ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Ang Pananaw ng Islam sa Pasko





Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin


Ang Pananaw ng Islam sa Pasko


Ang paksang tatalakayin ay sadyang mahalaga sapagka’t ito’y laganap at naging bahagi na ng buhay ng napakaraming tao sa buong mundo. Isang pagdiriwang na mahirap alisin sa ating kaisipan, lalong-lalo na sa mga balik-Islam, sa dahilang ang naturang pagdiriwang ay kinamulatan at nakagisnan nating pananampalatayang Kristiyanismo.

Gayundin naman, sa mga kapatid nating isinilang sa mga Muslim na magulang, marahil ay marami rin sa kanila ang sumasama o umaayon sa pagdiriwang na ito sa iba’t ibang pamamaraan.

Sa mga hindi pa Muslim, makakatulong din ito upang malaman nila ang pananaw ng Islam sa pagdiriwang ng Pasko.


Kahulugan ng Christmas (Pasko)

Kung ating titingnan ang kahulugan ng Christmas, ito ay isang pagdiriwang ng kalakhang Kristiyanismo tuwing Disyembre 25 bilang paggunita sa mahimalang pagsilang ni Hesu-Kristo. Ang mga Muslim ay naniniwala sa mirakulong pagkasilang ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya. Hindi ka maituturing na tunay na Muslim kapag hindi ka naniniwala dito dahil ito ay nasasaad sa Qur’an [Surah Al Imran, 3:45-47]: 

“Nang ang mga anghel ay nagsabi: O Maria! Tunay, nagpadala sa iyo ang Allah ng isang magandang balita - isang Salita mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay si Messiyah Hesus, ang anak ni Maria, na bibigyang dangal sa daigdig na ito at sa kabilang buhay, at siya ay makakasama ng mga malalapit sa Allah.” [Surah Al Imran, 3:45]

“Siya ay magsasalita sa tao mula sa duyan at sa kanyang paglaki, at siya ay mabibilang sa mga matutuwid.” [Surah Al Imran, 3:46]

Siya (si Maria) ay nagsabi: “O aking Panginoon, paano ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaking humawak sa akin.” Siya’y nagsabi: “Sa gayo’y mangyayari, sapagka’t nililikha ng Allah ang anumang Kanyang naisin. Kapag itinakda ang isang bagay, Kanya lamang sasabihin: “Maging” - at ito’y mangyayari.” [Surah Al Imran, 3:47]  

Kung tutuusin, makatuwiran lamang na ang mga Kristiano at Muslim ay nararapat lamang na magdiwang sa Araw ng Pasko dahil pareho naman silang naniniwala sa pagkasilang ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Datapwa’t hindi maipaglilihim na ang mga Muslim sa buong daigdig ay hindi nagdiriwang sa araw na ito. Hindi ba ito salungat sa kanilang sinasabing paniniwala sa pagkasilang ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, na isinilang ni Birheng Maria?

Ito ang malaking katanungan na ating tatalakayin. Kung bakit ang mga Muslim ay hindi nagdiriwang sa araw ng Pasko bagama’t sinasabi nila sa sila’y naniniwala kay Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, na itinuturing nilang isa sa mga dakilang Propetang isinugo ng Allah sa lupa.


Saan Nanggaling ang Katagang “Christmas”?

Upang lubusan nating maunawaan ang Christmas o Pasko, dapat nating malaman kung saan nanggaling ang katagang Christmas o kung ano ang saligan.

Ayon sa mga iskolar na Kristiyano, ang Christmas ay hinango sa mga katagang CHRISTES MASI, na ang ibig sabihin ay Christ Mass, o ang misang patungkol kay Kristo-Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Ang katagang ito “Christmas” ay unang ginamit noong ika-11 siglo (1100 years ago) mga 1,000 taon matapos mawala si Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, sa mundong ito.

Kaya naman, ang salitang ito ay hindi ginamit ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, at ni hindi niya alam ang salitang ito. Maging ang kanyang mga alagad o disipulo ay walang kaalam-alam sa katagang ito sa dahilang hindi tinuran ni Hesus sa kanyang kapanahunan.

Sa wikang Romano, ito ay tinatawag na “DEIS METALIS DOMINI” na ang ibig sabihin ay kaarawan ng panginoong diyos. Isang gawaing Shirk.


