ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Mga Hadith Tungkol Sa Pagsusumamo






138]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Siya na naka-aalaala sa kanyang Panginoon at siya na hindi naka-aalaala ay katulad ng buhay at patay." (Bukhari at Muslim)

139]       Isinalaysay ni Anas bin Malik na ang laging binabanggit na pagsusumamo ng Propeta (saws) ay: "O Panginoon, igawad sa amin ang pinakamahusay sa mundong ito at ang pinakamahusay sa Kabilang buhay, at ilayo kami sa kaparusahan sa Apoy." (Bukhari at Muslim)

140]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "O Allah, ako ay humihingi sa Iyo ng patnubay, pagkamataimtim, pagpipigil sa sarili, at kakayahan." (Muslim)

141]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang nagnanais marinig ng Allah ang kanyang pagsusumamo sa oras ng kagipitan, nararapat siyang laging manambitan sa oras ng kaligayahan." (Tirmidhi)

142]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang isa sa inyo ay magsumamo (sa Allah), nararapat siyang humiling nang may pananalig, at huwag magsabi ng, 'O Allah, igawad sa akin (ang ganito atbp...), kung Iyong nais.'" (Bukhari at Muslim)

143]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi tinatanggihan ng Allah ang pagsusumamo ng tatlong tao: ang nag-aayuno sa takdang oras ng paghinto ng pag-aayuno, ang  makatarungang pinuno at ang  inaapi."  (Tirmidhi)

144]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang isang Muslim ay nagsusumamo para sa kanyang kapatid (na Muslim) kahit ang huli ay wala, ang mga anghel ay paulit-ulit na nagsasabi, 'Nawa'y igawad din sa iyo (ang iyong pagsusumamo).'" (Muslim) 

145]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pagsusumamo ng isang alipin (ng Allah) ay patuloy na ipinagkakaloob hangga't hindi siya nagsusumamo para sa masamang bagay o para putulin ang pagkakamag-anak, at hangga't hindi siya nagmamadali sa pagsusumamo." Nang siya ay tanungin kung paano nagmamadali, siya ay sumagot, "Ang nagsusumamo ay nagsasabi, ako'y laging nananalangin subali't hindi ipinagkakaloob ang aking panambitan, at sa kawalan ng tiyaga, kanyang tinalikdan ang pagsusumamo." (Muslim)

146]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sa pagsapit ng huling ikatlong bahagi ng gabi, ang ating Panginoon - ang Maluwalhati ay nananaog at nagpapahayag, "Sino ang nagsusumamo sa Akin nang maipagkaloob Ko ang kanyang hiling? Sino ang nagmamakaawa sa Akin nang maipagkaloob Ko ang kanyang nais? At sino ang naghahangad ng Aking pagpapatawad nang maigawad Ko ang Aking kapatawaran sa kanya?" (Bukhari at Muslim)

147]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sa tuwinang nagsusumamo ang isang nananampalataya, ipinagkakaloob ng Allah ang kanyang hinihiling, inilalayo siya sa anumang masama o inilalaan ang biyaya nito sa Araw ng Paghuhukom - hangga't hindi siya humihingi ng anumang masama o pagputol ng pagkakamag-anak." Nang madinig ito, may isang sumumpa, 'Magkagayo'y magsusumamo kami nang marami,' sa gayon ang Propeta (saws) ay nagsabi: 'Higit na nakararami ang pagtugon ng Allah.'" (Tirmidhi)

148]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "May dalawang pararila na madali at magaang sabihin subali't mabigat at mahalaga sa timbangan at sadyang kanais-nais sa Ar-Rahman (Ang Mahabagin--ang Allah). Ang mga pariralang ito ay Subha-nal-lahi wa-bi-ham-dihi, Subha-nal-lahil 'Atheem (Luwalhatiin ang Allah at sa Kanya ang Pagpupuri, Luwalhatiin ang Allah, ang Dakila)." (Bukhari at Muslim)

149]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang kalinisan ay kalahati ng pananampalataya, at ang pariralang Wal-hamdo lil-lah (Purihin ang Allah) ay pinupuno ang timbangan, at ang pariralang Sub-ha-nal-lahi wal-hamdo lil-lah (Luwalhatiin ang Allah, Purihin ang Allah) ay pinupuno ng gantimpala ang pagitan ng langit at lupa." (Muslim)

150]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "May tatlong pararila na kapag binanggit ng sinuman pagkatapos ng bawa't itinakdang Salaah, siya ay hindi kailanman mabibigo. Ito ang pagsasabi ng Subhan Allah (Luwalhatiin ang Allah) nang tatlumpu't tatlong beses, Al-hamdo lil-lah (Purihin ang Allah) nang tatlumpu't tatlong beses, at ang Allaho Akbar (Ang Allah ay Dakila) nang tatlumpu't apat na beses." (Muslim)

151]       Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang alipin ay sadyang malapit sa kanyang Tagapanustos kapag siya ay nagpapatirapa (sa pagsagawa ng Salaah), kaya't dagdagan ang pagsusumamo habang nasa ganitong katayuan." (Muslim)



No comments:

Post a Comment