahayag ng katotohanan, na kanilang pinagtatalunan. Hindi naangkop sa (Kadakilaan o Kabanalan ng) Allah na Siya ay magkaron ng anak. Luwalhati sa Kanya (sadyang Siya ay malayo sa anumang bagay na kanilang iniaakibat). Kapag Kanyang itinakda ang isang pangyayari, Kanyang sasabihin lamang rito na: ‘‘Maging!’ at mangyayari nga. (Qur’an 19:34-35).
Ang Konsepto ng Trinidad
Itinatanggi rin ng Banal na Qur’an ang konsepto ng Trinidad: “ang Diyos Ama, ang Diyos Anak at ang Diyos Espiritu Santo” – katulad ng matibay na pagtanggi nito hinggil sa konseptong si Hesus ay anak ng Diyos. Ito ay sa kadahilanang ANG DIYOS AY IISA. Ang tatlo ay hindi maaring maging isa. Inihayag ng Diyos:
Katiyakan, naging di mananampalataya ang sinumang nagsasabing: “Ang Allah ay ikatlo sa tatlo (sa Trinidad).” Sa katunayan, walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Isang Ilah (ang Allah)… (Qur’an 5.73).
Sa ibang kabanata, ganito naman ang pahayag: Sabihin mo (O, Muhammad!): Siya ang Allah, ang Nag-iisa. Allah, (As-Samad) walang hanggan, ang ganap, sandigan ng lahat. Hindi Siya nagkaanak at hindi Siya ipinanganak, at Siya ay walang katulad. (Qur’an 112:1-4).
Gayundin: At ang iyong Diyos ay Isang Diyos, La ilaha illah huwa (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Mapagpala, ang Maawain. (Qur’an 2:163).
Sino si Hesus?
Malinaw na inihayag ng Diyos sa Banal na Qur’an kung sino si Hesus:
O Angkan ng Kasulatan! Huwag lumampas sa hangganan ng inyong pananampalataya, at huwag magsabi ng anuman tungkol sa Allah maliban sa katotohanan. Ang Messiah (Hesus), anak ni Maryam (Maria), ay (hindi hihigit sa) isang Sugo ng Allah at ang Kanyang Salita (Mangyari, at nangyari nga!) na Kanyang ipinagkaloob kay Maryam (Maria) at ang kaluluwang nilikha Niya. Kaya maniwala sa Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag sabihin ang: “Tatlo (Trinidad)!” Magtigil (kayo)! Higit na mainam ito para sa inyo. Dahil ang Allah ay (ang tanging) Isang Ilah (Diyos), sadyang napakalayo sa Kanyang Kabanalan (at Kaluwalhatian) ang pagkakaroon ng anak. (Dapat tandaan) Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At ang Allah ay Sapat bilang Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari. (Qur’an 4:171).
Sa isa pang talata: Ang Messiah (Hesus) na anak ni Maria ay hindi hihigit sa isang Sugo, katulad ng maraming Sugong nagsipanaw na nauna sa kanya. Ang kanyang Ina (si Maria) ay isang Siddiqah (naniniwala sa Salita ng Allah nang may lubos na tiwala). Kapwa sila kumakain. Masdan kung paano Namin ginagawang malinaw ang Ayat (mga kapahayagan, katibayan, mga talata, aral, mga palatandaan) sa kanila. Sa kabila nito’y masdan kung paano sila nangaligaw (mula sa katotohanan). Sabihin (O Muhammad), ‘Paano kayo sasamba bukod pa sa Allah ng anumang walang kakayahang makapagdulot ng pinsala, ni hindi makapagbigay ng kapakinabangan sa inyo?’ Subali’t ang Allah ang Siyang Lubos na Nakaririnig (sa inyong ng inyong sinasabi), ang Lubos na Maalam (sa lahat ng inyong ginagawa). (Qur’an 5:75-76)
Ang Pagtatanong kay Hesus
Ang pagtanggi sa pagkadiyos ni Hesus at gayundin naman sa pagkadiyos ni Maria ay inilalahad sa Qur’an sa anyong pag-uusap ng Dakilang Lumikha at ni Hesus, na magaganap sa Araw ng Paghuhukom. Ang lahat ng mga Sugo at kanilang mga nasyon ay titipunin sa harapan ng Diyos at tatanungin Niya ang mga Sugo kung paano sila tinanggap ng kani-kanilang mga mamamayan at kung ano ang kanilang sinabi sa kanila. Kabilang sa mga tatanungin ay si Hesus:
At (tandaan) sa oras na sabihin ng Allah (sa Araw ng Muling Pagkabuhay): “O Hesus, anak ni Maria! Sinabi mo ba sa tao: ‘Sambahin ninyo ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod pa sa Allah’.?” Siya (Hesus) ay magsasabi: ‘Kaluwalhatian sa Iyo (O, Allah)! Hindi para sa akin ang magsabi kung ano ang walang akong karapatan (na sabihin). Kung sinabi ko man ang gayong bagay, katiyakan batid Mo ito (O Allah). Iyong alam kung ano ang nasa aking kalooban bagaman hindi ko batid kung ano ang nasa sa Iyo. Katotohanan, Ikaw, tanging Ikaw (O Allah) ang Lubos na Maalam sa lahat ng nakakubli’.”
