ASSLAMU ALAYKUM WA RAHMATULAHI WA BARAKATU

Thursday, December 1, 2011

Mga Hadith Tungkol Sa Pagkakapatiran





420]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang panlalait sa isang Muslim ay pagsuway sa Allah, at ang pakikipag‑away sa kanya ay pagtataksil." (Bukhari at Muslim)

421]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Huwag magpakita ng kasiyahan sa kasawiang‑palad ng iyong kapatid at baka kahabagan siya ng Allah at ibaling sa iyo ang kasawiang‑palad." (Tirmidhi)

422]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang magtawag o mag‑utos sa iba sa pagkatribo‑tribo (pangkat‑pangkat) ay hindi nabibilang sa atin; at sinumang makipaglaban dahil sa pagkatribo-tribo ay hindi nabibilang sa atin; at sinumang mamatay na ipinagtatanggol ang pagkatribo‑tribo ay hindi nabibilang sa atin." (Abu Dawud)

423]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Makikita ninyo ang mga nananampalataya sa kanilang pagdadamayan at pagmamahalan sa isa't isa kagaya ng isang katawan.  Kung ang isang bahagi ay may karamdaman, ang ibang bahagi ay nakiki‑isa sa pagdaramdam at siphayo." (Bukhari at Muslim)

424]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang mga nananampalataya sa isa't isa ay katulad ng isang gusali na ang mga bahagi nito ay umaalalay sa isa't isa." (Bukhari at Muslim)

425]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Tulungan ang inyong kapatid maging siya ay mapang-api o inaapi." May isang tao ang tumutol, "O Sugo ng Allah, tutulungan ko siya kapag siya ay naaapi, subali't paano ko siya tutulungan kung siya ay gumagawa ng pang-aapi" Siya ay sumagot, "Pigilin mo siya sa kanyang pang-aapi. Iyon ang tulong mo sa kanya." (Bukhari at Muslim)

426]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang isang Muslim ay kapatid sa kapuwa Muslim; hindi niya ito ginagawan ng masama o hinahayaang magdusa. Kung sinuman ang tumulong sa pangangailangan ng kanyang kapatid, tutulungan siya ng Allah sa kanyang pangangailangan. Kung sinuman ang mag‑alis sa ligalig ng kanyang kapatid, aalisin ng Allah ang ligalig sa kanya sa Araw ng Pagbabangong-Muli. Kung sinuman ang magtago sa lihim ng kapatid, itatago ng Allah ang kanyang mga lihim sa Araw ng Pagbabangong-Muli." (Bukhari at Muslim)

427]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang isang Muslim ay kapatid sa kapuwa Muslim: hindi niya ito ginagawan ng masama, tinatalikuran o hinahamak. Ang kabanalan ay natatagpuan dito (itinuro ang dibdib ng tatlong ulit). Ang paghamak sa kapatid na Muslim ay sadyang napakasama upang gawin ng isang Muslim. Ang dugo, ari‑arian at dangal ng bawa't Muslim ay sagrado (banal) sa isang Muslim." (Muslim)

428]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang tatlo sa inyo ay magkakasama, ang dalawa sa inyo ay hindi dapat mag‑usap nang sarilinan na hindi iniintindi ang isa hangga't hindi kayo mapabilang sa maraming tao, upang siya ay hindi mabigyan ng kalungkutan." (Bukhari at Muslim)

429]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang magbigay sa pangangailangan ng aking tagasunod na naglalayong bigyan siya ng kasiyahan, binigyan niya ako ng kasiyahan.  Siya na nagbigay kasiyahan sa akin ay nagbigay kasiyahan sa Allah. At siya na nagbigay kasiyahan sa Allah ay ipapasok siya ng Allah sa Paraiso."  (Baihaqi)

430]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Nararapat lamang sa isang taong nagmamahal sa kanyang kapatid (sa pananampalataya) na sabihin sa kanya na minamahal niya ito." (Abu Dawud at Tirmidhi)

431]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi pinahihintulutan sa sinumang lumayo sa kanyang kapatid nang higit sa tatlong araw kagaya ng pag‑iwas sa isa't isa kapag nagkakasalubong. Ang higit na mabuti sa dalawa ay yaong unang bumati." (Bukhari at Muslim)

432]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi, "Ang Muslim ay siya na sa kanyang dila at kamay ay ligtas ang kapwa Muslim".[1][67] (Bukhari at Muslim)

433]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang demonyo ay isang lobo (mabangis na aso) sa tao, kagaya ng lobong lumiligalig sa tupa, tinutugis ang nag‑iisang nananatiling malayo sa kawan at gumagala. Kaya't iwasan ang sanga‑sangang landas at manatiling magkakasama."  (Ahmad)

434]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Huwag mapoot sa isa't isa, at huwag mainggit sa isa't isa, at huwag tumalikod sa isa't isa. O sumasamba sa Allah! Maging magkakapatid. Hindi pinahi-hintulutan sa sinumang Muslim na talikuran (di-kausapin) ang kanyang kapatid nang higit sa tatlong araw."  (Bukhari)

435]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Iwasan ang paghihinala, sapagka't ang paghihinala ay pinakamasamang uri ng kasinungalingang masasabi. Huwag maging mausisa sa bawa't isa, o maniktik (manubok) sa isa't isa. Huwag magpaligsahan sa pagtataas ng halaga. Huwag mainggit sa isa't isa. Huwag mapoot sa isa't isa. At huwag manirang-puri sa isa't isa. Bagkus maging mga alipin (pagsunod nang walang pagtutol sa Allah) at maging magkakapatid sa isa't isa." (Bukhari at Muslim)

436]   Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang isang Muslim ay nagtatanong (nangungumusta) tungkol sa kalusugan ng kanyang kapatid o (dahil dito) dinadalaw niya ito, ang Allah ay magsasabi: 'Ikaw ay mabuti, at ang iyong paglalakad ay may biyaya, at ikaw ay gumawa ng iyong tahanan sa Paraiso'." (Tirmidhi) 

437]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Isang labis na kasamaan ang hamakin ang kanyang kapatid. Itinuturing ng isang Muslim na ang dugo, ari-arian at dangal ng kapuwa Muslim ay sagrado (banal) at di-malalabag."  (Muslim)

438]    Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Isinusumpa ko sa Allah na may hawak ng aking kaluluwa, ang isang alipin (sumusunod sa Allah nang walang pagtutol)  ay hindi magiging isang tunay na nananampalataya hangga't hindi niya naisin sa kanyang kapuwa kung ano ang nais niya sa kanyang sarili." (Bukhari at Muslim)




No comments:

Post a Comment