ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Mga Hadith Tungkol Sa Sawm (Pag aayuno)





109]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kahit mag-ayuno pa ng habang-buhay, hindi mababayaran nito ang isang araw ng paghinto ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadan nang walang makatuwirang dahilan o karamdaman." (Ahmad at Tirmidhi)

110]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang mag-ayuno tuwing Ramadan dahil sa Eeman (paniniwala) na naghahangad ng gantimpalang tanging mula sa Allah, ang kanyang mga nakaraang kasalanan ay mapapatawad. Sinumang magsagawa ng Salaah tuwing gabi ng Ramadan dahil sa Eeman na minimithi ang gantimpalang tanging mula sa Allah, ang kanyang mga nakaraang kasalanan ay mapapatawad. At sinumang magsagawa ng Salaah sa oras ng Laylatul-Qadr dahil sa Eeman na may hangaring makamit ang gantimpalang tanging mula sa Allah, ang kanyang mga nakaraang kasalanan ay mapapatawad."  (Bukhari at Muslim)

111]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pag-aayuno at ang Qur'an ay kapuwa mamamagitan para sa isang nananampalataya sa Araw ng Paghuhukom. Ang pag-aayuno ay magsasabi, 'O Panginoon, nagkait ako sa kanya ng pagkain at kaligayahang seksuwal sa maghapon, kaya't tanggapin ang aking pamamagitan sa kanya.' At ang Qur'an ay magsasabi, 'O Panginoon, nagkait ako sa kanya ng pahinga at tulog sa gabi, kaya't tanggapin ang aking pamamagitan sa kanya.' Kaya't tatanggapin ng Allah ang pamamagitan ng dalawa." (Bayhaqi)

112]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang sinumang hindi umiwas sa masamang usapan at masamang gawain habang nag-aayuno, hindi tatanggapin ng Allah ang pag-iwas niya sa pagkain at inumin." (Bukhari at Muslim)

113]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Huwag (magsimulang) mag‑ayuno hangga't hindi ninyo nakikita ang bagong buwan, subali't kung maulap, buuin ang tatlumpung araw ng buwan ng Shaban (ang buwan na sinusundan ng Ramadan); at huwag titigil (sa pag-aayuno) hangga't hindi ninyo nakikitang muli (ang bagong buwan)." (Bukhari at Muslim)

114]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang sinumang nakakain o nakainom dahil sa pagkalimot habang siya ay nag‑aayuno, nararapat na ipagpatuloy ang kanyang pag‑aayuno (ito ay hindi nakasira ng kanyang pag-aayuno), dahil ang Allah lamang ay nagpakain at nagpainom sa kanya."  (Bukhari at Muslim)

115]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kumain ng Sahur (pagkain bago magbukang-liwayway), sapagka't mayroong biyaya dito."  (Bukhari at Muslim)

116]       Nang tanungin ang Propeta (saws) kung kailangang mag-aayuno habang nasa paglalakbay, siya'y sumagot, "Mag-ayuno kung nais ninyo, o ipagpaliban ito kung nais ninyo."  (Bukhari at Muslim)

117]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Allah ay Siyang nagbigay pahintulot na pagaanin ang dasal ng isang naglalakbay, at ang pag‑aayuno ng isang naglalakbay, ng isang ina na nagpapasuso ng sanggol at ng isang nagdadalantao.[3][29]"  (Abu Dawud, Tirmidhi, Nasa'i at Ibn Majah)

118]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi pinahihintulutan sa ginang ng tahanan na mag‑ayuno kapag ang asawa nito ay kapiling maliban lamang na siya'y bigyan ng pahintulot nito[4][30], at huwag siyang magpapasok ng sinuman sa kanilang bahay na walang pahintulot ang kanyang asawa.[5][31]"  (Muslim)

119]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang pag‑aayuno na dapat gampanan sa dalawang araw: Eidul-Fitr at Eidul-Adha[6][32]." (Bukhari at Muslim)

120]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang gawa ng tao ay itinataas sa Allah tuwing Lunes at Huwebes, at higit na nais kong mag-ayuno kapag ang aking mga gawa ay iniuulat."  (Tirmidhi)

121]       Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) ay nagsalaysay na ang Propeta (saws) ay laging nag-aayuno tuwing Lunes at Huwebes. (Tirmidhi)

122]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang mag-ayuno sa buong buwan ng Ramadan at sinundan niya ito ng anim na araw (ng pag-aayuno) sa buwan ng Shawwal, ay para na rin siyang nag-ayuno ng isang buong taon."  (Muslim)

123]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang sinuman sa inyo ang dapat mag-ayuno sa araw ng Biyernes hangga't hindi kayo mag-ayuno ng isang araw bago (Huwebes) o pagkatapos (Sabado) nito." (Bukhari at Muslim)

124]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag nagsimula ang buwan ng Ramadan, ang mga tarangkahan ng Paraiso ay nakabukas at ang mga tarangkahan ng Impiyerno ay nakasara, at ang mga demonyo ay nakatanikala." (Bukhari)

125]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Iwasan ang Al-Wisal (ang tuloy-tuloy na pag-aayuno). Ang mga tao ay nagsabi sa kanya, 'Bakit mo ginagawa ito?' Siya'y (saws) nagsabi: 'Hindi ako katulad ninyo, sapagka't ako ay binibigyan ng pagkain at inumin ng Allah'." (Bukhari)







27.         Ang Sawm (pag-aayuno) ay isa sa mga haligi ng Islam. Ang bawa't Muslim na nasa tamang gulang at mabuting kalusugan ay dapat na mag-ayuno tuwing buwan ng Ramadan (ang ika-siyam na buwan ng kalendaryong Islamiko). Siya ay umiiwas sa inumin, pagkain, at pakikipagtalik sa asawa mula bukang-liwayway hanggang sa takip-silim sa buong buwan ng Ramadan.
28.         Ang makatuwirang dahilan ay kasama ang paglalakbay, karamdaman, o napakabigat   na gawaing pisikal.  Kasama rin nito ang
nagdadalantao o nagpapasuso ng sanggol na maaaring makapinsala sa kanya o sa sanggol
29.         Ang Islam ay isang pananampalataya na sadyang payak, praktikal at nasa gitnang landas na malayo sa anumang kalabisan.
30.         Bukod pa sa mga araw ng Ramadan, may mga araw sa buong taon na ang mga Muslim ay inaatasang mag-ayuno upang makamit ang karagdagang gantimpala  mula sa Allah.. Ang paghingi ng pahintulot ng ginang sa kanyang asawa bago mag-ayuno ay tumutukoy sa mga araw na ito.   Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan ay hindi nangangailangan ng pahintulot sa dahilang ito ay isang itinakdang tungkulin sa bawa't Muslim.
31.         Ang Islam ay binibigyang-diin ang pagkamasunurin ng ginang sa kanyang asawa maliban lamang kung siya ay utusang sumuway sa Allah.
32.         Ang Eid-ul-Fitr ay isang pandaigdigang pagdiriwang ng mga Muslim na isinasagawa sa sumunod na araw  pagkatapos ng  Ramadan. Ang  Eid-ul - Adha ay pangalawang pandaigdigang pagdiriwang ng mga Muslim at ito ay isinasagawa tuwing ika-sampo ng buwan ng Dhul-Hijja, ang panghuling buwan ng kalendaryong Islamiko.

No comments:

Post a Comment