Katibayan sa Kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Tungkol naman sa petsang Disyembre 25, ang mga iskolar na Kristiyano ay naniniwala na walang sinumang nakababatid sa eksaktong kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Ating mababasa sa COLLIER ENCYCLOPEDIA-- “Ang eksaktong kaarawan ni Hesus ay imposibleng malaman kahit gamitin pa ang mga nakasulat sa ebanghelyo pati na ang kasaysayang nauukol kay Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.”

Gayundin, sa NEW INTL. DICTIONARY OF CHRISTIAN CHURCH, mababasa natin na walang mapagbabatayan sa kasaysayan na nagbibigay katibayan sa araw, at buwan ng pagkasilang ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.
           
Sa Islam, ang pagkasilang ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, ay nababanggit sa Qur’an [Surah Maryam, 19:22-26]:

“At siya’y nagdalantao, at humayo sa malayong lugar. [Surah Maryam, 19:22]

At ang sakit ng panganganak ay nagtaboy sa kanya sa may puno ng palmera at siya ay nagsabi: “Sana’y matagal na akong namatay bago pa dumating ito, at nabaon na (ako) sa limot at wala na sa paningin (ninuman)!” [Surah Maryam, 19:23]

At nagsalita (ang batang si Hesus o si Gabriel) sa may ibaba niya: “Huwag magdalamhati!  Ang iyong Panginoon ay nagbigay sa iyo ng isang batis na umaagos sa may ibaba mo. [Surah Maryam, 19:24]

At ugain mo ang puno ng palmera at maglalaglagan ang sariwang hinog na bunga nito sa iyo. [Surah Maryam, 19:25]

Kaya’t kumain at uminom at magalak. At kung makakita ng tao, iyong abihin: Katotohanan, ako ay nangako sa Mapagpala ng pag-aayuno, kaya’t hindi ako makikipag-usap kaninumang tao sa araw na ito.” [Surah Maryam, 19:26]


Pagdiriwang ng Kaarawan

Sa unang tatlong siglo makaraang mawala si Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, sa daigdig, ang simbahan ay may malakas na oposisyon laban sa pagdiriwang ng kaarawan (birthday) sapagka’t ito ay isang kaugaliang pagano.

Ang mga Hudyo ay hindi nagdiriwang ng kanilang kaarawan. At si Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, ay isang Hudyo. Hindi siya nagdiwang ng kaarawan at hindi rin naman ipinagdiwang ang kanyang kaarawan ng kanyang mga alagad o disipulo.

Ang pagdiriwang ng kaarawan ay bantog na bantog noon pa sa mga paganong Greko at Romano. Ito ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aalay, masaganang kainan, at ang pagbibigay ng regalo sa may kaarawan.

Kaya’t ang pagdiriwang ng birthday ay isang kaugalian ng mga pagano at ito ay walang kinalaman sa relihiyon na dinala ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya. Ito ay sadyang napakaliwanag. Dito makikita na ang pinanggalingan ng pagdiriwang ng kaarawan ay hindi nabibilang sa mga kapahayagan ng Allah bagkus isang kaugalian ng mga pagano ng isinama sa isinasagawa ngayon ng simbahang Kristiyanismo.


Pagdiriwang ng Pasko sa iba’t ibang Petsa

Si CLEMENT  NG ALEXANDRIA ay nagsabi na ang pagdiriwang ng kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, ay naroroon na noong taong 200 sa Ehipto.

Ito ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang araw sa iba’t ibang lugar. Ang mga iskolar ng Kristiyanismo noong ika-2, 3, 4 at 5 na siglo, ay nag-aangkin ang bawa’t isa sa kanila ng kaalaman sa tunay na kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.  Wala silang napagkasunduan tungkol sa eksaktong kaarawan ni Hesus.

Matapos mabinyagan si Constantine sa pananampalatayang Kristianismo, ang simbahan sa Roma ay ipinag-utos ang pagdiriwang ng kaarawan ni Hesus tuwing ika-25 ng Disyembre. Ang panahon ni Constantine ay noong ika-4 na siglo. Sa panahong ito lamang itinakda ang Disyembre 25 bilang kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Bagama’t karamihan ng Kristiyano sa mga panahong yaon ay nagdiriwang sa kaarawan ni Hesus tuwing Disyembre 25, ang pagdiriwang ng mga Armenians (Eastern Church) ay kanilang isinasagawa tuwing ika-6 ng Enero magpahangga ngayon.


Ano ang Saligan ng Pagpili sa Disyembre 25?

