439] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Oras (Araw ng Paghuhukom) ay hindi magaganap hanggang sa dumating ang humigit-kumulang na tatlumpung sinungaling. Lahat sila ay mag-aangking mga Sugo ng Allah." (Bukhari)
440] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang isinugong Propeta na hindi nagbigay babala sa kanyang mga tagasunod tungkol sa isang sinungaling na iisa ang mata (Al-Masih Ad-Dajjal)[1][68]. Mag-ingat! Siya ay bulag sa isang mata, at ang inyong Panginoon ay hindi ganito, at may nakasulat sa pagitan ng mata (ni Al-Masih Ad-Dajjal) ng (katagang) Kafir (di-nananampalataya)." (Bukhari)
441] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: May pitong uri ng taong mabibigyan ng lilim ng Allah sa (itinakdang) Araw (ng Paghuhukom) na walang lilim (na makakamtan) maliban sa Habag ng Allah: isang makatarungang pinuno, ang isang taong nasa kabataang gulang na abala sa pagsamba sa Allah, isang taong ang puso'y nakadikit sa Masjid, dalawang taong nagmamahalan dahil sa Allah at nagtitipon dahil sa Allah at naghihiwalay nang may paggunita sa Kanya, isang lalaking inanyayahan ng isang maganda at kaakit-akit na babae (sa pangangalunya) subali't tinanggihan ang kanyang anyaya at nagsabing, 'natatakot ako sa Allah', isang taong nagbigay ng kawanggawa nang lihim na ang kanyang kaliwang kamay ay hindi nalaman kung ano ang ipinamigay ng kanang kamay, at ang isang taong alaala ang Allah sa kanyang pag-iisa na tumutulo ang luha (dahil sa takot sa Allah)." (Bukhari at Muslim)
442] Isinalaysay ni Abu Dharr na si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi kakausapin (bibigyang kalinga) ng Allah ang tatlo (uri ng tao) sa Araw ng Paghuhukom. Ni hindi Niya titingnan sila o padadalisayin sila." Matapos niyang sabihin ito nang tatlong beses, ako ay nagsabi: "Sila'y tunay na maliligaw at mawawasak.' Sino sila, O Sugo ng Allah?" Siya (saws) ay sumagot, "Siyang kumakaladkad ng kanyang damit dahil sa pagmamalaki, siyang nagmamayabang sa mga naitulong sa iba, at siyang nagbenta ng kalakal sa pamamagitan ng panunumpa nang may kasinungalingan." (Muslim)
443] Isinalaysay ni Abu Hurayrah na nang magtanong ang Propeta (saws) "Alam ba ninyo kung sino ang pulubi (lugi)? Ang mga Sahaba (kasama) ay sumagot, "Ang pulubi ay yaong walang pera o ari-arian." Ang Propeta (saws) ay nagsabi: "Ang pulubi ay isa sa aking mga tagasunod na darating sa Araw ng Paghuhukom na (may baong mabubuting gawa dahil sa siya'y) nagsagawa ng Salaah, nagbayad ng Zakat, nag-ayuno, at gumawa ng iba pang mga tungkulin. Subali't siya rin ay nagsagawa ng pang-aapi, paninirang puri, paglustay ng yaman ng iba, pagpatay, at pananakit sa iba. Bawa't isa (sa ginawan niya ng kasalanan) ay mabibigyan ng bahagi ng kanyang mabubuting gawa. Kung wala ng natitira sa (baon niyang) mabuting gawa, magkagayon ang masasamang gawa (ng mga ginawan niya ng kasalanan) ay ililipat sa kanya, at dahil dito (siya ay magiging pulubi [lugi] at) siya ay itatapon sa Impiyerno." (Muslim)
444] Isinalaysay ni A'ishah na nang marinig niya ang Propeta (saws) na nananalangin nang ganito; "O Allah, gawing magaan ang paglilitis sa akin." Ako ay nagtanong, "Ano ang magaan na paglilitis? Siya (saws) ay sumagot, "Tinitingnan ng Allah ang talaan (ng mga gawa ng tao) at Kanyang pinatatawad sila. O A'ishah, sinumang susuriing mabuti sa Araw ng Paghuhukom ay mawawasak." (Ahmad)
445] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang nagnanais na mailigtas ng Allah sa kahirapan ng Araw ng Paghuhukom ay dapat magbigay palugit sa isang (may utang na) nasa kagipitan o mag-patawad sa (taong may) pagkakautang. (Muslim)
446] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pinakamalapit sa akin sa Araw ng Paghuhukom ay iyong lagi nang nagsasabi ng 'sallallaho alayhi wa sallam' (sa tuwing nababanggit ang aking pangalan)." (Tirmidhi)
447] Isinalaysay ni A'isha (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na minsa'y bumalik ang Propeta (saws) mula sa paglalakbay at nakita niya ang kortinang may mga larawan na nakasabit sa may harapan ng aking bahay. Sa pagkakita nito, ang Propeta (saws) ay nag-iba ang kulay ng mukha (dahil sa galit) at nagsabi: 'O A'isha, sa Araw ng Paghuhukom, ang mga taong sumipi (kumopya) sa mga nilikha ng Allah ay maparurusahan nang pinakamasidhi'. Kaya't aking pinagputol-putol ito at nakagawa ako ng isa o dalawang punda ng unan. (Bukhari at Muslim)
448] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Patuloy na tinatanggap ng Allah ang pagsisisi ng Kanyang mga nilikha hanggang sa sumikat ang araw sa kanluran (isa sa mga tanda ng Araw ng Paghuhukom)." (Muslim)
449] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Muslim, lalaki o babae, ay mananatiling may pagsubok hinggil sa sarili, mga supling at ari-arian hanggang sa siya ay makaharap ng Allah (sa Araw ng Paghuhukom) sa isang kalagayang napatawaran na ang kanyang mga kasalanan (dahil sa pagtitiis)". (Tirmidhi)
450] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: Tiyakang ipaiiral ng Allah ang pagbabayad ng utang sa mga dapat tumanggap nito sa Araw ng Paghuhukom; maging ang kamaliang (pinsalang) ginawa ng isang may sungay na kambing sa isang kambing na walang sungay ay pagbabayarin." (Muslim)
451] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang isang Muslim ay kapatid sa kapwa Muslim; hindi niya ito sinasaktan ni hindi niya ito ibinibigay sa kanyang kaaway. Sinumang magbigay sa pangangailangan ng kapwa Muslim, ibibigay ng Allah ang kanyang pangangailangan. Sinumang mag-alis sa kahirapan ng kapwa Muslim, aalisin ng Allah sa kanya ang ligalig sa Araw ng Paghuhukom. Gayundin, sinumang magtago sa kamalian ng kapwa Muslim, tatakpan ng Allah ang kanyang pagkakamali sa Araw ng Paghuhukom." (Bukhari at Muslim)
452] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang bawa't alipin ng Allah ay mananatiling nakatayo sa harapan ng Allah sa Araw ng Paghuhukom hanggang sa masagot niya ang limang katanungan hinggil sa limang bagay: ang kanyang buhay - kung paano niya ito ginugol, ang kanyang kaalaman (sa pananampalataya) - kung paano niya ito ginampanan, ang kanyang yaman - kung paano niya ito kinita at kung paano ginugol, ang kanyang katawan (kalusugan) - kung paano niya ito ginamit." (Muslim)
453] Isinalaysay ni A'isha (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na narinig niya ang Sugo ng Allah na nagsabi: "Ibabangon at titipunin ang tao sa Araw ng Paghuhukom na nakayapak, hubad, at hindi tuli. Ako ay nagsabi: O Sugo ng Allah, magkakasama ba ang mga lalaki at babae at hindi sila magtitinginan sa isa't isa? Siya (saws) ay sumagot: 'A'isha! ang katayuan (sa Araw na iyon) ay sadyang kahila-hilakbot na hindi na nila kayang magtinginan pa sa isa't isa'." (Bukhari at Muslim)
No comments:
Post a Comment