·
Nagpapapuri tayo kay Allah at nagpapasalamat sa kanyang mga biyaya sa pagpapadali ng ating adhikain na maiparating sa mga tao ang mensahe ng kanyang relihiyon ang pananampalatayang Islam. Tunay na ang da'wah ang pinakamainam na gawain dahil ito ay propesyon ng mga sugo at mga propeta. Ang da'wah ang isa sa mga gawain na may pinakamalaking gantimpala dahil makukuha din ng taong naggabay tungo sa kabutihan ang gantimpala na makukuha ng lahat ng susunod sa kanya nang walang nababawas sa gantimpala nilang dalawa.
Mga kapatid sa Islam. Ang da'wah ay isinasagawa natin sa tatlong kadahilanan. Una sa pagiging obligado nito, ikalawa sa pagkakataon natin na magligtas sa mga tao mula sa apoy ng impiyerno sa pamamagitan ng da'wah na maaaring gawing paraan ni Allah sa paggabay sa kanila at ang pag-asam sa gantimpala.
Ang da'wah bilang isang uri ng pagsamba ay nararapat lamang na may kalakip na dalawang kundisyon nito upang matanggap at maituring na tama: una ay ang pagsasagawa nito nang alang alang kay Allah at pagsasagawa nito ayon sa sunnah ni Propeta Muhammad. Ang da'wah ay isinasagawa natin hindi bilang trabaho o paghahangad ng pangmundong kapakinabangan. Ito ay nauunawaan na ng marami subalit tila marami ang nalilito sa pagsasagawa ng da'wah ayon sa sunnah kaya't tukuyin natin ang ilan sa mga paglabag na naisasagawa ng ilang mga kapatid bilang paaalaala sa aking sarili at sa ating lahat.
ANG PAGGAMIT NG MUSIKA
Musika, isa sa mga pangkaraniwang libangan ng marami sa mga tao sa panahon natin ngayon. Musika na siyang lumilinlang sa puso ng tao sa pagkakaroon ng panandaliang pakiramdam ng tuwa o lungkot at iba pang damdamin. Marami sa mga nagsasagawa ng da'wah sa panahon ngayon ang nag-aakala na ang layunin ng da'wah ay maglibang sa tao kayat gumagawa sila ng mga bagay bagay na labag na sa Islam na sa inaakala nila na moderno at makapupukaw sa atensiyon ng mga tao. Alalahanin natin na ang isang gawaing mali - kahit gawin sa mabuting intensiyon ay nananatiling mali. Sa kasamaang palad ay marami ngayong mga video at mga awiting islamiko kuno ang naglipana na may ganitong maling pananaw at lumayo tayo sa pagtangkilik sa mga ito at pagbawalan natin ang iba mula dito. Kailanman ay hindi maaaring maghalo ang Islam at ang mga bagay na taliwas sa mga pinaninindigan nito.
HINDI PAGSISIMULA SA MGA PINAKAMAHALAGANG BAGAY
Si Propeta Muhammad ang higit na nakaaalam pagdating sa mga tamang kaparaanan sa pagsasabuhay ng Islam kaya siya ay ating tinutularan sa lahat ng larangan na may kinalaman sa pananampalataya at kabilang dito ang da'wah. May mga kapatid na sa kagustuhan ng maiparating ang mensahe ay nag-aakala na mabuti ang masyadong pagpapalawak ng usapin hanggang sa dumarating na sila sa usapin na hindi na mahalaga para sa isang tao na nag-aaral ng pananampalataya at lumilito lamang sa kanya. Sinabi 'Aishah, 'kung ang unang ayah na bababa sa qur'an ay ang pagbabawal ng pag-inom ng alak ay sasabihn ng mga tao na hindi namin iiwang ang alak kahit kailan. at kung ang unang ayah na bababa ay ang ayah tungkol sa paglayo sa pangangalunya ay sasabihin ng mga tao na hindi namin iiwang ang pangangalunya kahit kailan. ngunit ang mga naunang ipinahayag ay ang mga maiiksing surah na nagbabanggit ng paraiso at impiyerno at nang tumatag na ang pananampalataya sa puso ng tao ay saka lamang ibinaba ang halal at haram.' Ganito ang tamang pagtuturo, ang pagtuturo sa mga bagay na pinakamahahalaga tulad ng usapin sa pananampalataya bago ang mga pangalawang usapin na lamang.
ANG PAGTALIKOD NG MANGANGARAL SA PAG-AARAL
Maraming mga mangangaral sa ngayon ang nag-aakala na sapat na ang kanilang mga nalalaman kaya tinatalikuran na nila ang pagdalo sa mga aralin ng mga kapwa nila mangangaral sa pag-aakala na sila ay pawang mga nakahihigit na sa kaalaman o wala na silang obligasyon na mag-aral. Ang pag-aaral ay isang pang habang panahong obligasyon dahil sa ang tao ay nakalilimot at maaaring ang kanyang naunang pinag-aralan ay mali pala. Dahil sa ganitong ugali ay nakikita natin ang kakulangan ng maraming mangangaral sa kaalaman sa Islam gayundin sa mga kaalaman sa mabisang pagpapahayag na nagiging dahilan na sila ay higit na nagliligaw kaysa sa naggagabay. May mga mangangaral na nakuntento na lamang sa pagbabasa ng mga aklat islamiko na isang maling alternatibo sa pag-aaral sa ilalim ng isang buhay na guro dahil ito ay may mga kasamaang kalakip tulad ng pagkakamali sa pagkakaunawa sa mga nasusulat sa libro.
Kapatid sa Islam, bagaman tayo ay nabubuhay sa makabagong panahon ay hindi ito nangangahulugan na tatalikuran na ang mga pinaninindigan ng mga naunang muslim sa atin lalo ang mga pamamaraan ng mga sahabah at ng salafus saleh. Ipagpatuloy natin ang pagtitimbang sa ating mga sarili at manatiil tayong handa sa mga hamon nang panahon nang hindi tinatalikuran ang ating mga adhikain at prinsipyo sa larangang ito.
Ang kapayaan ay sumalahat ng mga naghahangad ng gabay.
sana poh ay marami kaung maging taga sunod maganda poh itong ginwa nyo sana poh ay marami tayung mahikayat na magbalik islam..=)) allah bless you all
ReplyDeleteAssalamualaykum...napakaganda ang mensahe ngunut mas mainam na lagyan natin ng tafseer, daleel o mga hadith at saan nakuha o saang libro mabasa para sa gayon mas epiktibo ang pagbibigay natin ng kaalaman.
ReplyDelete