Saan nanggaling ang Disyembre 25? Ating matutunghayan din sa COLLIERS ENCYCLOPEDIA na ang pagpili ng Disyembre 25 ay nakuha sa mga paganong Romano sa kanilang pagdiriwang ng “MITALIS SOLIS INVICTI”, isang pagdiriwang sa kapangyarihan ng Diyos na Araw (Sun God) sa relihiyong MITHRAISM.

Ang pagdiriwang na ito ay sadyang kilalang-kilala sa mga Romano. Ito ay tanda na ang simbahan ay ginamit itong paraan upang akitin ang mga Romano na ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, sa petsang ito upang makalimutan nila ang kanilang pagsamba sa Araw.

Huwag nating kalilimutan na ang Kristiyanismo ay pinalaganap sa Roma at upang hikayatin ang mga paganong ito, isinama sa pagdiriwang ng simbahan ang kanilang mga paganong kaugalian.

Sina ST. CIPRIAN at ST. JOHN CRYSOSTOM ay pinatutunayan ito sa kanilang mga aklat.

Gayundin naman, ating mababasa sa ENCYCLOPEDIA OF RELIGIONS AND ETHICS na may isang matandang kaugalian ang mga Romano sa pagdiriwang ng SATURNALIA (God of Saturn).

-      Ito ay pinagdiriwang sa araw ng Disyembre 25.
-      Ito ay laganap sa bansa. (National holiday)
-      Ang mga paaralan ay nakasara
-      Walang ipinatutupad na kaparusahan sa araw ng iyon (ceasefire)
-      Nagpapalit sila ng damit
-      Ang sugal na dice ay pinahihintulutan
-      Nagbibigayan ng regalo.  Manika ang ipinamimigay sa bata.

Sa Northern Europe, ang tribo ng TEOTONIC ay nagdiriwang ng kanilang WINTER SOLISTICE tuwing ika-25 ng Disyembre sa paniniwalang isinisilang na muli ang araw.

Ang pagdiriwang ng Disyembre 25 ay naging laganap at ito ay itinuring ng simbahan ng Kristiyanismo bilang isang pamamaraan ng kanilang dibosyon sa pananampalataya.


Pagbabawal sa Pagdiriwang

Magkagayunman, noong sumapit ang taong 1642 hanggang 1652, ang mga Kristiyanong Puritano sa Inglateria ay nagpalabas ng batas sa pagbabawal ng misa at pagdiriwang sa araw na ito.

Gayundin, ito ang naging desisyon ng mga Kristiyano sa Amerika na dala ng mga dayuhan.

Subali’t nang dumating ang taong 1900, ang maraming mga dayuhan sa Amerika na galing sa Germany at Ireland ay nagbigay buhay na naman sa paganong pagdiriwang na ito. Kahit na may oposisyon (pagtutol ng simbahan), ito ay natabunan dahil sa dami ng mga imigrante.


Christmas Tree

Maging ang Christmas tree ay galing din sa paganong kaugalian. Ito ay sikat sa nauang Ehipto at Roma. Sa kanilang pagdiriwang sa Saturnalia, ang Evergreen tree ang gamit na palamuti sa bahay at sa mga kalsada dahil ito ay simbolo ng walang hanggang buhay sa dahilang ang punong ito ay hindi namamatay sa panahon ng taglamig (winter).


Mga Tagasunod ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya.

Kaya’t ang masugid na Kristiyano, tagasunod ni Hesu-Kristo, lalang-lalo na ang mga lagi nang bumabanggit ng John 14:6 - “Ako ang landas, katotohanan, at ang buhay.  Walang makapaparoon sa Ama maliban sa pamamagitan ko”, ay dapat lamang sundin ang landas na itinuro ni Hesus.

Ang Pasko ay walang koneksiyon sa pagtuturo ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya. Ang pagdiriwang nito ay hindi magbibigay kasiyahan sa kanya at sa nagsugo sa kanya dahil hindi naman niya ito ipinatupad. Ito ay hindi bahagi ng landas ng kanyang itinuro.

Ang mga Muslim ba ay pinahihintulutang sumama sa pagdiriwang ng Pasko o kaya’y magbigay pagbati sa Pasko.  Hindi dahil sa mga sumusunod;

1. Ito ay isang hayagang pagkunsinti sa isang kaugaliang pagano.
2. Ito ay isang gawaing hindi naaayon sa turo ni Hesus
3. Ito ay direktang pagsalungat o paglabag sa kanyang pananampalataya. 
4. Ito ay isang pagkukunwari at ang Islam ay kinasusuklaman ang pagkukunwari.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“Sinuman ang gumaya sa kaugalian ng iba, siya ay nabibilang sa kanila.”