“Wala akong sinabi sa kanila malibang sabihin kung ano ang ipinag-uutos Mo sa akin: ‘Sambahin ang Allah, ang aking Panginoon at inyong Panginoon. At ako ay naging saksi sa kanila habang ako ay kasama nila. Nguni’t noong ako ay Iyong kinuha, Ikaw (O Allah) ang Saksi sa lahat ng bagay’.”
Kung sila ay Iyong parusahan, sila ay Iyong mga alipin. At kung sila ay Iyong patawarin, katotohanan, Ikaw, tanging Ikaw (O Allah) ang Lubos na Makapangyarihan, ang Matalino. (Qur’an 5:116-118).
Ang Tunay na Misyon ni Hesus
Ano ba ang sinasabi ng Banal na Qur’an tungkol sa tunay na misyon ni Hesus? Ang Banal na Qur’an ay nagsasabi na si Hesus ay isa sa kawing ng mga Propeta at mga Sugong ipinadala ng Diyos sa iba’t ibang panahon, nasyon at lipunan sa tuwing mangangailangan sila ng patnubay o sila’y naligaw mula sa Kanyang mga turo. Si Hesus ay ipinadala ng Diyos sa mga Hudyo na lumihis sa mga turo ni Moises at ng ibang mga Sugo. Siya ay itinaguyod ng Diyos simulang siya’y ipaglihi at maging sa kanyang pagkasilang hanggang sa pagsapit tamang gulang. Siya ay tinulungan din sa pamamagitan ng maraming himala upang patunayang siya ay Sugo mula sa Diyos. May mga himala sa Qur’an na patungkol kay Hesus na hindi nababanggit sa Bibliya. Gayunman, karamihan sa mga Hudyo ay tumanggi sa kanyang pagiging Sugo.
At hihirangin siyang isang Sugo sa mga Angkan ni Israel (na nagsasabi): “Katotohanan! Ako ay naparito sa inyo na may dalang Ayat (palatandaan, himala) mula sa inyong Rabb (Panginoon). Huhubog ako para sa inyo mula sa luwad (putik) ng animo’y hugis ibon, at hihipan ko ito, at magiging ibon ito sa kapahintulutan ng Allah. At pagagalingin ko ang ipinanganak na bulag, at ang may ketong, at bubuhayin ko ang patay sa kapahintulutan ng Allah. At ipababatid ko sa inyo kung ano ang inyong kinakain at kung ano ang itinatabi ninyo sa inyong mga tahanan. Katiyakan! Naririto ang Ayat (palatandaan, himala) sa inyo kung tunay nga kayong mananampalataya.”
“At (ako ay pumarito) upang magpatunay sa Tawrah (Batas) na nauna sa akin, at upang pahintulutan sa inyo ang ilang ipinagbawal sa inyo. At dumating ako sa inyo na may dalang katibayan mula sa inyong Rabb (Panginoon). Samakatuwid, matakot sa Allah at sumunod sa akin.”
