ANG MATIGAS NA PUSO
Mula sa mga sawikain ni Ibnul Qayyim:
~ Wala nang mas matindi pang parusa sa isang alipin liban pa sa pusong bato.
PALIWANAG:
Ang matigas na puso ay hindi tumatanggap ng payo at babala kayat ang nagmamay-ari nito ay higit na nalulugmok sa pagkaligaw na siyang kanyang ikapapahamak. Ang taong may matigas na puso ay mas masahol pa sa taong makasalanan subalit may pusong tumatanggap pa rin ng payo at mga babala kahit pa ito ay pabalik-balik sa pagkakasala.
~ Ang apoy ay nilikha upang palambutin ang matigas na puso.
PALIWANAG:
Ang apoy ay parusa sa mga taong lunod sa pagkaligaw dahil sila ay hindi tumatanggap ng mga aral dahil sa kanilang matitigas na mga puso.
~ Ang pusong pinakamalayo kay Allah ay ang matigas na puso.
PALIWANAG:
Tunay na ang naglalapit kay Allah ay ang mga mabubuting gawa, pananalita at mga pag-aalaala sa Kanya. Ang isang taong may matigas na puso ay hindi makagagawa ng mga ito dahil siya ay hindi maaaring mapaalalahanan.
~ Kapag ang puso ay tumigas ay nanunuyo ang mga mata.
PALIWANAG:
Tunay na ang mga mata ay sumasalamin sa damdamin ng nagmamay-ari nito. Ang isang taong may matigas na puso ay hindi na nakokonsensiya sa kanyang mga kasalanan at hindi na natatakot sa mga parusa kaya hindi na lumuluha ang kanyang mga mata sa pagdating ng mga paalaala.
~ Ang pagkasira ng puso ay ang kapanatagan mula sa parusa ni Allah at ang kawalan ng pakialam.
PALIWANAG:
Ang kapanatagan at pag-aakala ng kaligtasan mula sa parusa ni Allah at ang kawalan ng pakialam ay lumalason sa puso kayat ito ay hindi na tumatanggap ng mga binhi ng taqwa at mabubuting aral na itinatanim dito.
Nagpapakupkop tayo kay Allah mula sa matigas na puso at dilang hindi umaaalaala sa Kanya.
No comments:
Post a Comment