ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Mga Hadith Tungkol Sa Pag‑aasawa






179]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Binata, sinuman sa inyo ang kayang magtustos ng asawa ay dapat na mag‑asawa, sapagka't ito ay nag‑iiwas sa inyo sa pagtingin sa ibang babae at inilalayo kayo sa kahalayan; subali't silang hindi (kayang magtustos) ay dapat iukol ang sarili sa pag‑aayuno, sapagka't ito ay isang paraan upang mapigil ang pagnanasa sa laman.[1][40]"  (Bukhari at Muslim)

180]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang isang babae ay pinipiling maging asawa dahil sa apat na dahilan: dahil sa kanyang kayamanan, sa kanyang katayuan, sa kanyang kagandahan, at sa kanyang pananampalataya; kaya't piliin yaong mataimtim sa kanyang pananampalataya (Islam) at maging matagumpay."  (Bukhari at Muslim)

181]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag kayo ay nasisiyahan sa sinuman tungkol sa kanyang pananampalataya (Islam) at pag‑uugali, at humiling na maging asawa ang inyong anak, sumang‑ayon sa kanyang hiling. Kung kayo ay hindi sumang-ayon, magkakaroon ng tukso at maraming kasamaan dito sa mundo." (Tirmidhi)

182]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Bukod sa pagkatakot sa Allah, wala nang higit pang mabuting makakamtan ang isang lalaking nananampalataya maliban sa ulirang asawa na sumusunod sa kanya kapag inuutusan; nagbibigay kasiyahan sa kanya kapag tinitingnan; mataos sa kanya kapag pinakikiusapan; at matapat na pinangangalagaan ang kanyang pagkababae at taus‑pusong kinakalinga ang ari‑arian ng kanyang asawa kapag siya ay wala." (Ibn Majah)

183]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang lalaki ay nag‑asawa,  nakamtan  na niya  ang  kalahati  ng  pananampalataya, kaya't dapat siyang matakot sa Allah tungkol sa natitirang kalahati." (Baihaqi)

184]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kung ang isang lalaki ay nakakita ng babaing nakaakit o nakarahuyo sa kanya, nararapat siyang pumunta sa kanyang asawa, sapagka't taglay din niya ang bagay na taglay ng babae na nakarahuyo sa kanya." (Darimi)

185]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi maaaring ipakasal ang balo o ang diborsiyadang ginang hangga't hindi siya sina-sangguni, at ang birhen ay hindi dapat ipakasal hangga't hindi hinihiling ang kanyang pahintulot." (Bukhari at Muslim)

186]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi nahihiya ang Allah sa katotohanan.  Huwag makipagtalik sa inyong mga asawa sa kanilang mga likuran (anal intercourse)." (Ahmad, Tirmidhi, Ibn Majah, at Darimi)

187]         Si Propeta Muhammad (saws) ay nagssabi: "Sinumang makipag-talik sa asawa sa kanilang likuran (anal intercourse) ay matatamo ang sumpa ng Allah." (Abu Dawud at Ahmad)

188]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang lalaki ay may dalawang asawa at hindi niya pinakitunguhan nang pantay, siya ay darating sa Araw ng Pagbabangong‑Muli na nakalaylay ang kalahating katawan." (Tirmidhi, Abu Dawud, Nasa'i, Ibn Majah at Darimi)

189]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang babae ay nilikha mula sa tadyang at walang paraan upang siya ay maging tuwid para sa iyo; kaya't ipagpatuloy ang kasiyahan mo sa kanya bagama't ang kabaluktutan ay namamayani sa kanya; subali't kapag sinubukan mo siyang ituwid, siya ay mababali na nangangahulugan ng paghi-hiwalay." (Muslim)

190]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Pakitunguhan nang may kabaitan ang kababaihan. Ang kababaihan ay nilikha mula sa tadyang, at ang pinakabaluktot na tadyang ay nasa bahaging itaas. Kung sisikapin mo itong ituwid, mababali ito, at kung hahayaan mo ito, mananatili siyang baluktot. Kaya't maging mabait sa kaba-baihan.  (Bukhari at Muslim)

191]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ni isa sa inyo ay huwag hagupitin ang asawa at pagkatapos ay makipagtalik sa kanya sa pagdating ng gabi." (Bukhari at Muslim)

