ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Tuesday, November 29, 2011

Da'wah - Ang Pagpapalaganap ng Islam




Marami ang nag-aakalang ang pagsagawa ng da’wah ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pananalita, pananalumpati, pagbibigay panayam o pakikipagtalakayan. Bagama’t malaki ang naitutulong ng mga paraang ito, mayroon pang higit na mabisa o epektibong pamamaraan. Ito ang pagsagawa o pagpapairal ng turo ng Islam sa ating mga sarili at sa ating pamumuhay. Sa ayaw natin at sa gusto, ang mismong sarili natin ang magsisilbing salamin ng ating pananampalataya. 

Bukod pa sa pangakong Paraiso ng Allah sa mga tumutupad sa Kanyang nais, ang matapat na Muslim na sumusunod sa mga aral ng Islam ay sadyang nakapaghihikayat sa iba upang magkaroon ng interes sa pananampalataya nito. Siya ay parang isang liwanag sa kadiliman na nagsisilbing tanglaw sa kanyang kapaligiran upang makita ng iba ang tamang landas. Sa kabilang banda naman, ang sinumang nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang isang Muslim ay hindi lamang nagkakasala,  gayundin, siya ay nabibilang sa mga sumisira sa larawan ng Islam. Imbes na makatulong sa pagpapalaganap ng Islam, ang tao ay lumalayo dahil sa kanyang di-kanais-nais ng pag-uugali. Sadyang mahirap unawain na ang mabuting puno ay magbubunga ng masama. Iyan ang kaisipan ng mga di-Muslim na may masamang karanasan mula sa Muslim. Ayaw na nilang makinig o bumasa ng anumang tungkol sa Islam dahil sa kanilang galit sa Muslim. Dapat nating tandaang marami sa tao ang naghuhusga nang pangkalahatan. Ang pagkakamali ng isa ay ibinibintang sa kapisanang kinabibilangan nito.

Ang naturang kalagayang pagpapabaya ng Muslim, kasama na ang patuloy na panunuligsa o black propaganda na isinasagawa laban sa Islam ng mga bansang di-Muslim, sadyang napakalaki ang ating responsibilidad upang linisin ang larawan ng Islam sa mata ng balana o kaya’y maibsan lamang kahit kaunti ang duming pilit na idinidikit sa ating pananampalatayang Islam. Kaya naman, ang programang ito ay naglalayong sanayin ang ating sarili sa pagpapalaganap ng Islam kaalinsabay din ng patuloy na pag-aaral sa mga turo ng Islam at isagawa ito sa buhay upang maging isang napaka-epektibong daa’iya.


Paano Magbigay ng Da'wah?

Bago nating tuluyang talakayin ang paksang ito, nararapat lamang malaman natin ang ating pinakalayunin ng da’wah. Kadalasan, ang kakulangan sa kaalaman sa tamang layunin ng da’wah ang nagiging sanhi ng iba’t ibang pamamaraang ginagamit ng mga daa’iya. Sa Islam, hindi natin tinatanggap ang kasabihang “Ang resultang nakamit ay nagbibigay katwiran sa paraang ginamit (the ends justify the means)”. Kahit pa man din maganda ang ating Niyat (o layunin) sa anumang nais gawin, kung hindi naalinsunod sa katuruan ng Islam ang mga paraang ginamit, hindi rin ito tinatanggap sa Islam.


Mga halimbawa: 

v      Pagpapatayo ng Mosque mula sa kita sa bingo at beauty contest.
v      Panunulak at pananakit sa iba upang makabato lamang sa Jammrat.
v      Nais matamo ang ibayong biyaya ng Allah sa Fasting kaya’t siya’y nag-break ng pag-aayuno sa pagsapit ng salaah isha.                               
v      Nais magamit ang gantimpala mula sa Allah kaya’t ginawang tatlong rakah ang salatul fajr.          

Ano ba ang tunay na layunin ng da’wah na siyang dapat nating itanim sa ating puso’t kaisipan upang hindi tayo mawalay sa tamang pamamaraan? Ating matutunghayan sa Qur’an:

“At ang ating tungkulin ay ipahayag lamang ang mensahe nang maliwanag.” [Surah Ya-sin 36:17]

Ang talatang nabanggit ay nagtuturo sa atin sa tamang layunin ng da’wah - Ito ang pagpapahayag lamang sa mensahe ng Islam nang maliwanag. Hindi natin maitatatwa na kahit sa mga sandaling ito bawa’t isa sa inyo ay may kanya-kaniyang layunin sa da’wah, kagaya halimbawa ng mga sumusunod:

1.      Upang maipakita sa mga Kristiano ang kamalian ng kanilang pananampalataya at ang kanilang Bibliya.

2.      Upang ihanda ang sarili sa mga debate tungkol sa bibliya.  Parang nakikita mo ang iyong sarili na mayroon kang panlaban sa bawa’t sabihin ng katunggali.

