210] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ipinagbabawal ng Allah sa inyong sumumpa sa ngalan ng inyong mga magulang. Kung sinumang magnais sumumpa, nararapat na sumumpa siya sa Ngalan ng Allah, o kaya'y magsawalang‑kibo." (Bukhari at Muslim)
211] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Huwag sumumpa sa ngalan ng inyong mga magulang, o sa mga diyos‑diyusan. Sumumpa lamang sa Ngalan ng Allah kapag nagsasalita lamang ng katotohanan." (Abu Dawud at Nasa'i)
212] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang manumpa sa ibang pangalan bukod pa sa Allah, siya ay nagbigay ng katambal sa Allah." (Tirmidhi)
213] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang magbigay nang di-makatotohanang panunumpa upang angkinin nang di-makatarungan ang ari-arian ng kapuwa, haharapin niya ang matinding galit ng Allah sa Araw ng Paghuhukom." (Bukhari at Muslim)
214] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang mang-agaw sa karapatan ng kapuwa sa pamamagitan ng di-makatotohanang panunumpa, itatapon siya ng Allah sa Impiyerno at ipagkakait sa kanya ang Paraiso." Isang tao ang nagtanong: 'O Sugo ng Allah, kahit ba ito ay maliit na bagay lamang'? Siya (saws) ay sumagot: 'Maging ito ay pinakamaliit na sanga ng isang halaman'." (Muslim)
215] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang mga ito ay mabibigat na kasalanan: Ang pagbibigay katambal sa Allah, ang pagsuway sa magulang, ang pagpatay at ang pagbibigay ng di-makakatohanang panunumpa." (Bukhari)
216] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang ilan sa mga mabibigat na kasalanan ay pagbibigay ng katambal sa Allah, ang kawalan ng pagmamahal, at ang di-makatotohanang pagsumpa.
217] Sinumang manumpa at dinagdagan ito ng kasinungalingan kahit kasing-sukat lamang ng pakpak ng niknik, ilalagay ang isang batik sa kanyang puso hanggang sa pagdating ng Pagbabangong-Muli." (Tirmidhi)
218] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: “Sinumang manumpa ng isang kasinungalingan ay makakaharap ng Allah (sa Araw ng Paghuhukom), at ang Allah ay magagalit sa kanya.” Binasa pagkatapos ng Propeta ang sumusunod na talata (ng Qur’an): “Silang ipinagpalit ang pananampalatayang nauukol sa Allah at ang kanilang panunumpa sa maliit na halaga ay walang makukuhang bahagi ng kabilang-buhay (Paraiso); ni hindi sila kakausapin ng Allah, ni hindi sila titingnan sa Araw ng Paghuhukom; ni hindi sila padadalisayin (patatawarin sa kanilang kasalanan). Magkakaroon sila ng matinding parusa.” (Bukhari at Muslim) (Al-Imran -3:77)
219] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: May tatlong taong hindi kakausapin ng Alllah sa Araw ng Paghuhukom - ni hindi sila titingnan o padadalisayin. Isa sa kanila ay yaong itinataguyod ang pagbenta ng kanyang paninda sa pamamagitan ng panunumpa ng kasinungalingan. (Muslim)
No comments:
Post a Comment