Ang Qur’an ay nagsasabi: 

“Sa araw na ito ay pinaging-ganap Ko ang inyong relihiyon para sa inyo, ginawang lubos ang Aking tulong sa inyo, at pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon....” [Surah Al Maidah, 5:3]

Naniniwala tayo sa Allah at sa itinuturo ng Islam batay sa kapahayagan.   Ito ay hindi nagbabago ayon sa kapritso o pagkagusto ng tao.  Ang Qur’an at ang mga Sunnah ni Propeta Muhammad, ang magsisilbing gabay sa atin kung paano natin isabuhay ang itinuturo ng Islam. 


Pagdiriwang sa Kaarawan ni Propeta Muhammad

Ngayon naman, ang maaaring itanong sa atin ay ganito:  Bakit ninyo sinasabing ang pagdiriwang ng kaarawan ni Hesus, Ang biyaya at habag ng Allah nawa'y mapasakanya, ay gawaing pagano, samantalang kayo ay nagdiriwang din ng kaarawan ni Propeta Muhammad.

Ito ay sadyang napakalungkot na nangyayari. Bagama’t ang mga Muslim ay may maliwanag na patnubay na nananatiling nasa orihinal na anyo hanggang sa ngayon, hindi pa rin maiwasan ng iba ang pagsagawa ng mga bagay na salungat sa itinuturo ng Islam. Ito ay dulot ng kamangmangan sa pananampalataya at sa pagnanais na tularan ang ginagawa ng iba.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“Anumang bagong bagay na isinasama sa ating pananampalatayang ito (Islam), ay hayaan itong itakwil.” 

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“Wala nang iba pang gawain na makapaglalapit sa inyo sa Allah maliban lamang sa mga naituro ko sa inyo.”

Bilang pangwakas, tayong mga Muslim ay may dalawang batayan sa ating panuntunan ng buhay: ang Qur’an at ang Sunnah ni Propeta Muhammad. Ang ating pamumuhay at pagsamba ay nararapat lamang ayon sa Kanyang ipinahayag at sa pamamaraang itinuro ng Kanyang Propeta upang ito ay tanggapin ng Allah.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“May dalawang bagay akong iiwanan sa inyo na kung inyo itong panghahawakan ng mahigpit ay hindi kayo maliligaw: ang purong Salita ng Allah at ang aking Sunnah.”
                       
Mga karagdagang mga talata sa Qur’an at mga Hadith:

“Katotohanan, nasa Sugo ng Allah ang pinakamahusay na halimbawa upang pamarisan - sa sinuman na may pag-asam sa (pagharap sa) Allah, sa Huling Araw at laging alaala ang Allah. [Surah Al Ahzab, 33:21]

“...At anuman ang ibigay sa inyo ng Sugo ay kunin ito, at anumang kanyang ipagbawal sa inyo ay iwasan ito...” [Surah Hashr, 59:7]

“... At hayaan ang mga sumasalungat sa mga ipinag-uutos ng Sugo na mag-ingat, kung hindi’y magkakaroon sila ng Fitnah (pagsubok, kahirapan, lindol, patayan, pang-aapi, etc) o isang napakasakit na parusa ang mapapasakanila.” [Surah An-Nur, 24:63]

“O kayong nananampalataya!  Sundin ang Allah at sundin ang Sugo), at  yaong may otoridad. Kung kayo’y di-magkaunawaan sa anumang bagay sa isa’t isa, isangguni sa Allah at sa Kanyang Sugo (saws), kung kayo ay naniniwala sa Allah at sa Huling Araw.  Iyon ay higit na mahusay at higit na karapat-dapat sa huling pagpapasiya.” [Surah An-Nisa, 4:59]

“At kung inyong susundin ang karamihan dito sa daigdig, kanilang ililigaw kayo nang malayo sa landas ng Allah.  Wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, at wala silang ginawa kundi magsinungaling.” [Surah Al An-am, 6:116]


Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“Mag-ingat sa kalabisan tungkol sa relihiyon.  Napahamak ang mga nauna sa inyo dahil sa kanilang pagmamalabis tungkol sa relihiyon.”

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

“Huwag magmalabis sa pagpuri sa akin kagaya ng ginawa ng mga Kristiyano sa anak ni Maria. Ako ay isang alipin, kaya’t inyo lamang  sabihin: “Alipin ng Allah at Kanyang Sugo”.


No comments:

Post a Comment