“Katotohanan! Ang Allah ang (Siyang) aking Rabb (Panginoon) at inyong Rabb (Panginoon), samakatuwid Siya lamang ang dapat sambahin. Ito ang matuwid na landas.” (Qur’an 3:49-51)
Ang mga Disipulo ni Hesus
Isang malungkot na katotohanan ng kasaysayan na hindi marami ang sumusunod sa ‘tamang landas’ na kung saan ang mga tao ay inanyayahan ni Hesus. Siya ay sinunod lamang ng ilang mga disipulong binigyan ng inspirasyon ng Diyos upang siya ay tulungan. Ang mga walang pananampalataya ay gumawa ng pakana laban sa kanya, subali’t ang Diyos ang may higit na panukala para sa kanyang mga tagasunod. Matutunghayan sa Banal na Qur’an:
Kaya, nang maramdaman ni Hesus ang kanilang kawalang-paniniwala, siya ay nagsabi: “Sino ang aking mga tagatulong sa (Landas ng) Allah?” Silang Hawariyyun (kanyang alagad) ay nagsabi: ‘Kami ang mga tagatulong (sa pagpapalaganap sa Salita) ng Allah; naniwala kami sa Allah, at sumaksi ka na kami ay mga Muslim (tumalima at isinuko ang buong sarili sa Kalooban ng Allah).’
‘O aming Rabb! Naniwala kami sa anumang Iyong ipinababa, at sumunod kami sa Sugo [Hesus]; kaya itala Mo kami (O Allah) na kasama ng mga As-Shaheedin (mga sumasaksi).’
At sila (mga Hudyo) ay nagbalak (na patayin si Hesus) at ang Allah ay nagbalak din (laban sa kanila). At higit na mahusay ang Allah (sa lahat) ng mga nagbabalak. (Qu'ran 3:52-54).
Ang Pagkakapako sa Krus
Katulad ng nabanggit sa mga naturang talata sa itaas, si Hesus ay dinala at iniakyat sa langit. Hindi siya naipako sa krus. Tunay na nagbalak ang mga kaaway ni Hesus na siya ay patayin sa pamamagitan ng pagpako sa krus, subali’t iniligtas siya ng Allah at pinangyaring iba ang maipako sa halip niya:
At dahil sa kanilang di-paniniwala at sa pagsasabi ng malubhang paninirang-puri laban kay Maryam (Maria). At dahil sa kanilang pagsasabi (nang may pagmamalaki): “Pinatay namin ang Messiah si Hesus, ang anak ni Maria, (at) ang Sugo ng Allah.” Datapwa’t siya’y hindi nila napatay, ni naipako sa krus, bagkus ganoon nga ang lumitaw sa kanila. At yaong nagtatalu-talo dito’y puspos ng pag-aalinlangan. Wala silang (tiyak na) kaalaman, (at) wala silang sinusunod kundi haka-haka lamang. Sapagka’t katotohanan, siya’y hindi nila napatay. Bagkus itinaas siya ng Allah sa Kanyang Sarili. At ang Allah ay Lagi nang Lubos na Makapangyarihan (at) ang Lubos na Matalino. (Qu'ran 4:156-158)
Ang Dobleng Gantimpala
Hindi mabilang ang mga Kristiyano ang yumakap ng Islam matapos basahin ang Banal na Qur’an at ang talambuhay ni Propeta Muhammad. Natuklasan nilang hindi na nila kailangan pang talikuran ang kanilang paniniwala kay Hesus bilang Sugo ng Allah upang maging isang Muslim. Ipinaliwanag ito ni Propeta Muhammad:
“Tatlong uri ng tao ang magkakaroon ng dobleng gantimpala, (ang una rito ay) ang taong mula sa Angkan ng mga Kasulatan na naniwala sa kanyang Propeta (kay Hesus o Moises) at pagkatapos ay naniwala kay Propeta Muhammad (niyakap ang Islam)…” (Sahih Bukhari 1:97A)
Makakapasok sa Paraiso sa Kaunting mga Gawa
Sinabi ni Propeta Muhammad, “Ang sinumang sumaksi na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Nag-iisang Tunay at Tanging Diyos lamang – ang Allah, na walang katambal, at si Muhammad ay Kanyang alipin at Kanyang Sugo, at si Hesus ay Sugo ng Allah at Kanyang Sugo at Kanyang Salita na Kanyang ipinagkaloob kay Maria at isang Espiritu na nilikha mula sa Kanya, na ang Paraiso ay katotohanan at ang Impiyernong-Apoy ay katotohanan – tatanggapin siya ng Allah sa Paraiso na kasama ang kanyang mga ginawa, na kahit na ang mga ito pa ay kakaunti lamang.” (Ito ay iniulat ni Junadah na isa sa tagapagsalaysay. Sinabi naman ni Ubadah bilang karagdagan na may kinalaman din sa mga paksang ito, ‘Ang ganitong uri ng tao ay makapapasok sa Paraiso sa alinman sa walong pintuan nito na kanyang nais.’. (Naitala ni Sahih Al-Bukhari, 4:464)
No comments:
Post a Comment