192]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang ginang ay tumanggi sa tawag ng asawa upang makipagtalik at ang asawa'y nanatiling galit sa buong magdamag, isinusumpa ng mga anghel ang ginang hanggang sa pagsapit ng umaga." (Bukhari at Muslim)

193]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang ginang ay tumutupad sa mga limang takdang pagdarasal, nag‑ayuno tuwing Ramadan, pinananatili ang kapurihan, at sinusunod ang asawa, siya ay makapapasok sa alinmang pintuan ng Paraiso na kanyang naisin." (Abu Nu'aim)

194]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kung mangyari mang ipag‑utos ko kaninuman na magpatirapa sa iba bukod sa Allah, ipag‑uutos ko sa ginang na magpatirapa sa kanyang asawa." (Tirmidhi)

195]         Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang lalaki ay tinawag ang asawa upang bigyan ng kasiyahan ang kanyang pagnanasang makipagtalik, ang asawa ay dapat na pumunta sa kanya kahit siya ay abala sa pagluluto." (Tirmidhi)

196]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang may pinakamahusay na pananampalataya ay silang may pinakamahusay na pag‑uugali; at ang pinakamahusay sa inyo ay silang pinakamabait sa kanilang mga asawa."  (Tirmidhi)

197]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang ginang ang magnais hiwalayan ang kanyang asawa nang walang matibay na dahilan, ang halimuyak ng Paraiso ay ipagkakait sa kanya." (Ahmad, Tirmidhi, Abu Dawud, Ibn Majah at Darimi)

198]         Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pinahihintulutang bagay na kinasusuklaman ng Allah ay ang diborsyo (paghihiwalay ng mag‑asawa)." (Abu Dawud)

199]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang sinuman sa inyong dapat mag-alok (ng kasal) bilang karibal sa kanyang kapatid (Muslim) hanggang sa ang huli ay mag-asawa o iurong ang kanyang alok."  (Bukhari at Muslim)

200]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang kababaihang nagpakasal nang walang saksi (halimbawa: lihim na kasal) ay mga mapangalunya." (Tirmidhi)

201]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang lalaki ay ginugugol ang kanyang salapi para sa kasiyahan ng Allah, siya ay gagantimpalaan - maging ang isang subong (pagkain) na inilalagay niya sa bibig ng kanyang asawa." (Bukhari at Muslim)

202]        Minsa'y tinanong ni Propeta Muhammad (saws) ang isang lalaki kung nasilayan na niya ang babaing nais niyang pakasalan. Nang sabihin niyang hindi pa, ang Propeta (saws) ay nagsabi, "Tingnan mo siya, sapagka't malamang higit na tutubo ang pag-ibig sa inyong dalawa."  (Ahmad, Ibn Majah, Nasa'i at Tirmidhi)

203]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi nararapat sa isang nananampalatayang lalaki na kasuklaman ang nananampalatayang babae, sapagka't kahit hindi niya magustuhan ang isang katangian nito ay maaari niyang magustuhan ang iba niyang katangian." (Muslim)

204]        Nang tanungin ang Propeta (saws) "Ano ang pinakamahusay na kayamanan? "Siya ay sumagot, "Ang pinakamahusay na kayamanan ay isang dilang nag-aalaala (sa Allah), isang pusong mapagpasalamat, at isang nananampalatayang ginang na tinutulungan ang asawa sa kanyang Eeman (pananampalataya)." (Ahmad, Ibn Majah at Tirmidhi)

205]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang buong daigdig ay isang pook ng mga makabuluhang bagay, at ang pinakamahusay na bagay sa mundong ito ay isang butihing asawa." (Muslim)

206]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kung ang isang ginang ay namatay at iniwan ang asawang nasisiyahan o nalulugod sa kanya, siya ay makapapasok sa Paraiso." (Tirmidhi)

207]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Isang kasalanan sa isang lalaking magpigil sa paggugol ng kanyang salaping nararapat na gugulin sa mga umaasa sa kanya." (Muslim)

208]        Isinalaysay ni Ali bin Abi Talib (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na ang Sugo (saws) ng Allah ay ipinagbawal ang Mut'a (pag-aasawa nang pansamantala) at ang pagkain ng laman ng donkey noong digmaan sa Khaibar. (Bukhari)

209]        Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang inanyayahang dumalo sa Walima (piging o salu-salo sa kasal), siya ay dapat pumunta dito (tanggapin ang anyaya).  (Bukhari)





No comments:

Post a Comment