Ang pinakamahalagang katotohanan na dapat alalahanin ay ang layunin ng buhay ng tao sa mundong ito. Huwag nating sayangin ang bawa’t panahon sa makamundong pagnanasa lamang. Bigyan din natin ng sapat na panahon ang ispirituwal na pangangailangan. Hindi pa huli ang lahat upang magbalik-loob sa Allah.
Ang Banal na Qur’an ay naglarawan ng gayong tagpo sa Araw ng Paghuhukom. Kapag ang mga makasalanan ay naghihinayang, at nagdadalamhati sa nagawang kasalanan.
“Kung inyo lamang silang makikita sa sandali na sila ay nakatindig sa harap ng Apoy at nagsasabing,”Tunay na kung kami lamang ay muling makababalik (sa mundo), hindi kami magtatakwil sa mga paalala (tanda o kapahayagan) ng aming Panginoon at kami ay mapapabilang sa (hanay) ng mga mananampalataya.” (Qur’an Al-An’am 6:27)
Karagdagan pa:
“At kanilang sasabihin (nang may pagsisisi at panghihinayang): "Kung nakinig lamang kami o ginamit ang aming talino, sana ay hindi kami napabilang sa mga magsisitahan sa Naglalagablab na Apoy!"(Qur’an Al-Mulk 67:10)
Kaya, ang layunin ng munting aklat na ito ay (una) upang gisingin ang natatagong damdamin ng tao at magbigay ng paalala tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang pananampalataya, tamang pagsamba at tamang paggawa ng mga kabutihan bilang paghahanda sa Araw ng Paghuhukom na kung saan ang tao ay magsisi at magsabi na:
“…kanyang sasabihin:"Sayang! sana'y nakagawa ako noon (ng kabutihan) para sa aking buhay (na ito)!" (Qur’an Al Fajr 89:24)
“….Sinabi niya, “Tunay na (sayang), kung hindi ko lamang binigyan ng katambal ang aking Panginoon (sa pagsamba)….” (Qur’an Al Khaf 18:42)
“….Kasawian sa akin! (sayang) Kung ako ay sumunod lamang sa landas ng Sugo! (Qur’an Furqan 25:27)
At ikalawa upang anyayahan ang tao tungo sa pamumuhay sa ilalim ng paglilingkod sa Allah habang mayroong pang sapat na pagkakataong maituwid ang kanilang mga kamalian sa mundong ito sapagka’t ipinagbibigay-alam sa atin mula sa Banal na Qur’an na hindi tatanggapin ng Allah ang pagsisisi na batay lamang sa takot sa kamatayan sa sandali ng kanilang paghihingalo:
“Walang pagsisisi (na tatanggapin) para sa mga taong patuloy sa paggawa ng kasamaan hanggang abutan sila ng kanilang kamatayan at sila ay magsasabi, “Ngayon ako ay nagsisisi na” o maging ang mga taong namatay bilang mga walang pananalig (sa Allah). Sa kanila ay inihanda ang isang mahapding parusa.” (Qur’an An-Nisa’4:18)
Kaya, nararapat na magpasiya habang may pagkakataon pa. Huwag nating ipagwalang-bahala ang mahalagang araw ng ating kamatayan. Katiyakang ito ay darating sa atin anumang oras ngayon. Halina sa Islam!
No comments:
Post a Comment