3.      Upang gawing Muslim ang buong pamilya at ang bawa’t Pilipino.

4.      Upang magkaroon ng pangalan at maging bantog sa larangan ng da’wah.

5.      Upang magtrabaho na lamang sa mga Jaliyat.

6.      Upang makapagtatag ng Muslim organization sa Pilipinas.

7.      Upang maipakita ang kakayahan sa pananalita.

Ang mga naturan ay ilan lamang sa maaaring maging layunin iba sa da’wah. Dapat nating itanim sa ating puso’t isipan na ang kahihinatnan ng tamang layunin na matutunghayan sa talatang nabanggit ay siya lamang makapagbibigay ng kasiyahan sa Allah. At ang kasiyahan, habag at kalooban ng Allah lamang ang dapat nating pagsikapang matamo upang makapasok tayo sa Kanyang sa Paraiso.

Kung susuriin ang Qur’an, ating malalaman na ang misyon ng mga Propeta ay ipahayag lamang ang mensahe nang maliwanag.  Sila ay tagapagbabala lamang at wala sa kanilang mga kamay kung ano ang ibubunga ng kanilang pagpapahayag ng mensahe.  Ang Qur’an ay maliwanag na tinuran ito.

“Kaya’t magbigay ka ng paalala, sapagka’t ikaw ay tagapagpaalala lamang. Hindi ka isinugo upang maging) isang tagapagmando o diktador sa kanila.” [Surah Al-Ghashiyah, 88:21-22]

“At mag-anyaya (sa tao) tungo sa landas ng iyong Panginoon nang may tamang kaalaman at mabuting pangangaral, at magpaliwanag sa kanila sa mga paraang pinakamahusay.” [Surah Al-Nahl, 16:125]

Ang mga Propeta ay nagsagawa ng isang malaking tungkuling kinabibilangan ng malinaw na babala, pagpapaliwanag nang may kaalaman, magandang pangangaral, at hindi mapapasinungalingang pagmamatwid - kanilang pinalalahanan ang iba sa katotohanan.  Hindi sila gumagamit ng pamimilit sa pagsagawa ng kanilang misyon at hindi sila makapagbibigay patnubay sa kaninuman, sapagka’t ang patnubay ay nagmumula lamang sa Allah.

 “Walang sapilitan sa pananampalataya; Maliwanag na mangingibabaw ang katotohanan sa kamalian; Sinumang magtakwil sa masama at manampalataya sa Allah ay humawak sa mapagtitiwalaang hawakang hindi mapapatid. At dinig at batid na Allah ang lahat ng bagay. [Surah Al-Bakarah, 2:256]

“Sabihin: Ito ang aking landas; nag-aanyaya ako sa landas ng Allah nang may tiyak na kaalaman - ako at sinumang sumusunod sa akin. Luwalhatiin ang Allah! Hindi ako magtatambal ng diyus-diyosan sa Allah.” [Surah Yusuf, 12:108]

Ito ang aking landas, pagbibigay-diin ng Propeta (saws), upang magtawag dahil sa Allah nang may kalinawan (basirah) para sa Propeta at sa mga sumusunod sa kanya.  Ang ating pagsasanay ay upang makamit ang basirah.  Ang kanilang layunin sa buhay ay nararapat na ipahayag kagaya ng sinabi ng Propeta (saws) - ang Tuwid na Landas. Sa dahilang si Propeta Muhammad (saws) ang siya ang huling Propeta, ang tungkulin at papel na pinatutungkulan ng talatang nabanggit ay napasan sa ating balikat upang isagawa.

Sino pa ba ang huhusay sa pananalita kaysa sa kanya na nagtatawag sa (tao) tungo sa landas ng Allah, gumagawa ng mabuti, at nagsasabi: ‘Ako ay nabibilang sa mga Muslim!’”. [Suirah Fussilat, 41:33]

Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: 

“Balligo anni walaw ayah”

"Ipamalita ang tungkol sa akin maging ito ay isang ayah lamang.”

No comments:

Post a Comment