ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Sajdah As-Sahw - Pagpapatirapa dahil sa pagkakamali sa Salaah



Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin


Bilang tao, likas na sa atin ang magkamali.  Kapag nakagawa ng pagkakamali sa mga itinakdang tung-kuling Salaah, o kapag alinlangan sa bilang ng Rak'a (kung ito ba ay kulang o labis), ang dalawang pagpapatirapa (Sajdah Sahw) ay maaaring isagawa matapos iwasto ang pagkakamali at bago wakasan ang Salaah ng Tasleem (Assalamu Alaikum Wa Rahmatullah).


Ang pagwawasto ay isinasagawa lamang kapag ang pagkakamali ay kinabibilangan ng mga mahaha-lagang haligi ng Salaah katulad ng mga sumu-sunod:
 

1.   Ang pagsasabi ng "Allahu Akbar" (Takbiratul Ihram) sa pagsimula ng Salaah.

2.   Ang pagbasa ng Al-Fatiha sa lahat ng Rak'a.

3.   Ang pagsagawa ng Ruku (pagyuku).

4.   Ang pagsagawa ng Sujud (pagpapatirapa).

5.   Ang pagbasa ng Tashahud pagkatapos ng huling Rak'a habang nakaupo.

6.   Ang pagsasabi ng Tasleem (Assalamu Alaikum Wa Rahmatullah) pagkatapos  ng Salaah.


Alinman  sa mga   naturang  bahagi ng  Salaah  ang nakaligtaan, kinakailangang ulitin ang buong Rak'a na  kung saan  nakalimutan ang  bahagi  ng Salaah. Subali't kapag Takbiratul Ihram ang nakalimutan sa umpisa ng Salaah, kinakailangang ulitin ang buong Salaah.
             

Halimbawa: Kapag ang nagdarasal ay nakalimutan ang pagbasa ng Al-Fatiha.  At ito ay naalaala bago o habang nasa katayuan ng Rukuh (nakayuko), kina-kailangang tumayo siya at basahin ang Al-Fatiha. Sa kabilang dako naman, kung nakalimutan niyang basahin ang Al-Fatiha at ito ay naalaala lamang nang siya ay nasa pangalawang Rak'a na, ang pangalawang Rak'a na ito ay mabibilang na unang Rak'a lamang sa dahilang ang nauna ay walang saysay o halaga.


Matapos iwasto ang pagkakamali, ang pagsagawa ng Sajdah Sahw (dalawang pagpapatirapa dahil sa pagkakamali) ay maaaring gawin bago sabihin ang Tasleem (Assalamu Alaikum Wa Rahmatullah)


Kapag may alinlangan sa bilang ng Rak'a (kung ito ba ay isa o dalawa?), piliin ang isa at tapusin ang Salaah mula sa bilang na ito.  Kapag alinlangan naman kung dalawa o tatlong Rak'a ang nagawa, ituring na dalawa lamang ang nagawang Rak'a at tapusin ang Salaah mula sa bilang na ito. Isagawa ang Sajdah Sahw bago magsabi ng Tasleem.

No comments:

Post a Comment